close
Scope Out

Baling lapis


Hindi ako naniniwala sa pamahiin. Ano bang magagawa ng binaling lapis sa paanan ni Oblê, pagpapatasa ng lapis sa mga nakapasa sa pagsusulit o ng kung ano pang pakulo para makapasa?

Usong-uso ang iba’t ibang pamahiin tuwing may mga mahahalagang pagsusulit tulad ng board examinations at bar examinations. At hindi rin ligtas ang University of the Philippines College Admission Test (Upcat) dito.

Kumalat sa social media ang mga retrato ng tila bagong imbentong pamahiin na pag-aalay sa paanan ng Oblation ng mga binaling lapis na ginamit ng mga kumuha ng Upcat nitong Ago. 10-11.

Umani ito ng sari-saring reaksiyon mula sa mga estudyante at alumni ng UP. Sabi nila, ang alam lang nilang pamahiin ay huwag magpakuha ng retrato kasama ni Oblê dahil made-delay ka sa pag-graduate.

May mga nagsabi ring dapat i-donate na lang ang mga lapis at may mga organisasyon din umano sa UP na iniipon ang mga ginamit na lapis sa Upcat para ipamigay sa mga batang nangangailangan.

Hindi ako naniniwala sa pamahiin. Ano bang magagawa ng binaling lapis sa paanan ni Oblê, pagpapatasa ng lapis sa mga nakapasa sa pagsusulit o ng kung ano pang pakulo para makapasa?

Sasabihin siyempre ng ilan na wala namang masama na maniwala sa pamahiin. (Marami akong puwedeng sabihin sa bagay na ito pero siguro sa ibang pagkakataon.)

May mas malalim na dahilan sa paniniwala sa bagong pamahiin sa Upcat: Hindi abot-kamay ang dekalidad na edukasyon sa bansa. Desperasyon din umano ang nagtutulak sa marami para maniwala sa mga pamahiin ayon sa mga sikologo.

Sino ba namang hindi magnanais na makapag-aral sa UP para magkaroon ng mas magandang tiyansa na umunlad sa buhay?

Ayon kay UP President Angelo Jimenez, nasa mahigit 100,000 ang kumuha ng Upcat 2025-2026, ngunit nasa 10% lang nito ang maaaring mabigyan ng pagkakataon na makapasok sa UP.

Ngayon, hindi ko uusisain kung para kanino ba talaga ang UP. Gusto kong usisain kung bakit ganito na lang ang desperasyon ng maraming kabataan para sa mas maaliwalas na kinabukasan.

May 263 na pampublikong pamantasan at kolehiyo sa bansa ayon sa 2023 Higher Education Facts and Figures ng Commission on Higher Education. Nasa 113 ang state university and college (SUC), 137 local university and college (LUC) at 13 na iba pang institusyong pinamamahalaan ng gobyerno.

Ngayong 2024, may P128 bilyon pondo para sa mga SUC, P24.771 bilyon dito ang mapupunta sa UP System. Nakadepende naman sa badyet na ilalaan ng mga pamahalaang lokal ang pondo ng mga LUC na kanilang pinatatakbo.

Mukhang malaki ang pondo ng UP at mga SUC, ano? Pero sa katotohanan, kulang na kulang pa rin ito. Sa mga SUC sa mga rehiyon, pahirapan ang pondo.

Hindi lang naman kasi mga mag-aaral, mga guro at kawani, maintenance at iba pang utility ang ginagastusan ng mga pamantasan. Kailangan ding maglaan ng pondo para paunlarin ang kanilang kakayahan sa pagtuturo, pananaliksik at iba pang serbisyo. Kailangan ding magsagawa ng iba’t ibang inisyatiba para sa pagpapauland ng karunungan na nangangailangan ng pondo at naaayong pasilidad at kagamitan.

Sabi ng pamahalaan, dapat kumita ang mga SUC. Kaya nga sumulpot ang iba’t ibang iskema ng komersiyalisasyon sa mga SUC dahil dapat daw “self-sufficient” ang mga SUC na malaking kabalintunaan at kahangalan. Kaya nga may UP-AyalaLand Technohub, UP Town Center at DiliMall sa UP Diliman para pagkakitaan ang lupain ng UP. (Muli, isa na namang hiwalay na usapan ito.)

At kahit libre na ang matrikula sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo, nariyan pa rin ang mga pasakit sa mga kabataang estudyante sa porma ng pagkakait ng karapatan sa edukasyon at panunupil sa akademikong kalayaan.

Hindi ko sinasabing huwag mag-asam na makapasok sa UP. Dapat nga’y mas ibukas ng UP ang kanyang mga tarangkahan lalo na sa mga estudyanteng mula sa mahihirap na komunidad at pinababayaang sektor.

Kailangang igiit ng kabataan ang karapatan sa abot-kamay at dekalidad na edukasyon. At hindi ito mangyayari kung patuloy ang pagturing sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo na negosyo dahil tungkulin ng estado na ibigay ang karapatang ito sa lahat ng mamamayan.

Budget season na naman sa Kongreso. Kailangan nating igiit ang mas makabuluhang dagdag badyet sa mga SUC at sa buong sistema ng pampublikong edukasyon. At sigurado akong hindi ito madadaan sa pamahiin.