close

Buong daigdig, nakatutok sa Rafah

Para sa iba, simpleng pag-share lang ang “All Eyes on Rafah.” Kahit mabilisan ang takbo ng social media, hindi mababaon sa limot ang henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine.

Walong buwan mula nang giyerahin ng Zionistang Israel ang Gaza, patuloy ang panawagan ng mamamayan ng daigdig para wakasan ang henosidyo laban sa mga Palestino. 

Kumalat sa social media ang mga imaheng may nakalagay na “All Eyes on Rafah.” Bahagi ito ng pandaigdigang online na kampanya para maitutok ang atensiyon ng daigdig sa mga nangyayari sa Rafah, lungsod sa timog ng Gaza na pinakahuling malilikasan ng mga Palestino at ngayo’y sinasalakay na rin ng Israel. 

Si Ameera Kawash, isang Palestinian-Iraqi-American artist at researcher na nakabase sa United Kingdom, ang nagsabi sa Al Jazeera ng “All eyes on Rafah.”

Unang ginamit ang linyang ito matapos magbabala ang Israel Defense Forces (IDF) na lulusubin ang lungsod noong Pebrero. Higit kalahati na ng buong populasyon ng Gaza ang sapilitang lumikas sa Rafah.

Pinagmamasdan ng mga Palestinong refugee ang epekto ng pag-atake ng IDF sa isang lugar sa Rafah. Reuters

Kinondena ng iba’t ibang bansa, kabilang ang China, Turkey, Saudi Arabia, Egypt at Jordan, ang anunsiyo ng IDF. Tinawag nila itong “panibagong krimen laban sa sangkatauhan” dahil pinatay ng IDF ang mga Palestinong naghihintay ng humanitarian aid.

Hindi sinunod ng Israel ang utos ng International Court of Justice (ICJ) noong Mayo 24 na itigil ang pag-atake sa Rafah para mapigilan ang tuluyang pagkawasak, makapasok ang humanitarian aid at maisalba ang buhay ng mga Palestino.

Idineklara ng Israel bilang “safe zone” ang Rafah. Sapilitan nilang pinalikas dito ang mga taga-Gaza. Sabi pa ni Israeli Prime Minister Benjamin Natenyahu noong Mayo 24, hindi sila nagsawa o magsasagawa ng mga pag-atake laban sa mga sibilyang sumisilong sa Rafah.

Dalawang araw matapos ng kanyang pahayag, binomba ng IDF ang mga kampo ng mga bakwit sa naturang siyudad. Ayon sa Palestinian Red Crescent Society (PRCS), nasunog nang buhay ang mga sibilyang nakatira sa mga binombang tent. Karamihan sa mga naitalang biktima, mga bata at kababaihan.

Nasa Rafah ang tanging border crossing sa pagitan ng Gaza at bansang Egypt. Mula nang ipataw ng Israel ang ilegal na blokeyo noong 2007, ito ang naging tawiran ng mga Palestino sa Gaza para makaugnay sa mundo sa labas ng itinuturing na pinakamalaking kulungan sa daigdig.

Sa ulat ng Al Jazeera, umabot na sa 37,124 Palestino ang pinatay ng Israel sa Gaza mula Okt. 7, 2023 hanggang Hun. 10, 2024. Mahigit 15,000 dito ay mga bata.

Sabi ni Moatasem Salah, Palestinong doktor at direktor ng emergency center ng Gaza Ministry of Health, kababaihan at kabataan ang 70% na bilang ng mga natalang death toll sa Gaza. Nasa 19,000 naman ang mga naulilang bata sa Gaza, ayon sa ulat ng United Nations Women (UN Women).

Mas malaki pa ang bilang ng mga namatay na sibilyang Palestino dahil marami ang nawawala at hindi naiuulat, ayon kay Salah. 

Umaabot naman sa 84,712 ang malubhang nasugatan, at 10,000 naman ang nawawala, ayon sa AJ.

“Hindi kami simpleng mga numero. Lahat ng mga namatay ay taong mayroong kaluluwa,” sabi ni Salah sa wikang Arabo.

Mahigit 276 Palestino ang pinatay, habang 700 ang malubhang sugatan sa pagsalakay ng IDF sa Nuseirat refugee camp sa gitnang Gaza noong Hun. 8. Nagpanggap na mga humanitarian worker ang mga sundalo ng Israel at pinagbabaril ang mga lumapit na sibilyang umaasa ng ayuda.

Ayon sa The Middle East Eye, nagkalat ang bangkay ng mga bata at mga parte ng katawan ng tao sa pinangyarihan ng tinawag nitong “masaker.”

Noong Hun. 6, binomba naman ng IDF ang Al-Sardi School sa Gaza na pinapatakbo ng  United Nations Relief and Works Agency for Palestine (UNRWA) at nagsisilbing refugee camp. Mahigit 33 ang napatay, kabilang ang 12 na kababaihan at bata, sa pambobomba.

Nagbabala naman ang UN Food and Agricultural Organization (FAO) na maaaring humantong sa kagutuman ang higit isang milyong Palestino, halos kalahati ng populasyon ng Gaza, sa kalagitnaan ng Hulyo ngayong taon.

Ani Motaz Azaiza, Palestinong mamamahayag na unang nakilala sa mundo dahil sa kanyang pag-uulat ng totoong nangyayari sa Gaza mula pa Okt. 7, itinigil na ng United States (US) ang pagpondo sa mga Palestinong bakwit hanggang 2025. Tinawag niya itong “man-made famine” dahil sa pagharang ng Israel sa ayuda para sa Gaza.

“Walang ligtas na lugar sa Gaza,” sabi sa The Guardian ni Nedal Samir Hamdouna, bakwit sa isa sa mga tent sa Rafah.

Ikinabahala naman ni Garam, isang batang Palestino, ang mataas na gastos upang makaalis sa Rafah. Hindi kasi nila matutukoy kung kailan aatake ang IDF at kung kailan nila kakailanganin ng pera para sa pagkain.

Makalipas ang walong buwan nang pagtanggi, inanunsiyo na ng United Nations Security Council (UNSC) noong Hun. 10 na nagpasa ito ng relosusyong para sa ceasefire sa Gaza. Makailang-beses na naibasura ang mga resolusyon para sa ceasefire ng UNSC dahil sa paulit-ulit na panghaharang at pag-veto dito ng US.

Inaantabayanan pa kung maipapatupad ito, lalo na’t dominado ang konseho ng mga kanluraning kapangyarihan na nagpopondo at sumusuporta sa henosidyo ng Israel laban sa mga Palestino.

Patuloy namang kinokondena ng mga mamamayan ng daigdig ang nangyayaring henodisyo. Patuloy ding kumakalat ang “All eyes on Rafah” maging dito sa Pilipinas.

“Mula sa lakas na pagpapakalat ng suporta at impormasyon sa social media, oras na para lumapag, makibahagi at makiisa sa mga pagkilos upang isigaw at ipadinig sa mamamayan ang karumal-dumal na hinaharap ng mga Palestino mula sa Zionistang Israel,” sabi ni Christian Ancheta, estudyanteng kasapi ng PUP for Palestine (P4P).

Para sa iba, simpleng pag-share lang ang “All Eyes on Rafah.” Pero para sa mga taga-Gaza, ipinapakita nitong patuloy na magbabantay at kikilos ang sangkatauhan para sa buhay, karapatan at kalayaan ng mga Palestino. Pahiwatig rin ito na kahit mabilisan ang takbo ng social media, hindi mababaon sa limot ang henosidyo ng Zionistang Israel sa Palestine.