close
Main Story

Panagutin ang dapat panagutin

Walang karapatan ang sinuman na kumitil ng buhay ng iba—inosente man o may sala. Napapanahon nang panagutin ang mga sangkot sa pagpatay sa libo-libong buhay sa bigong giyera kontra droga.

Bitbit ang mga larawan ng kanyang mag-ama, hindi niya ininda ang init ng araw sa kanyang paglalakad patungo sa lugar ng paghahatulan ng masalimuot na alaala na naganap halos walong taon na ang lumipas.

Biktima ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sina Luis at Gabriel Bonifacio, asawa at anak ni Mary Ann Domingo.

Kasama ang kanyang mga naulilang anak, tumungo sa Caloocan City Regional Trial Court noong Hun. 18 si Mary Ann upang dinggin ang hatol ng korte sa kasong isinampa niya sa apat na pulis.

Hinatulan ng korte si Police MSgt. Virgilio Cervantes at mga Police Corporal na sina Arnel De Guzman, Johnston Alacre at Artemio Saguros na guilty sa kasong homicide at sinentensiyahan ng hanggang 10 taong pagkakabilanggo.

Isa sa mga pulis na hinatulang guilty ng Caloocan City Regional Trial Court sa kasong homicide. Juliane Bernardine Damas/Pinoy Weekly

Sa ilang taon na pakikipaglaban para sa hustisya, taos-puso ang kanyang naging pasasalamat sa mga tumulong at sumuporta dahil nakamit niya ang hustisya para sa madugong kinahinatnan ng kanyang mag-ama.

Pasado hatinggabi ng Set. 15, 2016 nang lusubin ng nasa 15 hanggang 20 armadong pulis ang bahay ng mga Bonifacio sa Caloocan City. Agad tinutukan ng mga pulis ang kanilang pakay na si Luis nang makita siya. 

Ayon kay Mary Ann, nagmamadali silang lahat na umakyat habang naiwang nagsusumamo si Luis sa mga pulis habang nakaluhod at may mga baril na nakatutok sa kanyang ulo. Pinili naman ng kanilang anak na si Gabriel na hindi umalis sa tabi ng kanyang ama.

Nang lumaon, kinaladkad pababa sa hagdan at pinalabas ng bahay sina Mary Ann at iba pa niyang mga anak. Pagkatapos, nakarinig sila ng putok ng baril kasabay ng balita na pagkasawi ng kanyang asawa at pagdala sa kanyang anak na si Gabriel sa ospital na kinalauna’y binawian din ng buhay.

Niyakap ni Mary Ann Domingo ang iba pang pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killing matapos ibaba ang hatol. Raffy Lerma/Resbak

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), hindi bababa sa 6,252 na indibidwal lang ang napatay sa mga operasyong kontra droga ng Oplan Tokhang mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2022.

Higit na mas mataas ang naitalang numero ng mga human rights group na tinatayang nasa 27,000 hanggang 30,000 na nasawi sa mga madugong operasyon ng pulisya.

Mula rin sa libo-libong pinatay, apat na kaso lang ang nahatulan hanggang ngayon. At marami pa ring pamilya ng mga biktima ng mga extrajudicial killing (EJK) ang patuloy na humihingi ng katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.

“Kung makapasok ako sa palasyo ng pangulo ay gagawin ko ang ginawa ko bilang Mayor. Kayong mga tagatulak ng droga, mga holdaper at mga walang ginagawa, mas mabuting umalis na kayo dahil papatayin ko kayo,” ani Duterte sa Ingles, sa gabi bago ang kanyang pagkapanalo sa halalan noong Mayo 2016.

Ayon sa mga natuklasan ng 2017-2019 Documentation of Extrajudicial Killings ng Philippine Human Rights Information Center, karamihang biktima ng pagpaslang ang mga lalaking nasa hustong gulang, mga naghahanapbuhay para sa pamilya, may mababa at hindi regular na sahod mula sa impormal na mga trabaho, at  residente ng mga komunidad ng maralitang lungsod.

Batay sa nasabing pag-aaral, naninirahan sa Navotas City (31.36%), Caloocan City (24.58%) at Maynila (16.10%) ang karamihan sa mga dokumentadong biktima ng pagpaslang. Dalawa rito ang kaso nina Greg Samson at Arnel Bagamasbad

Pagkuha sa mga labi ni Arnel Bagamasbad sa Navotas Public Cemetery. Isasailim muli ang bangkay sa autopsy bago i-cremate sa tulong ng Project Paghilom upang maibsan ang gastos ng mga pamilya sa pagbabayad ng upa sa libingan. Raffy Lerma/Resbak

Ayon kay Rodelyn Senolos, madaling araw ng Set. 7, 2019 nang manggaling ang kanyang asawang si Greg sa trabaho.

“Tapos, ayon nadatnan niya ‘yong baby niya. Kasi nakatulog ako e. Tapos nagpaalam kasi siya na bibili siya ng diaper. Tapos, may nakakita po na may mama raw po na may nagba-bike, pinuntahan siya. Ayon nga po, bigla siyang binaril,” aniya.

Hunyo 2020 naman nang patayin si Arnel sa mismo nilang bahay. Ayon kay Mary Jane Escaron, hipag ng biktima, sumuko umano si Arnel, subalit walang alinlangan pa rin itong pinaslang.

Ayon kay Vincent Go, isang freelance photojournalist na kabilang sa grupo ng mga mamamahayag na sumusubaybay sa mga pamamaslang, isa si Arnel sa tatlong pinatay sa crime scene.

