close
Balitang Global

Joma Sison, pinarangalan sa asambleya ng ILPS


“Ginamit niya ang Marxista-Leninistang ekonomiyang pampolitika para silipin ang mga mapagsamantalang mekanismo at pattern ng globalisasyon sa ilalim ng imperyalismo,” wika ng biyuda ni Sison na si Julie de Lima.

Ginanap sa Penang, Malaysia nitong Hun. 21 hanggang 24 ang ikapitong pandaidigang asambleya ng International League of People’s Struggle (ILPS), ang nangunguna at pinakamalawak na samahan ng mga anti-imperyalistang organisasyon sa buong mundo. Bilang isa sa mga nagtatag nito, sinimulan ang okasyon sa pagbibigay parangal sa yumaong lider na si Jose Maria “Joma” Sison.

Mismong ang asawa niyang si Julie de Lima ang nanawagan sa kanyang talumpati na “buhayin natin ang diwa ni Ka Joma sa pagpapatuloy ng pakikibaka laban sa imperyalismo at lahat ng reaksiyon, sa pagpapanalo ng labanan para sa demokrasya at sa pagbubukas ng tarangkahan ng sosyalismo.”

Si Sison ang utak ng ILPS, isang malawak na samahang walang katulad. Dagdag ni de Lima, mula noong hinarangan na ng gobyerno ni Corazon Aquino ang pag-uwi nila ni Sison noong 1987, Ibinuhos nila ang kanilang panahon para sa pagbubuklod ng iba’t ibang rebolusyonaryong grupo sa ibayong dagat.

Sa gayon, nakalikha ng moderno at abanteng suri sa mga galaw at sabwatan ng mapagsamantalang mga bayan laban sa mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.

“Ginamit niya ang Marxista-Leninistang ekonomiyang pampolitika para silipin ang mga mapagsamantalang mekanismo at pattern ng globalisasyon sa ilalim ng imperyalismo,” ani de Lima.

Si Jose Maria Sison ang naging tagapangulong tagapagtatag ng International League of Peoples’ Struggle habang nakadistiyero sa The Netherlands.

Umabot sa 535 ang mga delegado sa asambleya mula sa mahigit kumulang 200 organisasyon sa iba’t ibang kontinente. Ito na ang pinakamalaking pagtitipong inilunsad ng ILPS, na ayon sa mga organizer, na tanda ng tumitinding krisis sa buong mundo at pangangailangan na makapagbuklod.

Taong 2001 nang itatag ang ILPS na ngayo’y binubuo ng mahigit 350 na miyembrong organisasyon mula sa 40 na bansa.

Malaking hakbang ang kanilang pagkikita muli na para sa kanila’y hakbang ng pagkakaisa laban sa bumabangis na imperyalismo o pambubusabos at pag-aatake ng iilang makapangyarihang bansa laban sa anakpawis ng daigdig.

Nagbigay si Len Cooper, lider-manggagawa mula sa Australia at tagapangulo ng ILPS, ng buod ng sitwasyon na kinakaharap ng sangkatauhan.

“Dahil sa dominasyon ng imperyalismo, lalong mahalaga ang mga aktibidad at pagpapalawak ng ILPS,” aniya.

Kaya naman, ang tema ng asambleya ay nagsilbi ring mga mayor na panawagan: pagpapalawak ng pagkakaisang prente laban sa imperyalistang pandarambong, giyera at pasismo, paghahamig sa mas marami pang organisasyon at kilusan at makibaka para sa kamtin ang sosyalistang kinabukasan.

Nagbigay rin ng espesyal na diin ang ILPS sa okupasyon at pakikibaka ng mga Palestino sa Gaza.

Sa inilabas na Special Declaration on Palestine, nanawagan ang ILPS ng “unconditional solidarity” sa paglaban para palayain ang bayan ng mga Palestino mula sa henosidyo ng Zionistang Israel at ang amo niyang imperyalistang Amerika.

Nagpasya rin ang asambleya na bumuo ng isang People’s Tribunal on Palestine na pamumunuan ng ILPS at Palestinian People’s Resistance Movement.

Hinikayat ni Liza Maza, outgoing secretary general ng ILPS, na palakasin ang mga balangay ng bawat bansa.

“Sa mga komunidad tayo makapagpalakas. Dito mahina ang imperyalista at mas kayang biguin, katulad ng nangyari sa China, Korea, Vietnam, Indochina, Cuba, Iran, Afghanistan. At katulad ng mangyayari sa Palestine!” aniya.