close

Panganib ng paggamit ng vape


Marami itong maaaring idulot na pinsala sa katawan at kalusugan lalo na sa puso at baga na maaaring maging dahilan ng malalang sakit o maging sanhi pa ng kamatayan.

Naitala ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng pagkamatay dahil sa e-cigarette o vape-associated lung injury. Sa panahon na laganap ang paggamit ng vape o e-cigarette, alamin natin kung ano nga ba ang epekto nito sa kalusugan.

Kabataan ang karamihan sa gumagamit ng vape dahil sa nakakaakit sa lasa at disenyo. Bagaman may sangkap pa din na nicotine ang vape, paniniwala ng karamihan na maganda umanong alternatibo ito sa sigarilyong tabako.

Naglalaman ang vape ng mga kemikal na may negatibong epekto sa katawan ng tao. Isa ang nicotine sa pangunahing sangkap na mayroon sa vape na nagiging sanhi ng adiksiyon ng mga gumagamit nito. May mga pagkakataon din na may iba pang kemikal na nilalaman ng vape na hindi nakalista sa pakete at may kumakalat din na mga pekeng vape kaya’t mas nagiging delikado ito.

Maaaring makaranas ang mga gumagamit ng vape o e-cigarette ng pagkahapo, mabilis na pagkapagod, panghihina, pananakit ng dibdib at pag-ubo. Maaari rin itong maging sanhi ng kanser at atake a puso.

May epekto din ang paggamit ng vape sa ating kalikasan. Kadalasang gawa sa plastic ang mga pod at disposable vape na hindi nabubulok at nakakalason sa mga hayop.

Paalala ng DOH sa publiko, mag-ingat sa paggamit ng e-cigarettes at vape lalo na halos mga estudyante ang madalas gumamit nito. Pinaalala din ng mga eksperto sa kalusugan na hindi ito alternatibo sa sigarilyo, bagkus ay nagiging gateway pa ng marami sa paninigarilyo.

Marami itong maaaring idulot na pinsala sa katawan at kalusugan lalo na sa puso at baga na maaaring maging dahilan ng malalang sakit o maging sanhi pa ng kamatayan.