close

Libreng college entrance exam para sa mahihirap na mag-aaral, batas na


Ganap na batas na ang Free College Entrance Examinations Act kahit hindi ito nilagdaan ng pangulo dahil lumipas na ang 30 araw upang gawan ito ng karampatang aksiyon.

Ganap na batas na ang Free College Entrance Examinations Act o Republic Act 12006 kahit hindi ito nilagdaan ng pangulo dahil lumipas na ang 30 araw upang gawan ito ng karampatang aksiyon sunod sa itinakda ng Saligang Batas.

“Ikinatutuwa ng mga kabataan ang balita na naging batas na ang naturang panukala. Nagpapasalamat ang Kabataan Partylist sa lahat ng kumilala sa halaga nitong panukala at sa lahat ng patuloy na nagsusulong ng pangmasang edukasyon para sa mamamayan,” ani Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.

Bagaman ikinatuwa ni Manuel ang batas sa libreng college examination, malabnaw umano ang naipasang bersiyon na nagbigay ng limang kondisyon para hindi na singilin ang mga kukuha ng pagsusulit.

Ayon sa bagong batas, hindi na sisingilin para sa entrance examination sa kolehiyo ang mga magtatapos na mag-aaral ng senior high school na nabibilang sa top 10% ng magtatapos na klase at mula sa pamilyang may mababang kita.

Kabilang din sa mga kondisyon ang pagiging natural-born na mamamayan ng Pilipinas, pagsusumite ng aplikasyon sa pribadong paaralan sa loob ng bansa at pagsusumite ng mga kahingian ng pribadong paaralang nais pasukan.

Samakatuwid, hindi umano tuluyang tinanggal ng batas ang bayarin sa college entrance examination dahil sa mga nabanggit na kondisyon. Hindi rin sakop ng batas ang state universities and colleges at local universities and colleges.

“Makikita nating komersiyalisado pa rin ang sistema ng edukasyon, nananatili pa rin ang iba’t ibang mahal na bayarin kahit hindi ka pa nakakapasok sa mismong paaralan kagaya nitong entrance examinations fee,” giit ni Manuel.

Hinimok ni Manuel ang mga kabataan, estudyante at kapwa mambabatas na isulong ang makabayan, siyentipiko at makamasang uri ng edukasyon na magsisilbi sa mas maraming mamamayan, lalo na ang mahihirap.

Naging batas ito noong Hun. 14 kahit walang lagda ng pangulo at nailathala sa Official Gazette noong Hun. 28.

Inatasan ng batas ang Commission on Higher Education, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education at pakikipagkonsulta sa Coordination Council for Private Educational Institutions of the Philippines, na magpasa ng implementing rules and regulations sa loob ng 60 araw matapos magkabisa ang batas.