close

NUJP: Midya, hindi ligtas mula sa gobyerno

“Gusto kong isipin na bukod pa sa mga numero at balita ng bawat pangyayari, pinapasilip ng pag-aaral ang mga personal na istorya ng bawat mamamahayag,” ani Leah Perez, isa sa mga writer-researcher ng pananaliksik.

Talamak pa rin hanggang ngayon ang red-tagging o pananakot at pagpapatahimik ng gobyerno sa mga peryodista dahil sa kritikal nilang pamamahayag. Inilabas ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) noong Mayo ang isang pag-aaral kung saan natuklasang pakana ng estado ang aabot sa 60% ng mga insidente ng red-tagging laban sa mga mamamahayag.

Kilala ang NUJP bilang isang organisasyon ng mga mamamahayag na nagtataguyod ng karapatan ng mga alagad ng midya sa Pilipinas. Bahagi nito ang pagtipon ng datos para sa mga pag-aaral tulad ng No Tag: Press Freedom for Pluralism.”

“Gusto kong isipin na bukod pa sa mga numero at balita ng bawat pangyayari, pinapasilip ng pag-aaral ang mga personal na istorya ng bawat mamamahayag,” ani Leah Perez, isa sa mga writer-researcher ng pananaliksik.

Layunin ng nasabing pag-aaral na suriin at ipaalam ang sitwasyon ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa, idokumento ang mga paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag, at magbigay ng mga rekomendasyon para sa pagpapabuti ng sitwasyon sa midya.

Mula noong 2016, nakapag-dokumento ang NUJP ng hindi bababa sa 159 na insidente ng red-tagging laban sa mga indibidwal na mamamahayag, mga newsroom at mga organisasyon ng media. Mahigit sa kalahati ng mga kasong iyon ay may basbas ng estado, kabilang ang napatunayang gawa-gawa na drug matrix kung saan kabilang ang dose-dosenang na-redtag na mga indibidwal at grupo sa panahon ng administrasyong Duterte. Kasama rito ang mga miyembro ng alternatibo at mainstream na media sa buong Pilipinas.

Sa mga kaso ng red-tagging mula sa gobyerno, may 19.8% ng red-tagging na gumagamit ng mga paraan ng pananakot gaya ng mga pagbisita o pagpapadala ng sulat at pagbanggit ng iba’t ibang patakaran ng pamahalaan bilang batayan.

Taong 2016 nang unang mared-tag ang mamamahayag na si Atom Araullo. Mula noon, lalo lang itong lumala hanggang sa hayagang dinadawit pa ito sa terrorismo, sa program nina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz sa Sonshine Media Network International.

Maliban kay Araullo na mula sa isang malaking broadcast network, nakaranas ng mas matinding epekto ng red-tagging ang mga mamamahayag ng mga mas maliliit na newsrooms.

Apat na taon nang nakakulong ang peryodistang si Frenchie Mae Cumpio dahil walang pag-usad ang kanyang kaso sa korte. Nakulong naman ng tatlong buwan ang editor ng Manila Today na si Lady Ann Salem bago maipanalo ang kanyang kaso. Sa Negros, inaresto noong 2019 si Anne Krueger, community journalist sa Paghimutad. Pinayagan siyang makapagpiyansa pero hindi pa rin tapos ang kanyang kaso hanggang ngayon. 

Lalong matindi pa ang naging pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Mabasa na naging kritikal sa red-tagging bago siya barilin noong 2022.

Nagsampa ng kaso si Araullo laban kina Badoy at Celiz. Aniya, nagkakaroon ng sariling buhay ang disimpormasyon kapag hinahayaan lang. Bago nito, nakipagpulong din siya sa kanyang mga nakatataas sa GMA Network kung saan nagkasundo sila na pahupain lang ang init ng isyu.

Mula sa 159 na insidente ng red-tagging, anim lang ang konkretong natugunan ng mga newsroom. Lumabas din sa pag-aaral na ito na walang malakas na protokol ang nga newsroom laban sa red-tagging.

