close
Pagsusuri

Hindipendence Day: Totoo ang ‘The Matrix’


Nailatag ang pundasyon ng kontrol ng US sa bansa noong brutal na Digmaang Pilipino-Amerikano na naging unang pagpapamalas ng hard power ng US sa Asya. Mula noon, ginamit na ng US ang lakas nito sa militar at ekonomiya para diktahan ang patakarang pang-ekonomiya at pampolitika ng bansa.

Ang cyberpunk na pelikulang “The Matrix” na inilabas 25 taon na ang nakaraan ay tungkol sa rebelyon ng sangkatauhan laban sa mga makina na naghahari sa apocalyptic na daigdig.

Ginagamit ng mga makina ang mga tao bilang baterya, nakakabit sa mga pod, at pinapaniwalang malaya sila sa isang gawa-gawang reyalidad. Walang kamuwang-muwang ang karamihan ng tao.

Ang ilan, alam na bilanggo sila pero hindi alintana ang ilusyon—marahil dahil, gaya ni Imelda Marcos, niyayakap nila ang paniniwalang ang persepsiyon ang reyalidad. Ang ibang nakakaalam ng katotohanan, gaya ng bidang si Neo, lumalaban para mapalaya ang sangkatauhan.

Dito tayo huhugot sa ginawang pagdiriwang ngayong taon ng “Araw ng Kasarinlan” ng Pilipinas. Hindi dahil sa pinaghaharian ang bansa ng mga artificially intelligent na makina, o hindi pa sa ngayon, kundi dahil sa matandang kasabihan na ang pinakamagandang kulungan ay iyong napapaniwala ang mga nakakulong na sila’y malaya. “Pinakamaganda” para sa mga nagkulong, siyempre, gaya ng mga makina sa “The Matrix.”

Isa sa mga napagtagumpayan ng patakarang panlabas ng United States (US) ay kapag ang mga bansang bahagyang independiyente gaya ng Pilipinas ay naniniwalang mayroon tayong soberanya kahit ginagawa lang talaga natin ang gustong mangyari ng US para sa kapakanan nito at sa kapinsalaan natin. Gaya ng mga tao sa “The Matrix.”

Maraming puwedeng masabi sa kung paano mahusay na namanipula ang PIlipinas para gampanan ang papel nito bilang mahalagang parte ng makinang pandigma ng imperyalistang US para palibutan at ikulong ang tanging “kakumpetensiya” nito sa mundo, ang China. Marami ang napaniwalang ang US ang ating mabuting tagapagtanggol laban sa ekspansiyonismong Tsino.

Mas kaunti ang nakakaunawa na ang US, na pilit ikinakatuwiran ang “rules-based international order” sa pakikitungo nito sa China sa West Philippine Sea, ay siya ring sangkot sa pinakamaraming operasyong militar sa ibang bansa na labag sa mga probisyon ng United Nations (UN) Charter laban sa paggamit ng puwersa. Pati na ang gobyerno ng Pilipinas, sa pakiwari, na matapat na tagaulit ng grandiyosong katuwiran na pinapaboran ng US at Kanluraning liberalismo.

Anumang mabuti para sa lalaking gansa ay mabuti rin para sa lahat ng gansa. Ang pagkondena at pagpapanagot sa Russia sa kriminal nitong pananakop sa Ukraine (2022) ay dapat mangahulugan din ng pagkondena at pagpapanagot sa US sa mga kriminal na militaristang pakikipagsapalaran nito sa Syria (2014), Libya (2011), Iraq (1991, 2003), Afghanistan (2001), Yugoslavia (1999), Haiti (1994), Somalia (1992), Panama (1989), Grenada (1983), Dominican Republic (1965), Cuba (1961), Vietnam (1955, 1965) at Korea (1950). Kabilang din sa mga modernong paglabag ang mga drone strike sa Pakistan, Yemen, Somalia, Afghanistan, Iraq at Libya mula 2004.

Marami sa mga operasyong militar ng US laban sa mga bansang ito ay nagtagal ng maraming taon, ang iba ay nagpapatuloy, at umabot na sa sampu-sampung milyon ang pinagsamang bilang ng mga namatay. Hindi laging totoo na nahihilom ng panahon ang lahat ng sugat pero laging mali na maibabalik ng panahon ang buhay ng mga namatay—o siguro kahit papaano hanggang “bumangon ulit” ang mga bangkay sa mala-bibliyang pagwawakas ng daigdig na prediksiyon sa Aklat ng Apokalipsis.

Sa kasamang palad, ang higit na pinalawak na presensiyang militar ng US sa Pilipinas na ibinigay ng administrasyong Marcos Jr. ay naglalayong palawakin pa ang kakayahan ng US na maglunsad ng giyera laban sa China at iba pang sumusuway na oposisyon. Kung gamitin ng US ang mga base, missile, drone at iba pang gamit pandigma nitong nakaimbak sa bansa, hindi ito para pagtanggol ang Pilipinas kundi para igiit ang geopolitical na hegemonya nito.

