close
Balik-Tanaw

Pagtatatag sa College Editors Guild of the Philippines


Ginugunita ang Hul. 25 bilang “National Campus Press Freedom Day” para kilalanin ang ambag ng mga pahayagang pangkampus sa pagsusulong ng mga kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.

Naitatag ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) noong Hul. 25, 1931 sa isang pulong ng mga patnugot ng Philippine Collegian ng University of the Philippines, The Guidon ng Ateneo de Manila, The Varsitarian ng University of Santo Tomas at The National ng National University. Layunin ng pagtatayo ng CEGP ang pagbuklurin ang mga pahayagang pangkampus sa bansa.

Sa loob ng mahigit siyam na dekada, dalawang beses natigil ang operasyon ng CEGP: Noong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong panahon ng madugong diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.

Pinangunahan ni Ernesto Rodriguez Jr., noo’y patnugot ng The Guidon at dating pagtnugot ng The National, ang pagpupulong sa opisina ng The Guidon sa dating kampus ng Ateneo sa Intramuros, Maynila na kasabay din ng kanyang kaarawan.

Naging gerilya si Rodriguez sa Hilagang Luzon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naging kolumnista siya ng We Forum na inilimbag ni Jose Burgos Jr., isa ring dating miyembro ng CEGP. Pinatunayan din niya sa kanyang aklat na “The Bad Guerillas of Northern Luzon” na hindi bayani si Marcos Sr. taliwas sa ipinangangalandakan ng diktador.

Naging unang pambansang pangulo ng CEGP si Wenceslao Vinzons ng Philippine Collegian na tinaguriang “Ama ng Aktibismong Estudyante” sa Pilipinas. Siya ang pinakabatang delegado sa 1934 Constitutional Convention na bumalangkas sa Saligang Batas ng 1935 at pinangunahan ang digmang gerilya sa Bicol noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nahuli’t pinaslang siya ng mga Hapones.

Mula pa sa pamumuno nina Rodriguez at Vinzons, kasama na mula noon ang mga mamamahayag pangkampus sa mga protesta’t pagkilos para isulong ng mga karapatan ng mga estudyante’t manggagawa at para panagutin sa katiwalian at korupsiyon ang mga pamahalaang Insular at Komonwelt.

Maliban kina Rodriguez, Vinzons at Burgos, kabilang sa mga naging kasapi ng CEGP ang mga kilala sa iba’t ibang larangan tulad sa politika, panitikan, akademya, peryodismo, aktibismo at armadong pakikibaka.

Kasama dito sina Helena Benitez, Antonio Tagamolila, Lorena Barros, Emmanuel Lacaba, Reynato Puno, Miriam Defensor-Santiago, Bienvenido Lumbera, Jose Maria Sison, Luis Teodoro Jr., Satur Ocampo, Jo-ann Maglipon, Judy Taguiwalo, Joanna Cariño, Neri Colmenares, Malou Mangahas, Teddy Casiño, Randy Malayao, Raymund Villanueva, Ronalyn Olea, Rachel Mae Palang at Benjaline Hernandez.

Sa bisa ng Republic Act 11440, ginugunita ang Hul. 25 bilang “National Campus Press Freedom Day” para kilalanin ang ambag ng CEGP at ng mga pahayagang pangkampus sa pagsusulong ng mga kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag.

Sa kasalukuyan, nananatili ang CEGP bilang pinakamatanda at pinakamalawak na alyansa ng mga mamamahayag pangkampus sa Asya-Pasipiko.