close
#KuwentongKabataan

Kuwentong pakikibaka ng mga Lumad


Bilang isang estudyante, suportado ko ang nais ng mga Lumad na makamtan ang kanilang mga demokratikong karapatan, hustisya at ang kanilang pinaglalabang lupa. 

“Ang lupa ay buhay.”

Ito ang linya ng mga Lumad na tumatak sa isipan ko noong unang beses ko silang marinig tumindig sa harap ng masa. Limang taon na ang nakalipas, ngunit sariwa pa rin sa akin kung paano nila ikinuwento ang karanasan nila sa tumitinding militarisasyon sa Mindanao. 

Nasasalat kong malakas at buo ang loob nilang mapakinggan dahil hindi lang ang mga matatanda ang nagsasalita, kung hindi pati na rin ang mga batang Lumad ay tumitinig dahil nadamay sila sa bakbakan ng mga rebelde at sundalo.   

Noon, malabo pa sa akin kung ano ba ang pinaglalaban nila dahil limitado lang ang impormasyong alam ko tungkol sa isyu ng mga Lumad. Kung kaya’t napaisip ako kung ano ba ang pinaglalaban nila. Dahil ba ito sa lupa? Karapatan? Hustisya?

Sa kalagitnaan ng programa, nalaman ko na tumitindig sila para sa kanilang lupang ninuno. Ang kanilang kultura’y nakaangkla sa lupa ngunit pilit itong kinakamkam ng estado at negosyo.

Sa katunayan, ilang dekada nang winawasak at inaangkin ang kanilang lupain. Ito ang paulit-ulit nilang kinukwento sa aming mga tagapakinig. Sabi nila, ang dahilan nito ay upang maipatupad ang pandaramdong ng malalaking minahan, logging at agrobusiness sa buong Mindanao.

Kung tutuusin, tahimik na namumuhay ang mga Lumad bago pa man pag-interasan ang kanilang lupa. Ngunit, noong araw na makita ko sila, naramdaman ko na kaya nilang labanan at talikuran ang katahimikan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Noong araw na makita ko sila, naramdaman ko na kaya nilang labanan at talikuran ang katahimikan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Isang batang Lumad ang nagsalita bago matapos ang programa. Sinabi niya na nawalan sila ng paaralan dahil ipinasara ito. Samantalang ang iba naman ay winasak at binomba.

Tinatayang 176 Lumad schools ang sapilitang ipinasara ng Department of Education. Mahigit 5,000 na estudyanteng Lumad naman ang apektado ng militarisasyon sa mga komunidad.

Mas tumitindi pa ang panunupil sa kanila. Noong 2021, sapilitang pinasok at ni-raid ng mga pulis ang isang Lumad bakwit school sa University of San Carlos sa Cebu. Nasa 13 estudyante ang dinampot ng mga pulis habang 25 ang inaresto kabilang dito ang guro na si Chad Booc na pinaslang ng militar noong Peb. 24, 2022.

Ngayong binalikan ko ang buhay at mga nangyari sa kanila, napagtanto ko na ang mga Lumad ay hindi lang basta mga katutubo. Sila’y kolektibo dahil kahit anong dagok at problema ang kanilang kinakaharap, nanatili silang magkakasama. 

Masasabi kong hindi biro ang pinagdaanan nila. Kaya’t bilang isang estudyante, suportado ko ang nais ng mga Lumad na makamtan ang kanilang mga demokratikong karapatan, hustisya at ang kanilang pinaglalabang lupa. 

Sa katunayan, ang kuwento ng mga Lumad ang isa sa dahilan kung bakit ako kumuha ng kursong peryodismo. Dahil bukod sa kolektibong pagkilos, importante ring malaman ng taumbayan ang kalagayan ng mga katutubo sa pamamagitan ng makamasang pamamahayag.

Kung tutuusin, naging importante sa akin ang pagsulat. Lalo na’t ngayon na nalaman ko kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa marhinadong sektor. Nagsisilbi itong boses ng masa para mas paingayin pa ang mga daing ng taumbayan. 

Katulad ng mga Lumad, hangad ko rin ang payapa at tahimik na buhay. Kung kaya’t ang kuwentong kong ito ang magsisilbing paalala na minsan, ang katahimikan ay hindi makakamtan kung walang nag-iingayat nakikibaka tungo sa matiwasay, mapayapa at makatarungang lipunan.