close
Konteksto

Oposisyon


Hindi kailanman magiging tunay na oposisyon ang isang politikal na angkan dahil pansariling interes lang ang itinataguyod nito.

Hindi porke’t wala na sa posisyon ay oposisyon na. Hindi maikakahon ang mga indibidwal at grupong kritikal sa administrasyon o gobyerno. May mga kritikong itinataguyod ang kapakanan ng mga naghihirap. May mga kritikong itinataguyod lang ang sarili habang ang mga naghihirap ay lalo pang pinahihirapan.

Kritiko ng administrasyon o kritiko ng gobyerno? Ano ba talaga? Magkaiba kasi ang dalawa. Hindi kailangang maging eksperto sa agham pampolitika para malamang tinutukoy ng administrasyon ang mga lider (e.g., administrasyong Marcos Jr. na nagsimula noong 2022) samantalang tinutukoy ng gobyerno ang istruktura (e.g., ikalimang republika ng Pilipinas sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas mula 1987 hanggang sa kasalukuyan).

Itinatag ang maraming partidong politikal batay sa personalidad at hindi sa ideolohiya. Kung sino ang mayama’t makapangyarihang nasa likod ng partidong politikal, siya ang masusunod.

Para sa mga politiko, kadalasang batayan ng pagsuporta o pagkontra ay kung sino ang nagpapasimuno. Nagbabago ang ihip ng hangin lalo na kung malapit na ang halalan. Tag-ulan ng papuri noon, tag-init ng batikos ngayon. Mahigpit na alyado noon, mortal na kaaway ngayon. Sadyang ibang klaseng teleserye ang nangyayari sa kasalukuyan!

Mistulang bangungot ang mega-dinastiyang Marcos Jr. at Duterte nagsanib-puwersa para dominahin ang halalan. Nakuha nila ang pinakaaasam na puwestong Pangulo at Pangalawang Pangulo. Pinagsama ang lakas ng mga balwarte sa hilaga at timog. Iba’t ibang politikal na angkan ang sumama sa mega-dinastiyang ito.

Para sa mga mayaman at makapangyarihan, ito na ang pinakaaasam na konsolidasyon ng impluwensya’t kapangyarihan. Sa isang administrasyong pinamumunuan ng mga apelyidong pamilyar, inaasahang itataguyod ang interes ng pamilya.

Mula sa timog, may isang apelyidong humiwalay at nagdesisyong magsunog ng tulay. Masasakit na salita ang binitiwan ng ilang miyembro ng angkan laban sa Pangulong mula sa hilaga. May isa pa ngang nanawagang dapat magbitiw na siya. At ang Pangalawang Pangulong mula sa angkang ito, nagdesisyong magbitiw na sa ilang katungkulan niya sa kasalukuyang administrasyon.

Sa konteksto ng nangyayari sa kasalukuyan, sinabi ng ilang tagasuporta ng angkang Duterte na sila na ang bagong oposisyon. Binabatikos na kasi ng angkang ito ang Pangulo kaya dapat lang na kilalanin ang kanilang bagong papel sa gobyerno’t lipunan.

Hindi na bago ang hiwalayan sa pagitan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Kapansin-pansin na ito sa mga nagdaang administrasyon. May Pangulong kinokonsolida ang kapangyarihan, nagmamaniobra naman ang Pangalawang Pangulo para sa darating na halalan.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, malamang na ang sinumang susuportahan ni Marcos Jr. (halimbawa, pinsan niya) at ang mismong Pangalawang Pangulong Duterte ang maghaharap sa Halalan 2028. Pero bago ang “big event” na ito, kailangan din nilang paghandaan ang mangyayaring eleksiyon sa 2025 dahil may mahalagang papel ang mahahalal na mga kongresista’t lokal na opisyal sa pagkapanalo ng mga susunod na mauupo sa Malakanyang.

Asahan ang pagmamaniobra sa loob ng mega-dinastiya. Kahit na kapansin-pansin ang lamat sa dating pagkakaisa noong Halalan 2022, nananatiling makapangyarihan ang mga nakaupo sa puwesto.

Kahit sa kaso ng Pangalawang Pangulo, nariyan pa rin ang impluwensiya niya at ng kanyang angkan sa kabila ng kanyang pagbibitiw bilang opisyal ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Hindi porke’t wala na siya sa Gabinete ay wala na siya sa Palasyo. Tandaang hindi siya nagbitiw bilang Pangalawang Pangulo kaya nasa kanya pa rin ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

Kung tutuusin, siya pa rin ang mauupo bilang Pangulo kung sakaling may mangyari sa kasalukuyang nakaupo. Kaya nga lahat ng mata ay nasa kanya. Ano ba ang susunod niyang gagawin? Ano kaya ang plano niya? Siyempre, abangan ang susunod na kabanata!

Samantala, nagpapatuloy ang pagdurusa ng maraming mamamayan. Naghihirap pa rin ang mahihirap. Pinagkakaitan pa rin ang napagkakaitan. Wala pa ring hustisya sa mga biktima ng inhustisya.

Ang tunay na oposisyon, iniisip hindi ang sariling kapakanan o ang ikabubuti ng kanyang angkan. Hindi lang administrasyon ang binabatikos kundi ang mismong gobyerno. Sa madaling salita, hindi lang tao kundi mismong sistema.

Hindi kailanman magiging tunay na oposisyon ang isang politikal na angkan dahil pansariling interes lang ang itinataguyod nito. Dahil sa kasalukuyang sitwasyon na ang mga nasa laylayan ang pinahihirapan, asahang ang tunay na oposisyon ay hindi mula sa itaas kundi mula sa ibaba.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com