Diplomang walang katapat na trabaho
Lingid sa kaalaman ng marami, hindi sa diploma nagtatapos ang pagsubok. Sa reyalidad, kapos na oportunidad para sa mga manggagawa—kuwalipikado man o may karanasan—ang naghihintay sa kanila.
Suot ang kanilang mga toga at naggagandahang ngiti, nagsisilbing pagtanggap sa hamon ng bagong simula ang pagtatapos ng buhay estudyante. Sa loob ba naman ng humigit-kumulang 17 taong paghasa ng talino at kakayahan ng mga kabataan, tila nakaukit na pangako ng tagumpay na ang kaakibat ng pagtatapos sa kolehiyo.
Subalit lingid sa kaalaman ng marami, hindi sa diploma nagtatapos ang pagsubok. Sa reyalidad, kapos na oportunidad para sa mga manggagawa—kuwalipikado man o may karanasan—ang naghihintay sa kanila.
Sinalubong ang taong 2024 ng mga nag-uumapaw na papuri sa kasalukuyang administrasyon dahil umano sa ipinagmamalaking pagbaba ng unemployment rate sa bansa. Ayon sa pahayag ni Sen. Joel Villanueva noong Enero, indikasyon ito na nakabawi na ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng pandemya.
Kasunod pa nito ang pahayag ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na nagsabing dahil sa mga epektibong polisiya sa ekonomiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Kongreso ang pagbabang ito na nagresulta umano sa mahigit 200,000 na trabaho.
Ngunit taliwas ito sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nakapagtala ng mahigit 2 milyong walang trabaho sa simula ng taon kumpara sa 1.6 milyon noong Disyembre 2023. Dagdag dito, umakyat sa 4.1% ang unemployment rate sa Pilipinas noong Mayo mula 4% ng nagdaang buwan.
Suliranin ng mga bagong graduate
“Halata naman na isa talaga sa mga nagpapahirap [sa paghanap ng trabaho] ay ‘yong mga company na naghahanap ng empleyado na may experience, hindi sila tumatanggap ng walang karanasan sa trabahong papasukan,” sabi ni Ivoh Gatchalian, nagtapos ng kolehiyo ngayong taon sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.
Dagdag pa niya, siguradong mahihirapan siyang makakuha ng regular na trabaho matapos ang kolehiyo kung kaya’t nagsumikap siyang maging working student upang maging kuwalipikado sa kompanyang gusto niyang pasukan.
Samantala, pinatunayan ni Pat Ocampo, graduate noong 2023 na hindi pa rin nagbabago ang patakaran ng mga employer sa kabila ng patuloy na pagtaas ng unemployment rate sa bansa. Aniya, prayoridad na kunin ang mga aplikanteng may anim na buwang job experience.
“Kahit degree holder ako hindi ako basta natanggap sa trabaho dahil wala akong job experience bukod sa on the job training,” wika niya.
Ipinapakita nina Gatchalian at Ocampo ang danas na kinakaharap ng mga aplikante dahil sa mataas na pamantayang hinahanap ng mga kompanya. Bukod dito, dumagdag rin sa pasanin nila ang matinding kompetisyon sa paghahanap ng mapapasukan.
“Dahil kulang ang trabaho sa Pilipinas, malaki ang kompetisyon dahil marami rin ang naghahanap.” Sabi naman ni Cristina Mamaril na magtatapos sa kursong Sociology ngayong taon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ayon sa ginawang pag-aaral ng Management Association of the Philippine, lumalabas na mas pinipili ng mga kompanya ang mga aplikanteng bihasa at may katangi-tanging kakayahan sa iba’t ibang gawain kumpara sa mga aplikanteng walang sapat na kasanayan sa trabahong inihahain sa kanila.
Sa inilabas na pahayag ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, malaki umano ang epekto ng lockdown dulot ng pandemyang Covid-19 sa mga fresh graduate dahil sa kakulangan sa socialization at pisikal na aktibidad ng mga estudyante.
“Hindi agad ako magbibigay ng konklusyon. Gayunpaman, ang kakulangan ng soft skills ang pangunahing sanhi ng kawalan ng trabaho ng kabataan” aniya.
Diskarte na lang
Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mga aplikante, lalo na ang mga fresh graduate, pagdating sa paghanap ng trabaho, hindi sila pinanghihinaan ng loob na magpatuloy. Bagkus, ginawa nila itong basehan upang paigtingin ang kanilang kaalaman at mamulat kung ano ang kadalasang hinahanap ng mga employer.
