close
Espesyal na Ulat

CPP, magwawasto at susulong sa ika-56 taon


Magwawasto at uugat sa masa ang Communist Party of the Philippines sa ika-56 taon ng pagkakatatag nito para muling magpalakas sa mga susunod pang taon.

Sa pagdiriwang ng kanilang ika-56 anibersaryo nitong Dis. 26, nanawagan ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa kasapian nito na palakasin ang rebolusyonaryong partido sa pamamagitan ng pagwawasto sa mga kahinaan at ng pag-ugat sa masa.

Inatasan rin ng Komite Sentral (KS), pamunuan ng CPP, ang New People’s Army (NPA) na biguin ang todo-giyera ng gobyernong Ferdinand Marcos Jr. Dapat anilang maglunsad ito ng mga opensiba laban sa target na kayang gapiin.

“Determinado tayong biguin ang walang-habas na giyera ng kaaway, bawiin ang mga nawala, magkamit ng bagong mga tagumpay at isulong ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino,” sabi sa pang-anibersaryong mensahe ng CPP.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), humina na ang NPA ngayong taon at wala nang kakayahang maglunsad ng malakihang pagsalakay.

Sa huling tala ng AFP, may 1,500 mandirigma na lang umano ang NPA noong 2023.

“Sa umpisa ng taon, nagsimula tayo sa pitong mahinang larangang gerilya, ngayon isa na lang at pasok pa tayo sa ating target,” ani AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang press briefing noong Dis. 17.

Pinabulaanan naman ito ng CPP. Bagaman aminadong may mga “malakihang pagkawala at pag-atras” sa nakalipas na mga taon, may mga tagumpay na anila sa pagbawi at pagpapalawak ng mga baseng masa mula nang ilunsad nito ang kilusang pagwawasto.

“Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto noong nakaraang taon, binigyang-pansin ng pamunuan ng partido ang partikular na problema ng kusang pagpapakitid ng mga yunit ng NPA, na nagresulta sa pagkitid ng baseng masa sa ilang matatatag na lugar,” sabi ng CPP.

“Malikhain at matalino” na rin anilang ginagamit ng NPA ang mga taktikang gerilya at nagpapakahusay ang mga platun nito sa mabilisang pagkilos.

“Ang kilusang pagwawasto ng partido ay nagbigay inspirasyon sa mga pulang mandirigma ng NPA na magpunyagi sa mahirap na landas ng matagalang digmang bayan,” sabi ng CPP.

Sa pag-aaral ng International Crisis Group, independiyenteng grupong makakapayapaan, nasa pinakamalalang paghina ngayon ang CPP mula nang itatag ito noong 1968, pero hindi pa nagagapi.

“Mula sa loob” ang kanilang paghina, ayon sa pamunuan ng CPP. Bunga anila ito ng mga pagkakamali at kahinaan na nagdulot ng pagtigil sa paglakas nito sa nakalipas na dekada.

“Sa nakalipas na isang dekada o higit pa, ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang masa ay sinagkaan ng mga kanang oportunistang tendensiya. Samantalang pinahina ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng sariling pagpapakitid,” sabi ng CPP.

Inilunsad ng CPP ang ikatlong kilusang pagwawasto nito noong Disyembre 2023 para “pandayin ang katatagan sa ideolohiya at politika” ng mga kasapi nito. Ngayong taon, umikot sa temang “Magwasto, sumulong” ang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.

Nanawagan ang KS ng CPP sa kasapian nito na “palalimin at palawakin ang kilusang pagwawasto” at na “umugat nang mas malalim sa masa” para muling mapalakas ang kanilang partido at rebolusyon.

Kinakatangian anila ang pagwawasto ng malawakang pag-aaral ng mga batayang prinsipyo at paninindigan ng CPP. Dapat anilang puspusang magsiyasat at maglagom ang mga pormasyon nito upang tukuyin, punahin at iwasto ang mga kamalian.

Inatasan rin nito ang NPA na palalimin ang ugnayan sa masa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga serbisyong pang-ekonomiya, pangkalusugan at pang-edukasyon sa mga magsasaka.

“Kailangang likhain natin ang kondisyon para sa demokratikong paglahok ng masa sa mga talakayan at pagpapasya, upang mahimok silang kumilos,” sabi ng CPP.

Lumilikha anila ng “paborableng kondisyon” sa pagpapalakas ng CPP ang krisis sa ekonomiya at politika. Ayon sa pamunuan ng partido, responsibilidad ng mga lider at kasapi nito na umugat sa masa at pamunuan ang pakikibaka nila.

“Ikinalulugod naming iulat na ang panloob na kampanya ng pag-aaral at pagpuna-sa-sarili ay matatag na umuugat at patuloy na lumalaganap. Ngunit marami pa ang kailangang gawin. Nasa mga unang hakbang pa lamang tayo,” sabi ng CPP.

Dalawang beses nang naunang naglunsad ng kilusang pagwawasto ang CPP. Noong 1968, iwinasto nito ang mga kamalian ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas. Itinatag muli ang CPP at binuo ang NPA na nakapagpalakas kahit sa kasagsagan ng diktadurang Marcos Sr.

Taong 1992, itinama ng CPP ang mga malawakang pagbali sa mga prinsipyo nito. Nagresulta ito sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada at sa paglawak ng mga pormasyon at operasyon ng NPA sa buong bansa.

“Tiwala tayo na sa pamamagitan ng pagpapalalim at pagpapalawak ng kilusang pagwawasto, mabubuo natin ang isang mas matatag at mas makapangyarihang CPP, at mapamumunuan ang demokratikong rebolusyon ng bayan tungo sa mas malalaking tagumpay sa mga darating na taon,” sabi ng CPP.