close
Plantita C

Biyaya ng kalikasan ang tubig-ulan


Mabuti pa ang kalikasan, may biyayang alay sa mamamayan ngayong tag-ulan. Ito ang tubig-ulan—sagana na, libre pa.

Hay, mga mare at pare! Nagsasalubong ang ating mga kilay sa tuwing darating ang bill ng Maynilad at Manila Water.

Bago pa man, dinaranas na natin ang paghina ng tubig pagsapit ng gabi mula pa noong sobrang init ng panahon dahil bumababa daw ang water level sa Angat Dam.

Ngunit tag-ulan na aba’y ganoon pa rin. Patuloy ang pagtaas ng singil sa tubig habang wala pa rin nararamdamang pagbabago sa kalidad ng serbisyo.

Mabuti pa ang kalikasan, may biyayang alay sa mamamayan ngayong tag-ulan. Ito ang tubig-ulan—sagana na, libre pa.

Kailangan lang natin maghanda ng mga malilinis na container na may takip upang hindi pagbahayan ng lamok at marumihan. Ilapag lang sa nalinisang alulod o kahit sa espasyong malinis at nababagsakan ng ulan.  Hayaang mapunuan ng tubig ang  container at takpan agad ito.

Maaari itong pambuhos sa inidoro, panlinis ng bahay at mga kagamitan at, siyempre sa mga plantita at plantito, pandilig sa ating mga halaman.

Kapag may tiyaga, may mapapala. Sa bahagi natin, makakamenos tayo sa gastusin lalo pa’t kinakapos lagi ang ating kinikita. Pero dapat pa rin igiit ang karapatan para sa sapat, makatao at epektibong serbisyo sa mga pampublikon yutilidad.