“Sa daming magsisipagtapos, kinailangan ko rin galingan na i-market ‘yong sarili ko. May mga [pagkakataon sa] interview pa na tatanungin kung alam mo ba ‘to and [other] stuff. Ako naman oo lang ako. Sabi nga [sa awit] ni Taylor [Swift], ‘It’s fine to fake it ’til you make it. ‘Til you do, ‘til it’s true,’” ani Jemerlyn Bautista, nagtapos ng kolehiyo noong 2023.
Dahil sa mataas na kuwalipikasyon, nagkaroon ng iba’t ibang pamamaraan ang mga aplikante upang mabilis na matanggap ng mga kompanya.
Napipilitan ang ilan sa kanila na pasukin ang trabahong hindi konektado o walang kinalaman sa kursong kanilang tinapos. Anila, makatutulong ito upang makakuha ng job experience na kadalasang hinahanap ng mga kompanyang nais nilang pasukan.
Samantala, dahil sa patuloy na pag-usad ng panahon, naging malaki ang naitutulong ng teknolohiya sa mga aplikante. Sa katunayan, ito ang kadalasang ginagamit ng mga fresh graduate na walang sapat na karanasan sa paghanap ng trabaho.
Dahil dito, naglabasan ang ilang website katulad ng Jobstreet, Indeed at iba pa, na maaaring makatulong hindi lang sa mga aplikante gayundin sa mga kompanyang naghahanap ng bagong empleyado.
Oportunidad at sapat na sahod
Isa sa mga ipinagmamalaking proyekto ni Marcos Jr. ang Trabaho Para sa Bayan na makakatulong umano sa pagbuo ng humigit-kumulang 3 milyong bagong trabaho pagdating ng taong 2028.
Pinabulaanan naman ito ng Ibon Foundation gamit ang datos ng PSA. Nag-ulat lang ng 154,000 na pagtaas sa employment mula 48.8 milyon noong Pebrero 2023 na umabot sa 49 milyon nitong Pebrero 2024, mas mababa ng 30% sa 500,000 na taunang target ng proyekto.
Sinabi ng Ibon na mahina ang paglikha ng trabaho para sa kabataan kasama na ang mga bagong graduate, ang problema sa mataas na unemployment at underemployment. Ayon pa sa Ibon, Mula 6.8 milyong kabataang nasa edad 15-24 na may trabaho noong Pebrero 2023, bumaba ito sa 6.2 milyon nitong Pebrero 2024.
Kaya para kay Mamaril, kailangang pakinggan ang sigaw ng mga mamamayan at bigyang pansin ang mga pag-aaral ukol dito upang maging batayan ng epektibong patakaran at proyekto laban sa kawalang trabaho.
“Dapat silang makipag-ugnayan sa mga [stakeholder] at komunidad upang makita kung bakit ba walang mga trabaho ang mga Pilipino. Kasi kung gagawa lang sila ng mga oportunidad nang hindi isinasaalang-alang ang totoong sitwasyon ng mga mamamayan, hindi rin magiging sustainable ang mga proyektong gagawin nila,” aniya.
Bukod pa dito, kailangan aniyang pagtibayin ang suporta sa mga industriyang may higit na potensiyal na magbigay trabaho sa mga Pilipino tulad ng agrikultura at information technology.
Sa ilang mga pag-aaral, lumalabas na ang karamihan sa mga nakapagtapos ng kolehiyo ang nangingibang bayan para kumita ng mas malaki kumpara sa iniaalok na mga trabaho sa loob ng bansa. Kundi man, kalakhan ng kabataan ang nasa service work, tulad ng call center at food industry.
Sa pananaw naman ni Ocampo, isang malaking suliranin din ang mababang sahod sa paghahanap ng trabaho lalo na’t patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Nitong nakaraang Hulyo, nagtaas ng P35 sa minimum wage para sa pribadong sektor sa National Capital Region, pero malayong-malayo ito sa hiling na P150 pataas na umento.
“‘Yong minimum wage na natatanggap ng bawat empleyado, hindi sapat para tapatan ‘yong pagod na inilalaan para sa trabaho dahil most employees nakakaranas ng dagdag workload na hindi naman sakop ng position at duties sa trabaho,” ani Ocampo.