close

Estudyanteng Lumad, pinaslang ng militar


Pinagbabaril ng mga sundalo ang mga katutubong kabataan habang naglalakad pauwi dahil mga miyembro umano ang mga ito ng New People’s Army.

Pinaslang ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army ang 16 anyos na katutubong Dulangan Manobo na si Kuni Cuba sa kabundukan ng Kulaman sa Brgy. Kiadsam, Sultan Kudarat noong Hun. 8.

Tinaniman din ng mga sundalo ang nakahilatay na labi ni Cuba ng isang Garand rifle, batay sa report ng Anakbayan Southern Mindanao Region (SMR).

Batay sa salaysay ng mga kasapi ng Missionary Oblates of Mary Immaculate (OMI), naglalakad pauwi si Cuba kasama ang kanyang dalawang kaibigan at isang 13 anyos na bata nang biglang nakasalubong nila ang sasakyan ng military patrol na mayroong sakay na higit-kumulang 20 na sundalo bandang alas-singko ng umaga.

Pinagbabaril ng mga sundalo ang mga katutubong kabataan dahil mga miyembro umano ang mga ito ng New People’s Army (NPA).

Itinanggi ng pamilya ni Cuba ang walang batayang akusasyon ng militar sa kabataang Manobo dahil isa lang siyang mabuti at masipag na batang mag-aaral.

Dagdag dito, hindi pa rin tumigil ang mga sundalo sa pag-atake kahit na sinabihan na tumakas at sinagawan nila ng “Atras!” sina Cuba na dalawa hanggang tatlong metro lang ang pagitan.

Ayon kay Bro. Kelly Mark Socias ng OMI, binisita niya ang komunidad kung saan namamalagi si Cuba bilang parte ng Indigenous Peoples Ministry ng kanilang kongregasyon. Tumalon umano ang tatlong kasamahan ng binatilyo sa isang maisan na walang ideya na pinagbabaril na pala si Cuba.

Sabi ng 13 anyos na binatilyong kasama ni Cuba, naramdaman niya ang mga bala sa kanyang tenga noong tumatakbo.

Kinondena ng Save Our Schools Network at Anakbayan SMR ang walang awang pagpatay, pagtanim at pagbansag kay Cuba at sa kanyang mga kaibigan na miyembro ng NPA.

“Isang atake sa karapatan sa edukasyon ng mga mag-aaral na Lumad ang pagpuksa ng militar sa mga katutubo. Humihingi kami ng hustisya para kay Cuba, sa kanyang pamilya at lahat ng biktimang katutubong Lumad. Marapat na managot ang mga salarin dahil sa kanilang mga kasalanan,” ani Rius Valle, lead convenor ng Save Our Schools Network.Habang nakikiramay, sinabi ng Anakbayan SMR na walang pinagkaiba ang nangyari kay Cuba sa mga pagpatay sa iba pang kabataang Lumad tulad nila Angel Rivas, Lennie Rivas, Willy Rodriguez at Jhun Mark Acto.