close

Magsasaka sa Cavite, sinampahan ng gawa-gawang kaso

Kinasuhan ng theft at coercion ng ang pangulo ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayang Tartaria na si Jerie Luna kasama ang nasa 40 hanggang 50 iba pa noong Mayo 30.

Kinasuhan ng theft at coercion ng Jarton Security Services ang pangulo ng Samahan ng Magsasaka at Mamamayang Tartaria (Samata) na si Jerie Luna kasama ang nasa 40 hanggang 50 iba pa noong Mayo 30. 

Isinampa ang mga gawa-gawang kaso laban sa mga magsasaka nina Melian John Patrick Almadovar Blase at Jay Erpe Estayane, mga officer-in-charge ng Jarton na inupahan ng mga Aguinaldo at Ayala na kumakamkam sa lupa ng mga mga magsasaka sa Brgy. Tartaria sa Silang, Cavite.

Ayon kay Luna, hindi niya ito tinanggap sapagkat iba ang pangalan na nakasaad na papel. Duda ng samahan, bumase sa larawan ang mga pinuno ng goons at hinanap sa pamamagitan ng Facebook kaya mali rin ang pangalan ng dalawa pang kasama niyang kinasuhan. May blindnote din umano ang subpoena na 40 hanggang 50 pa ang kasamang kinakasuhan ngunit hindi tukoy ang mga pangalan.

“E ngayon isine-send na kasi siya sa mga abogado, ang banggit nila, kuhanin na kasi nga kilala naman na nila ako. E baka mamaya kasi magtuloy-tuloy maglabas ng warrant of arrest at saka na lang nila ipatama ‘yong pangalan ko. Kaya ang ginawa namin, kinuha na namin,” ani Luna. 

Ikinagulat nila ang kaso na dumating dahil maayos naman nilang nakakausap ang mga tauhan ng Jarton hinggil sa pagbabakod sa mga lupang sakahan. Humupa na rin umano ang pangha-harass sa kanila nitong mga nakaraang linggo kaya hindi nila inaasahan ang pangyayaring ito.

“Kung tutuusin nga sila nga ang nangha-harass pa e. Kaya ang pinagtataka namin, bakit sila pa ‘yong may ganang magsampa ng kaso?” dagdag pa ni Luna. 

Nagmula ito sa pangatlong beses na pagtatangka ng mga tuta ng mga Aguinaldo at Ayala na bakuran ang mga lupang hindi na-surrender. Napagkaisahan nila na bunutin ang poste at ibigay sa barangay.

“Bale no’ng oras na ‘yon, alam mismo ng mga guwardiya na ‘yong mga kinuha namin, sa barangay dadalhin at doon na nila kukuhanin.”

Nitong Hun. 13, nagkaroon ng pagdinig ang dalawang kampo sa Imus, Cavite ngunit hindi sumipot ang grupo ng mga guwardiya kaya naman ipinagpaliban ito sa Hun. 20. 

Sa kasalukuyan, nag-iipon pa ng mga ebidensiya ang samahan upang ipabasura ang kaso. Kabilang dito ang mga larawan na kanilang kuha na patunay na itinataboy lang nila ang mga guwardiyang ilegal na binabakuran ang mga lupa na hindi na-surrender. 

Noong Abril nag-umpisa na manggulo ang Jarton sa Lupang Tartaria at lumusob sa kampuhan ng mga magsasaka at residente.

Panawagan ng Samata, ibasura na ang mga gawa-gawang kaso sa kanilang lider at sa kapwa mga residente na pakana ng mga Aguinaldo at Ayala sa pamamagitan ng Jarton Security Agency. #