Kabataang-estudyante, nagprotesta sa Ched sa kaarawan ni Rizal
June 20, 2023
Katulad ng paglaban ni Jose Rizal para makamit ang demokrasya ng bansa, hinihimok ng Kabataan Partylist ang mga kabataan na patuloy ding manindigan para sa tunay na kalayaan.
Bitbit ang panawagan para sa inklusibo at makamasang edukasyon, nagtungo sa harap ng Commission on Higher Education (Ched) sa Diliman, Quezon City ang mga kabataang-estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila noong Hunyo 19.
Sa paggunita sa ika-162 karaawan ni Rizal at pagdiriwang ng ika-22 anibersaryo ng grupo, binigyang diin ni Kabataan Partylist secretary general Julius Cantiga na sa kabila ng pagpasok ng bagong administrasyong Marcos Jr., nananatili pa ring walang pinagkaiba sa rehimeng Duterte ang mga plano para sa mga kabataan at sa sektor ng edukasyon na nakaangkla pa rin ang tradisyonal na kalakarang politikal makanegosyo at hindi makamasa.
Sinabi rin ng layunin ng grupo ang patuloy na itaguyod ng kabataan ang nasimulang laban at pamana ng mga bayani patungkol matatag na pagtindig laban sa mapang-abuso at kontra-mamamayan na mga programa katulad ng Maharlika Investment Fund at madaliang pagtaas ng matrikula sa mga pamantasan.
Iginiit ng mga mag-aaral na higit pang malulugmok ang kalagayan ng mga mag-aaral sa mga patakaran at programa ng rehimeng Marcos Jr. sa edukasyon.
Kabilang rito ang patuloy na pagtulak sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), tuition and other fees increase sa mga pribadong unibersidad, budget cut sa state universities and colleges at patuloy na militarisasyon sa loob ng mga paaralan.
Nabanggit din ang matagal nang krisis sa edukasyon ngunit nakatuon ang sistema ng edukasyon sa paglalako sa kabataan bilang mura at siil na lakas-paggawa imbis na reporma at progresibong plano para sa edukasyong nagsisilbi sa interes ng mamamayan.
Ginawang sagot ng pamahalaan ang pagpapataas ng matrikula, mandatory ROTC at budget cut na nagpapalubha laman nasabing krisis. Malinaw na mapasahanggang ngayon na ginagawa pa ring negosyo ng administrasyon ang dapat na karapatan ng mga kabataan sa dekalidad na edukasyon.