close
Balik-Tanaw

Stonewall Riots


Noong Hun. 28, 1969, sinalakay ng mga pulis ang isang gay bar na Stonewall Inn sa Christopher St., Greenwich Village, New York City. Dito nagtitipon-tipon ang komunidad ng LGBTQ+.

Kailan at saan nga ba nagsimula ang Pride March—ang malawakan at malakihang pagkilos ng komunidad ng LGBTQ+ para sa pagkilala sa kanilang mga karapatan?

Bago pa man ang nakilala nating Pride March tuwing buwan ng Hunyo na tinagurian din Pride Month, unang isinagawa ito noong 1970 isang taon matapos ang Stonewall Riots o Stonewall Uprising sa Greenwich, New York City sa United States. Tinawag din itong Christopher Street Liberation Day bilang komemorasyon sa paglaban ng komunidad para sa karapatan at espasyo.

Ano nga ba ang nangyari noon?

Noong Hun. 28, 1969, sinalakay ng mga pulis ang isang gay bar na Stonewall Inn sa Christopher St., Greenwich Village, New York City kung saan nagtitipon-tipon ang komunidad ng LGBTQ+.

Kadalasang ginagawa ng pulisya doon ang pagsalakay sa mga gay bar, night clubs at iba pang tambayan na mga miyembro ng komunidad. Pinapalabas silang lahat, pinapahilera at kinakasuhan ng kahit napakaliit na sala tulad ng pag-inom ng alak. Talamak na pinagkakakitaan ng mga pulis at sindikato ang mga LGBTQ+ sa lugar na iyon.

Si Marsha Johnson sa Pride March sa New York City noong 1980s. Rob Simmons/Smithsonian

Pero sa gabing iyon, lumaban ang mga komunidad na nasa loob ng Stonewall Inn. Hindi malinaw kung sino ang nagpasimuno sa riot. Isa sa mga nakatala sa kasaysayan si Marsha Johnson, isang Black American transgender, na sinasabing isa sa mga lider ng pag-aaklas. Siya raw ang unang nambato sa mga pulis, ngunit pinabulaanan niya ito at sinabing nagkakagulo na noon ng dumating siya sa lugar.

Mas malinaw ang salaysay ni Craig Rodwell, isang gay rights activist at nagtatag ng Oscar Wilde Memorial Bookshop na sumusuporta sa mga LGBTQ+ na awtor, na nagsabing napadaan sila ng kanyang kapareha na si Fred Sargeant nang maganap ang kaguluhan sa Stonewall. Kinakaladkad noon ang mga LGBTQ+ palabas ng bar at dinadala sa isang police wagon.

Sumigaw si Rodwell ng “Gay Power!” at nagsimula ang pagpalag nila sa pulisya. Dito nagsimula ang aktuwal na sagupaan sa pagitan ng mga miyembro ng LGBTQ+ at pulisya. Napilitang umatras ang mga pulis at nagkanlong sa loob ng gusali para mailigtas ang kanilang mga sarili.

Sa panawagang “Get the mafia and cops out of gay bars,” tumagal ng ilang araw ang pag-aalsa at libo-libong polyeto ang ipinamudmod sa buong lungsod. Mula ng maganap ang Stonewall Riots, lumaganap at naitatag ang gay rights liberation movement. Magmula noon, ginugunita ang Pride Month tuwing buwan ng Hunyo.

Sa Pilipinas, unang nagmartsa ang mga Pilipinong LGBTQ+ noong Hun. 26, 1994 na pinangunahan ng Metropolitan Community Church at Progay Philippines sa Quezon City. Tinawag nila ang martsa na “Stonewall in Manila” bilang pag-alala sa ika-25 taon ng Stonewall Riots. Ito rin ang kauna-unahang pagkilos ng mamamayang LGBTQ+ sa buong Asya.