close

Rimando, ika-4 na detenidong politikal na pumanaw sa kustodiya


Nasawi sa liver cancer ang beteranong organisador ng mga obrero’t magbubukid na si Ernesto Jude Rimando Jr. sa edad na 58 sa Philippine General Hospital sa Maynila noong Hul. 23.

Nasawi sa liver cancer ang beteranong organisador ng mga obrero’t magbubukid na si Ernesto Jude Rimando Jr. sa edad na 58 sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila noong Hul. 23. Siya ang ikaapat na bilanggong politikal na namatay habang nasa kamay ng estado ngayon taon.

Isang researcher nang 20 taon sa Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo (Alyansa ng mga Manggagawa ng Cebu) si Rimando na sapilitang inaresto nang walang warrant of arrest ng anim na armado at hindi nagpakilalang lalaking nakasibilyan noong Ene. 6, 2021 sa Kamaynilaan, kung saan magpapagamot sana siya sa liver cirrhosis at sepsis.

May mga isinampang gawa-gawang kaso laban kay Rimando sa mga korte sa Bohol; Capiz; Negros Oriental at Occidental; Iloilo; Danao City, Cebu; San Mateo, Rizal; at Pasay City sa ilalim ng alias na “Allan Morales.”

Tinamnan din siya ng mga ebidensiya ng mga umaresto sa kanya at sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives na ibinasura ng korte sa Quezon City.

Kinondena ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang naging sitwasyon at pagkamatay ni Rimando.

“Malubha na ang kalagayan ng kalusugan ni Rimando noong inaresto siya at lumala pa ang kanyang kondisyon sa piitan. Natigil ang kanyang pagpapagamot at walang serbisyong medikal sa loob ng kulungan,” ani Selda spokesperson Bonifacio Ilagan.

Dagdag ni Ilagan, bigo ang gobyerno na bigyan si Rimando at iba pang mga bilanggong maysakit ng maayos na serbisyong medikal. Aniya, walang ibang dapat sisihin kundi ang gobyerno sa pagpanaw ni Rimando dahil sa pagkakait na makapagpatingin sa doktor at makapagpagamot.

Napag-alamang naging liver cancer na ang kanyang sakit nang dalhin siya sa PGH noong Mayo 17. Nakita rin ng mga doktor na mayroon siyang pulmonary tuberculosis, pulmonary embolism at chronic obstructive pulmonary disease.

Ayon sa grupong Kapatid: Families and Friends of Political Prisoners, kalunos-lunos ang kalagayan sa loob ng mga kulungan sa bansa tulad ng pagsisiksikan, mababang kalidad ng pagkain at kawalan ng malinis na tubig at palikuran na mga dahilan kung bakit lumulubha ang kondisyon ng mga bilanggong maysakit at nakatatanda.

Maliban kay Rimando, namatay din sa kustodiya ng estado ngayong taon ang mga bilanggong politikal na sina Roy dela Cruz noong Ene. 27, Generoso Granado Jr. noong Mar. 7 at Antonio Legaspi noong Abril 19 dahil sa iba’t ibang karamdaman.

“Nakagagalit ang pagkamatay ng mga bilanggong politikal habang nasa detensiyon,  lalo na ang mga nakatatanda’t maysakit, dahil hindi sila nararapat na manatili sa loob ng piitan ni isang minuto at mga biktima sila ng sunod-sunod na inhustisya,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Ani Palabay, dobleng galit din umano ang dulot ng pagkamatay ni Rimando dahil malaya ang mga mayayaman at impluwensiyal na tao katulad nina Juan Ponce Enrile at Imelda Marcos na nahatulan ng mga korte na nagkasala sa mamamayan ngunit ginamit ang kanilang edad at karamdaman para hindi makulong.

Nanawagan ang mga grupong Karapatan, Kapatid at Selda sa pamahalaan na palayain si Rimando batay sa “humanitarian grounds” ngunit nanatiling bingi ang mga korte at ahensiya ng pamahalaan sa mga panawagan at petisyon.

“Habang binibigyang pugay natin si Ernesto Jude Rimando [Jr.], paulit-ulit tayong nananawagan ng agarang pagpapalaya sa lahat ng mga maysakit at nakatatandang bilanggo,” sabi ni Ilagan.

Nanawagan din ang mga grupo ng karapatang pantao na ibasura ang lahat ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga bilanggong politikal para sa kanilang agarang paglaya.