close

P1,207 minimum wage, ipinanawagan


Noong Hul. 16, 2023 pa huling nagkaroon ng P40 umento sa sahod sa Metro Manila, na naging daan para maging P610 ang minimum wage para sa non-agricultural sector at P573 para sa agriculture sector. 

Muling nagpetisyon ang mga koalisyon ng manggagawa sa Kamaynilaan na gawing P1,207 ang minimum wage sa public hearing sa Occupational Safety and Health Center (OSHC) sa Quezon City nitong Hun. 20.

Idinulog ng kinatawan ng mga grupo sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng National Capital Region (RTWPB-NCR) ang P150 hanggang P750 na umento sa sahod para sa mga manggagawa sa NCR. 

“Kung mag-uusap po tayo dito ng barya-barya, nagsasayang lang tayo dito ng oras,” sabi ni Carlos Miguel Oñete ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Noong Hul. 16, 2023 pa huling nagkaroon ng P40 umento sa sahod sa Metro Manila, na naging daan para maging P610 ang minimum wage para sa non-agricultural sector at P573 para sa agriculture sector. 

“Sapat na po yung 35 years na tiniis ng mga manggagawa para naman makatanggap ng [dagdag na] 150 pesos,” sabi ni Oñete. Hindi raw dapat bababa sa P150 ang umento na ipapasa ng RTWPB-NCR.

Sinuportahan ng Ibon Foundation ang mungkahing ito dahil ayon sa kanilang pananaliksik, katumbas lang ng apat na porsiyento ng tubo ng lahat ng kompanya sa NCR ang P150 na dagdag-sahod. 

“May sapat na tubo ‘yong mga employer—’yong mga kapitalista. Kung magbibigay lamang sila ng maliit na bahagi ng kanilang tubo, kayang-kaya [nilang] magbigay ng dagdag-sahod,” sabi ni Ibon Foundation executive director Sonny Africa.

Nakasaad naman sa parehong petisyong iminungkahi ng St. Luke’s Medical Center Employees Union-Independent (SLMCEU) at Metro East Labor Federation (MELF) ang P750 na dagdag sa minimum wage na dapat matamasa ng kani-kanilang sektor.

“Kulang ang sampung oras na trabaho sa ospital para maitawid namin ang pangangailangan ng aming pamilya,” ani Dahlia Mendiola-Alorro ng SLMCEU. “Napapanahon na upang iwasto ang mga kakulangan ng tungkulin na magpatupad ng sahod na nakabubuhay,” dagdag niya.

Pero sinagot ito ng pagbabanta ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na maaaring makapagpapahina ng loob sa mga dayuhang mamumuhunan ang malaking pagtaas ng sahod dahil tataas din ang gastusin sa kanilang negosyo.

“Maapektuhan ang informal sector natin, street vendors, including sari-sari stores who sell goods and services on streets or move place to place,” sabi ni ECOP governor Butch Guerrero. Pati raw home-based workers posibleng apektado.

Taliwas ito sa pananaw ng grupong Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

Ayon kay Flor Santos ng MMVA, makikinabang ang impormal na sektor sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor dahil tataas ang purchasing power ng mga manggagawa kung mataas ang kanilang sahod.

Sa walong magkakasunod-sunod na taon, kabilang pa rin ang Pilipinas sa 10 pinakamasahol na bansa para sa mga manggagawa base sa datos ng International Trade Union Confederation.

Hindi pinapahalagahan ang karapatan ng manggagawa sa nakabubuhay na sahod, kaya kasamang nakalista ang bansa sa ganitong rekord, ayon kay Luke Espiritu, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

“Panahon na [para] ipagpantay ang minimum wage sa cost of living,” sabi ni Espiritu. Aniya, nakasaad na mismo sa Saligang Batas ang karapatan ng lahat sa nakabubuhay na sahod.