close
Balitang Global

‘Dirty operation’ ng US para siraan ang China noong Covid-19, kinondena 


Sa pamamagitan ng pagpapakalat ng “fake news”, layunin diumano ng kampanya na siraan ang kredibilidad ng mga bakunang gawa ng China. 

Kagyat na imbestigahan at panagutin.

‘Yan ang panawagan ng iba’t ibang grupo matapos lumabas ang ulat ng Reuters na naglantad sa kampanyang isinagawa ng United States (US) military noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic. Sa pamamagitan ng pagpapakalat ng “fake news”, layunin diumano ng kampanya na siraan ang kredibilidad ng mga bakunang gawa ng China. 

Sa ulat na inilathala noong Hun. 14, nabulgar na gumamit ang US military ng aabot sa 300 pekeng social media accounts para magpakalat ng disimpormasyon tungkol sa Sinovac, at ibunton sa China ang sisi sa paglaganap ng pandemyang Covid-19.  

Sa ulat ng Reuters, inilahad na nagsimula ang disinformation campaign ng US military noong 2020 sa ilalim ni dating US President Donald Trump at nagpatuloy ng ilang buwan sa termino ni President Joe Biden.   

Gamit ang daan-daang pekeng social media accounts, pinakalat ang iba’t ibang kuro-kurong nagpahina ng tiwala sa mga bakuna. Isang halimbawa ang pagpapakalat na may sangkap na pork gelatin ang Sinovac, para ayawan ng mga komunidad na Muslim ang nasabing bakuna.  

Sa pagsisiyasat ng Reuters, naiugnay ang mga account sa isang sentro ng operasyon ng militar ng U.S. sa Tampa, Florida. Inilantad ng report ang pangalan ng US military contractor na nanguna sa kampanya ng disimpormasyon laban sa Sinovac: ang General Dynamics Information Technology, na nabuko dahil hindi nito natago ang pinagmulan ng mga pekeng account.  

Sa isang pahayag, sinabi ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na nilalantad ng Reuters report ang “doble-karang” karakter ng US sa usapin ng disimpormasyon. Madalas kasing tuligsain ng US ang mga disinformation campaign ng China at Russia, pero pinatunayan nitong aktibo rin itong gumagamit ng sariling taktika ng disimpormasyon.  

Ginagamit din daw ang mga social media network na pag-aari ng US tulad ng X (dating Twitter) at Facebook para isulong ang kanilang agenda. 

“Ang mga lihim na operasyon ng US ay naglalayong balewalain ang isang partikular na tatak ng bakunang Covid-19 at ito’y malinaw na hindi ethical dahil isinagawa ito sa panahon ng isang pandaigdigang krisis sa kalusugan,” diin ng Bayan. “Hindi maaaring gamitin ng US ang isang krisis sa kalusugan para sa mga layunin ng propaganda, para lamang magkaroon sila ng bentahe laban sa China.”  

Ayon naman sa spokesperson ng grupong Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1nas) na si Antonio Tinio, ipinapakita lang ng operasyon ng US ang pagiging desperado nito para lang “isulong ang kanilang mga ambisyon laban sa China, kahit pa ikapahamak ito ng buhay ng mga mamamayan.” 

Dagdag ng Reuters report, naglunsad ng operasyon ang US para diumano magpakalat ng duda laban sa mga hakbang ng China na tulungan ang mga bansa sa gitna ng pandemya, kabilang ang pamamahagi ng bakunang kanilang dinebelop sa abot-kayang halaga. 

Ibang-iba raw ang inisyatiba ng China sa pagbabakuna kumpara sa “Operation Warp Speed” ng US na binigyang prayoridad ang US citizens at pinayagang magtaas ng presyo ng bakuna ang pharmaceutical companies nito. Dahil dito, naging problema para maraming mahihirap na bansa ang makakuha ng abot-kayang bakuna.  

Sa isang pahayag, sinabi ng grupong Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (Cure Covid) na malubhang nakaapekto ang disinformation campaign na isinagawa ng US military sa mabagal na pagpapalaganap ng pagbabakuna kontra Covid-19.  

“Ang kampanyang anti-vax na ito ng US military ay tiyak na nag-ambag sa inisyal na mas mabagal at mas mababang rate ng pagbabakuna sa Pilipinas, na naging dahilan upang maging mas bulnerable ang milyun-milyong Pilipino sa impeksyon,” saad ng grupo. “Kung na-expose lang sana ang kampanyang anti-vax na ginawa ng U.S. nang mas maaga, libu-libong buhay ng Pilipino sana ang nailigtas.” 

 Kahit hindi pa nabubulgar ang tahasang kampanyang kontra Sinovac noong kasagsagan ng pandemya, sinabi ng Cure Covid na nagpahayag na ang frontline health workers ng pagkadismaya sa anila’y “pinagsanib na pagsisikap ng gobyerno at ng First World” na bigyang prayoridad ang mga bakunang nilikha ng US, samantalang isinasantabi at pinagdududahan ang mga bakunang likha ng China, Russia, at Cuba.  

“Maituturing na crimes against humanity ang lihim na kampanyang pinag-utos ng US military at US government, dahil malaki ang naitulong ng kampanyang ito paglala ng pandemya sa Pilipinas. Nakakagalit din na bilyon-bilyong dolyar ang malamang na ginastos para sa ganitong mapanlinlang at tunay na masamang kampanya,” diin ng Cure Covid. 

Sa ulat ng Reuters, ipinaliwanag na hindi ito ang unang beses na naglunsad ng “psychological warfare” ang US military.  Lumalabas ng gumagamit ang US military ng mga pribadong kontratista para sa magpalaganap ng “psy-ops” mula pa noong Vietnam War.   

Matapos ang 9/11 attacks, nag-focus ang “psy-ops” tungo sa pagbabago ng opinyong publiko. Ayon sa mga source ng Reuters, nagtayo ang US military ng mga news outlet, nagbayad ng mga prominenteng tao, at nagpondo pa ng mga soap opera para pasamain ang opinyon ng publiko sa mga Iranian militant group.  

Sa harap ng rebelasyong ito, nanawagan ang P1nas at Bayan sa administrasyong Marcos Jr. na agarang magsagawa ng imbestigasyon at panagutin ang gobyerno ng US.  “Hinihiling namin na ipatawag ng Malacañang ang Ambassador ng US para ipaliwanag ang nakakakilabot na asal na ito at panagutin ang US sa paglalagay sa panganib sa buhay ng mga Pilipino sa kanilang kampanya ng disimpormasyon,” ani Tinio.  

Dagdag ng Bayan, dapat ding imbestigahan kung may iba pang tagong ‘psy-ops’ na isinasagawa ang US sa kasalukuyan.  

“Kung nagawa ito ng US noong pandemya, walang katiyakan kung ano pang mga disinformation psy-ops ang kanilang ginagawa para hubugin ang opinyon ng publiko na pabor sa kanilang interes,” diin ng grupo.