Socmed
Oportunidad bang matatawag ang internet o socmed sa partikular para makapagbasa kahit online lang? Oo at hindi.
Batay sa datos ng Guinness World Records, katangi-tangi ang Kristiyanong Bibliya dahil ito ang tinaguriang bestselling book sa kasalukuyan. Umabot na raw kasi sa pagitan ng 5 bilyon hanggang 7 bilyong kopya ang naibenta sa buong mundo kung pagbabatayan ang taunang datos ng United Bible Societies.
Samantala, tila nagiging bestseller na rin ang social media (socmed). Sa pag-aaral ng Statista, halos 5 bilyong indibidwal na ang gumagamit nito. Nangunguna ang Tsina (1.1 bilyon), India (862.1 milyon), Estados Unidos (308.3 milyon), Indonesia (228.8 milyon) at Brazil (171.2 milyon) sa pinakamaraming bilang ng social media users sa buong mundo. Hindi naman nahuhuli ang Pilipinas (86.2 milyon) na nasa ikasiyam na puwesto.
Tandaang mahigit 8.1 bilyon ang pandaigdigang populasyon, ayon sa Worldometer. Dalawa lang ang ibig sabihin nito sa konteksto ng bestselling book at socmed.
Una, inaasahan ang popularidad ng librong may edad na 1,500 taon kaya pamilyar ang sangkatauhan dito (Kristiyano man o hindi). Ikalawa, napakabilis ng pagdami ng gumagamit ng socmed kahit na nagsimula lang ito noong 2000s (puwede ring sabihing mas maaga pa ang kasaysayan ng socmed dahil mayroon nang user-generated content na websites noon pang 1990s).
May limitasyon sa pagkukumpara ng print at online lalo na’t ang una ay “matanda” samantalang ang ikalawa ay “bata.” Pareho man silang ginagamit ng mga may kakayahang magbasa ng teksto sa anumang wika, iba pa rin ang katangian ng tintang nasa papel na nahahawakan at naaamoy. Permanente kasi ito. Alam ng mambabasang produkto ang librong hawak niya ng malalimang pananaliksik at maingat na pagsusulat, lalo na kung may kredibilidad ang awtor.
Pero kakaiba rin naman ang katangian ng socmed dahil higit pa ito sa mga salita’t larawan sa libro. Posible ang integrasyon ng mga salita, larawan, tunog at bidyo para sa isang karanasang multimedia. At kung kailangan pang magpadala ng liham sa awtor ng libro para magbigay ng feedback, mabilis naman ang pagpo-post ng komento sa socmed at kaya ring maibahagi ang anumang nilalalaman sa socmed sa mas malawak na online audience.
Magbabasa o makikinig o manonood? Tila mas gusto ng maraming makinig o manood na lang sa radyo, telebisyon o internet. Nakakadismaya ang pinakahuling resulta ng sarbey na kinomisyon ng National Book Development Board (NBDB) sa Social Weather Stations (SWS).
Sa kabila ng karanasang multimedia, sana’y huwag pa ring kalimutan ang kahalagahan ng pagbabasa. At dahil limitado o halos walang oportunidad para makahawak man lang ng libro, patuloy na singilin ang gobyerno sa mga pagkukulang nito sa pagsusulong ng kultura ng pagbabasa.
Lumalabas na wala pa sa kalahati ng mga respondent ang umaming nagbabasa sila ng mga libro o literatura labas sa gawaing pang-akademiko (i.e., 42% para sa mga nasa hustong gulang, 47% para sa mga bata). Hindi nakakagulat na sa sarbey na ito, lumalabas na ang pangunahing aktibidad sa paglilibang ng mga respondent ay panonood ng telebisyon.
Sa isang banda, bumababa ang interes sa pagbabasa dahil nagiging mahal na ang presyo ng mga libro. Mas prayoridad siyempre ng nanay o tatay ang bumili ng pagkain, gamot at iba pang kagyat na pangangailangan ng anak.
Sa sitwasyong mababa ang suweldo at mataas ang presyo ng mahahalagang produkto tulad ng bigas at gulay, hindi na praktikal ang bumili ng babasahing magpapaunlad ng kaisipan dahil mas mahalagang tugunan ang kumakalam ang sikmura.
Isang alternatibo sana ang mga pampublikong silid-aklatan pero kakaunti lang ang mga ito. Gustuhin mang magbasa’t matuto, ano ang gagawin kung wala talagang oportunidad?
Teka lang. Oportunidad bang matatawag ang internet o socmed sa partikular para makapagbasa kahit online lang? Oo at hindi. Kung may magandang koneksiyon sa bahay at may mabilis na laptop, tablet o anumang gadyet, maraming virtual library at iba pang website para sa pagbabasa.
Pero kung umaasa lang sa koneksiyong data mula sa isang prepaid na mobile phone, medyo mahirap gawin ito. Mauubos lang ang pasensiya sa sobrang bagal ng downloading ng mga pahina.
Kung susuriin ang promosyon ng mga korporasyong nasa telekomunikasyon, mas ineengganyo ang publikong gamitin ang libreng access sa ilang platapormang socmed. Kadalasan, mas mga bidyo tulad ng “Reels” at “Shorts” ang itinutulak na panoorin ng mga nangangasiwa sa mga platapormang ito.
Oo, bestseller na rin ang socmed tulad ng Kristiyanong Bibliya. Sa kabila ng karanasang multimedia, sana’y huwag pa ring kalimutan ang kahalagahan ng pagbabasa. At dahil limitado o halos walang oportunidad para makahawak man lang ng libro, patuloy na singilin ang gobyerno sa mga pagkukulang nito sa pagsusulong ng kultura ng pagbabasa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com