close
Balik-Tanaw

Antonio Luna, Heneral ng Digmaang Pilipino-Amerikano


Matapos mapatay sina Hen. Antonio Luna at mga kasama, nagkaroon ng imbestigasyon ngunit walang nahatulang may sala.

“Mga duwag! Mga traydor!”

Ito ang mga huling salita ni Hen. Antonio Luna bago siya malagutan ng hininga noong Hun. 5, 1899. Nasa kasagsagan noon ang pakikidigma ang mga Pilipino laban sa mga puwersang Amerikano.

Sa tala ng mga historyador, pinatawag umano ni Hen. Emilio Aguinaldo si Luna sa bagong himpilan ng republika sa Cabanatuan, Nueva Ecija upang itayo ang bagong gabinete noong Hun. 2, 1899.

Kasama ang ilang kawal at sina Kol. Francisco Roman at Kap. Eduardo Rusca. Nakarating sila sa Cabanatuan noong Hun. 5 at nagtungo agad sa Parokya ng San Nicolas de Tolentino (Katedral ng Cabanatuan ngayon), ngunit napag-alamang wala doon si Aguinaldo.

Habang paalis sa ikalawang palapag ng simbahan, sinalubong siya ng isang kawal ni Aguinaldo at tinaga sa ulo at pinagsasaksak ng mga kawal. Tinangka siyang tulungan nina Rusca at Roman, ngunit pinaputukan din sila na ikinamatay ni Roman at lubhang ikinasugat naman ni Rusca.

Matapos mapatay sina Luna, nagkaroon ng imbestigasyon ngunit walang nahatulang may sala. Itinanggi rin ni Aguinaldo na may kinalaman siya sa pagpatay sa heneral.

Sa pagkamatay ni Luna, sunod-sunod ang pagkatalo ng hukbo ng republika ni Aguinaldo hanggang siya’y mahuli sa Palanan, Isabela.

Kahit ang mga Amerikanong heneral, pinuri ang kakayahan at gilas ni Luna at ikinagulat ang biglang kamatayan nito.

Sa panahong siya ang kumander ng buong sandatahan sa Gitnang Luzon, isang tipo ng pakikidigmang gerilya ang binuo niya, ang Luna Defense Line na nagpahirap at nagpatagal sa puwersa na mga Amerikano na sumulong pahilaga habang itinatayo ang base ng rebolusyonaryong puwersa bulubunduking bahagi ng hilagang Luzon. 

Sa pamumuno niya, nabuo ang ilang espesyal na yunit, tulad ng mga kawal na sharpshooter at komando.