Nagsampa ang mamamahayag na si Atom Araullo ng GMA Network ng kaso laban kina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz noong Set. 11, 2023. Andrea Jobelle Adan/Pinoy Weekly

Nalaman din na may mga newsroom na hindi natutulungan ang kanilang mga mamamahayag dahil sa kakulangan ng resources, walang sistema laban sa red-tagging, o sadyang ayaw tumulong.

“Sana mas malinaw na imbestigahan ng mga newsroom ang red-tagging. Sana rin ang framework na gagamitin sa imbestigasyon ay kung paano protektahan ang employado, paano protektahan ang mamamahayag, at hindi manguna ang paano protektahan ang kumpanya,” sabi ni Rowena Paraan, dating head ng citizen journalism arm ng ABS-CBN.

Para sa mga mamamahayag, malaki ang epekto ng red-tagging sa kanilang mental health. Iniulat ng pag-aaral na nakapagdulot ng matinding takot, pagkabahala, at depresyon ang red-tagging lalo na sa mga mag-aaral na peryodista.

Ayon kay Janvic Mateo, writer-researcher ng pag-aaral ng NUJP, “Kapag estudyante ka, hindi lang professional life ang iisipin mo, kung paano ka magpapatuloy bilang mamamahayag. Iisipin mo rin kung ano yung response ng school administration, ano yung response ng mga magulang mo na nagpoprovide sayo. Mas mahirap sa case ng mga estudyante.”

Ang iba pang mamamahayag, napilitan na baguhin ang kanilang ruta pauwi, manirahan sa ibang lugar, at gumamit ng mga pekeng pangalan sa mga delivery at ride-hailing apps para makaiwas sa maaaring pagmamasid ng estado. 

Nakakaapekto rin sa trabaho ang red-tagging. Lumalabas na mas naging ilap ang mga source ng mga mamamahayag matapos ang mga insidente ng red-tagging at ang legal na paglaban dito ay malaking konsumo sa oras na dapat ay ginagamit sa pagbabalita.

Para kay Perez, malaki ang tulong na pagsasapubliko ng mga kaso ng red-tagging. “Inaanyayahan ko ang mga biktima na ipaalam ang nangyari sa kanila, lalo na sa mga media organization tulad ng NUJP, Center for Media Freedom and Responsibility, o kahit pa at lalo na sa sarili nilang newsroom,” aniya.

Dagdag pa riyan, sinabi niya na ang pinakamabisang paraan ng paglaban sa red-tagging ay ang pananatili at pagpapatuloy. 

Sa kabilang banda, ang pananatili at pagpapatuloy ng malayang pamamahayag ay may kaakibat na pananakot at pagpapahinto ng iba. Kaya naman, hindi dapat ipagsawalang bahala o ipagkibit-balikat ang dulot na panganib ng red-tagging. 

“Importante ring makuha yung iba’t ibang porma ng suporta lalo na ang moral support mula sa ating mga organisasyon, sa ating komunidad na kinabibilangan kabilang diyan yung mga kapwa mamamahayag na mas nakakaintindi ng ating sitwasyon, at  syempre ng ating sektor na ating pinaglilingkuran,” ani Len Olea, punong patnugot ng Bulatlat at isa sa mga editor ng NUJP study.  

Binigyang-diin ng NUJP ang pangangailangan para sa mas mahigpit na proteksyon ng mga mamamahayag, at para sa mga responsable na mananagot sa mga paglabag sa karapatan ng malayang pamamahayag.

“Maraming paraan ng paglaban sa red-tagging. Una na diyan ‘yong pag-expose ng kasamaan, ‘yong intensiyon ng estado kung bakit niya ‘to ginagawa, at paglulunsad ng mga kampanya kaugnay ng mga kongkretong epekto ng red-tagging,” sabi ni Olea.