Pero mas tuso at sopistikado kaysa simpleng pagkapapet ang sunggab ng imperyal na makina ng US sa neokolonyal na kamalayan ng Pilipinas, kaya higit itong makapangyarihan. Ito ay bagay na maingat na nilinang sa mahabang kasaysayan ng pampolitika at pang-ekonomiyang pagpapasakop ng bansa sa US mula pa noong panahong kolonyal sa maagang bahagi ng ika-20 siglo.

Nailatag ang pundasyon ng kontrol ng US sa bansa noong brutal na Digmaang Pilipino-Amerikano na naging unang pagpapamalas ng hard power ng US sa Asya. Mula noon, ginamit na ng US ang lakas nito sa militar at ekonomiya para diktahan ang patakarang pang-ekonomiya at pampolitika ng bansa.

Mula 1970s at 1980s, ginamit nito ang kontrol sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) para magtakda ng mga patakarang maka-globalisasyon at idugtong ang ating ekonomiya sa interes ng kapital mula US. Noong 1990s, pumihit ito sa paggamit sa World Trade Organization (WTO) para lalo pang buksan ang ekonomiya at pigilan tayong gumamit ng mga proteksiyonistang patakaran sa pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya. Ngayon, ginagamit ang dominasyong Amerikano sa pandaigdigang sistema ng pinansiya para imaniobra ang mga patakaran tungo sa globalisasyong pabor sa US at pigilan ang anumang paglihis dito.

Pero mayroon ding mga malalambot na pangkultura, institusyonal at diplomatikong pagkontrol. Ang paniniwala sa malayang kalakalan, pag-akit sa dayuhang pamumuhunan at pagpapalago ng ekonomiya bilang esensiyal sa pang-ekonomiyang kalayaan at oportunidad, ay katangi-tanging naratibong ipinakalat ng US. Sobra itong ipinalaganap sa pamamagitan ng media, eskuwelahan at civil society kaya talamak din ang paniniwala dito bilang natural o pinakamabuting gabay sa paggawa ng mga patakaran. Sobrang lakas ng sagpang nito sa kamalayan ng publiko na hindi maiwaksi kahit ng reyalidad ng pagbulusok ng ekonomiya at yaman para sa iilan at sa kapinsalaan ng nakararami.

Napakatagal nang nililinang ng US ang Pilipinas kaya may sarili na itong kuwerpo ng mga Pilipinong mananampalataya sa hanay ng teknokrasya, burukrata at mga politiko. Bilang kawang-gawa, patuloy pa ring nagbibigay ang US ng teknikal na tulong, payo sa pagpapatakaran at capacity-building, at ipinapamarali ang lahat ng ito bilang mga pinakamabubuting gawi sa pagunlad ng ekonomiya. Siyempre, “pinakamabuti” para sa US, hindi para sa independiyenteng pagpapaunlad ng pambansang ekonomiya.

Hindi iilan ang nagalak sa sadyang pandaigdigang pagpapasikat ng gobyerno ng US kay Marcos Jr. para patatagin ang Pilipinas bilang mahalagang kliyenteng estado sa Timog Silangang Asya at sa mas malawak na rehiyon ng Silangang Asya. Kabaliktaran ito ng kung paano nito minaliit ang maka-China na administrasyong Duterte sa “international community” na puno ng mga Kanluraning kapangyarihang liberal na alyado ng US.

Habang dumarami ang inilalabas na propaganda ng gobyerno, lalong nagiging hindi makatotohanan ang mga bagay. Nakakatakot hindi lang kung gaano kagarapal na minamanipula ang publiko kundi pati kung gaano kasopistikado at malawakan ang manipulasyon.

Paulit-ulit tayong sinasabihang hindi mahalaga ang katotohanan at ang mga kuwento, emosyon at naratibo ang tunay na nakakapang-engganyo. Kuwento lang ang “The Matrix” pero mabisa nitong naipakita sa atin na ang pinakaepektibong porma ng pagkontrol para sa pagsasamantala ay iyong hindi nalalaman ng mga kinokontrol ang kanilang pagkakakulong. Bukod pa sa binigyan din tayo nito ng tumatak nang visual effect ng mabagal na paglipad ng bala sa unang pagkakataon.

Napaka-corny, taas-kilay at gasgas ang Independence Day message ng presidente na maaaring ginawa pa nga gamit ang ChatGPT. Pero kahit bahagya, gumamit pa rin nito ng artificial intelligence ng mga makina sa “The Matrix.” Kaya siguro magandang simulan ang araw pagkatapos ng Araw ng Kasarinlan sa kung paanong nagwakas ang apat na pelikula sa serye—sa kung paanong natalo ang matrix ng malakas na pagmamahalan nina Neo at Trinity. Tapos cool na cool nilang isinuot ang mga sunglass at magkasamang lumipad papalayo para baguhin ang mundo.