“[Ang] mahirap dito, may witness nakakita mismo kung pa’no sila pinatay. At sinabi talaga no’ng witness na in-execute at nagmamakaawa pa ‘yong [21]-year-old, si Jay-Ar Jumola,” aniya. 

Ani Vincent, nakita umano ng witness na binaril si Jay-Ar mismo sa ulo. Nagmamakaawa pa umano itong huwag patayin, ngunit binaril pa rin ng mga pulis at pinalabas na nanlaban sa pamamagitan ng pagpapaputok ng bala sa pader.

Sinimulan ng Kamara noong Mayo 21 ang pinakaunang imbestigasyon sa libo-libong pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga. 

Nilalayon ng imbestigasyon na “hanapin ang katotohanan tungkol sa mga ‘di umano’y extrajudicial killing,” ayon sa House Committee on Human Rights sa Ingles. 

Pero hindi inoobliga ni Human Rights Committee chairman Rep. Bienvenido Abante Jr. na dumalo sina Duterte at Sen. Ronald dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, upang matanong.

Kinailangang alisin sa mga nitso sa Navotas Public Cemetery ang mga labi nina Greg Samson at Arnel Bagamasbad dahil tapos na ang limang taong upa rito. Isasailim sa autopsy ang kanilang mga bangkay bago i-cremate. Raffy Lerma/Resbak

Isinagawa naman ang ikalawang pagdinig ng komite noong Hun. 5 kung saan nagpasaring si Abante na maaaring dumalo sina Duterte at dela Rosa upang matanong mismo ng Kamara. Gayunpaman, hindi dumalo ng parehong arkitekto ng marahas na kampanya laban sa droga.

Sa ikatlong pagdinig nito lang Hun. 25, nagbago muli ang ihip ng hangin ng tuwirang inimbitahan si Duterte na dumalo sa imbestigasyon. Kasama ring inimbitahan si dela Rosa at ang dating senador na si Leila de Lima

Pero mariing ipinabatid ni dela Rosa na kailanma’y hindi niya papaunlakan ang mga imbitasyong ito maliban na lang kung darating din doon ang dating pangulo.

Patuloy din ang pag-iimbestiga ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa mga pagpatay na ginawa sa ilalim administrasyong Duterte.

Nahaharap sa kasong crimes against humanity si Duterte at ilan pang personalidad dahil sa pangunguna sa brutal na giyera kontra droga. 

Ganunpaman, hindi madaling gumawa ng hakbang dahil na rin mismo sa ilang hadlang na gobyerno mismo ang pasimuno.

Punong himpilan ng International Criminal Court sa The Hague, The Netherlands. International Criminal Court/Flickr

Taong 2019 nang magpasya si Duterte na umalis ang Pilipinas bilang miyembro ng nasabing pandaigdigang hukuman dahil sa kanilang tangka na magsiyasayat tungkol sa mga EJK.

Taong 2021, panandaliang natigil ang imbestigasyon ng ICC. Ngunit 2023, muling inanunsiyo ng hukuman na magpapatuloy ang imbestigasyon at tinanggihan ang apela ng administrasyong Marcos Jr. na huwag na itong ituloy. Sinabi rin mismo ni Marcos Jr. na hindi siya makikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.

Itinuturing na isa sa mga pinakaresponsable sa madugong giyera kontra droga si Duterte ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti.

Naniniwala rin si Conti, abogado ng mga pamilya ng mga biktima, na posibleng ipatawag o iutos ng ICC ang pag-aresto kay Duterte at sa iba pang sangkot sa kampanya.

Naniniwala rin si Raffy Lerma, isang independent photojournalist, na dapat ikasa na ang imbestigasyon upang mapanagot ang dapat managot.

Mauulit lang ang mga pangyayari at hindi makakausad ang bansa kung walang pananagutan at hustisya na mananaig, ani Lerma.

“Masyado na tayong na-normalize na wala tayong nakukuhang justice. Wala tayong nakukuhang accountability,” aniya.

Nagbibigay ng pag-asa para sa mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga ang hustisyang nakamit ni Mary Ann sa isinampang kaso laban sa mga pulis.  Pero hindi pa rin ito maituturing na isandaang porsiyentong tagumpay para sa ilan.

Isang pagkilos sa Quezon City ng mga kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killing upang igiit ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa kasong crimes against humanity laban kay Rodrigo Duterte at iba pang sangkot. Exequiel Agulto/Pinoy Weekly File Photo

Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), hindi pa rito natatapos ang laban dahil patuloy pa rin sa pag-angat ang bilang ng mga biktima hanggang sa kasalukuyan.

“Ang bilang ng mga dinala sa korte para sa mga pagpatay ay halos hindi umabot sa isang daan. Mayroon pang libo-libong hindi matukoy kung kaninong mga kamay ang responsable sa mga hindi makatarungang pamamaslang,” pahayag ng NUPL sa Ingles.

Dagdag pa ng grupo ng mga abogado, kilala na ng lahat kung sino ang pasimuno ng laganap at sistematikong mga pagpatay, ngunit nananatiling hindi sila maabot ng imbestigasyon o pag-uusig.

“Nakita naman ‘yong katotohanan, na guilty ‘yong apat na pulis. Pero ‘yon nga, sinasabi namin na ano pa lang ito, partial,” ani Rubilyn Litao ng Rise Up for Life and for Rights.

“Nakita ‘yong kawastuhan na meron talagang namatay at meron dapat managot [pero] nakita natin, may iba pang mga pamilya rito na hindi nakapagkaso dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Kaya naniniwala pa rin kami na kailangan tuloy-tuloy pa rin ang ating paglaban,” sabi ni Litao.