close
Magsasaka

Nang itayo ang expressway, mas nalubog sa utang at baha ang magsasaka sa Nueva Ecija 


Sa kabila ng ilang dekadang pagbabanat ng buto sa palayan, hindi nila kailanman naging pag-aari ang mga lupa.

Pagkatapos ng isang araw ng pagbabanat ng buto sa kanyang palayan noong Setyembre 2024, naghihintay si Bernardo Trinidad, kilala rin bilang Tatay Deng, sa may gilid ng bagong gawang Central Luzon Link Expressway (CLLEX). Hinihintay niyang dumaan ang mga sasakyan upang makatawid nang ligtas papunta sa kabilang bakod. Ito ang kanyang ruta pauwi. Raizza P. Bello

Bahagyang tiningnan ni Bernardo Trinidad ang maputlang palay na kaniyang pinitas. 

“Sa pagsasaka, hindi ka sigurado hanggang nasa sako [na],” banggit niya, dahil hindi na maaaring ibenta ang binahang palay.

Isa si Trinidad sa daan-daang magsasaka na nawalan ng ilang bahagi ng lupang sakahan dahil sa pagtatayo ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) Phase 1, isang proyekto ng pamahalaan na may humigit-kumulang 30 kilometro mula sa mga probinsiya ng Tarlac hanggang Nueva Ecija.

Tulad ng maraming apektadong magsasaka, nanlulumo si Trinidad sa paglala ng baha sa mga natitira nilang palayan bunga ng itinatayong imprastraktura. Ang pagkasira sa kalikasan tulad nito ang naglulubog sa kanila sa mas malalim na utang. 

Isa itong pamilyar na siklo mula sa sitwasyon ng pambansang pamahalaan hanggang sa mga komunidad. Habang tumataas ang utang ng Pilipinas mula sa mga proyektong pinondohan ng ibang bansa, tulad ng P11.8 bilyon CLLEX, napipilitan naman ang mga magsasaka na palaging mangutang para maitaguyod ang kanilang pamilya at kabuhayan sa araw-araw.

Maliban sa palay, nagtatanim si Tatay Deng ng iba pang mga gulay at prutas. Sinisigurado niya na walang lupa ang hindi napalalago sa kanyang mga taniman. Bago umuwi, pumipitas si Tatay Deng ng mga sitaw upang makapagdala ng sariwang pagkain sa kanyang pamilya. Raizza P. Bello

Kilala si Trinidad bilang Tatay Deng ng kanyang mga kamag-anak at mga kapitbahay. Nagsimula na siyang magsaka noong 21 taong gulang pa lamang sa Aliaga, Nueva Ecija, dahil napilitan siyang huminto sa pag-aaral. Hindi na kaya ng pamilya niya na pagtapusin siya sa paaralan dahil sa kahirapan.

Sa kabila ng ilang dekadang pagbabanat ng buto sa palayan, hindi nila kailanman naging pag-aari ang mga lupa.

“Para kang alipin [sa trabaho]. Malupit ang mga Kastila [pagdating sa lupa],” sabi ni Tatay Deng na ngayo’y 73 taong gulang na, habang inaalala ang mga Kastilang asyendero’t asyendera na nagmamay-ari sa mga lupang sakahan sa kanilang bayan noong 1970s.

Noong ika-19 siglo, kinuha ng mga mananakop na Kastila ang malalaking bahagi ng plantasyon ng palay at tubo, na mas kilala bilang hacienda sa Gitnang Luzon. Dahil sa kasaysayang ito, naging prayoridad ang rehiyon sa pagpapatupad ng repormang agraryo na naglalayong ipamahagi ang mga lupa sa mga magsasaka simula 1960s hanggang sa kasalukuyan.

Bagaman nagsikap si Tatay Deng na makuha ang mga opisyal na dokumento, hindi siya kailanman nagkamit ng pormal na titulo sa lupang kaniyang sinasaka. Hindi niya nakita ang pangangailangan para rito, hanggang sa mabalitaan niya noong 2015 ang pagtatayo ng isang national expressway sa Gitnang Luzon.

Ibinahagi ng mga lokal na magsasaka na nakausap ng Bulatlat na sila ay inabisuhan lamang tungkol sa proyekto at hindi nagkaroon ng tunay na konsultasyon hinggil sa imprastraktura. Sabi nila, hindi nila ito puwedeng tutulan dahil, sa ilalim ng batas, isa itong proyekto ng pambansang pamahalaan. 

Nahati ng 30-kilometrong expressway ang mga sakahan mula sa mga probinsya ng Tarlac tungong Nueva Ecija. Tinatayang 104 ektarya ang naapektuhan sa bayan ng Aliaga para sa pagbuo ng imprastraktura. Romie Malonzo

“Sinabi lang [sa ‘min] dadaanan ang lupa at [nangakong] babayaran [kami],” sabi ni Tatay Deng.

Bahagi ng Build, Build, Build Program katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), layunin ng CLLEX na pagaanin ang trapiko, padaliin ang access sa mga food baskets, at magsilbing daan para sa turismo sa iba’t ibang rehiyon. Noong Marso 2010 ay nakakuha na ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang proyektong ito, at nagsimula ang konstruksyon noong 2016 lamang.

Nagpatuloy ang proyekto sa kabila ng daan-daang pamilya at magsasaka na mapapalayas, lalo na sa Aliaga na umabot sa 432 na lote, ayon sa datos ng DPWH noong September 2024. Ang kawalang ito’y aabot sa 104 ektarya ng lupain, kung saan karamiha’y mga sakahan. 

Sa ilalim ng batas na right-of-way (ROW), maaaring kunin ng gobyerno ang pribadong ari-arian para sa pampublikong gamit, at nararapat na mabigyan ang mga apektadong may-ari ng lupa ng agaran at sapat na kompensasyon. Pero tulad ni Tatay Deng na nawalan ng 6,122 square meters ng sakahan para sa expressway, marami pa rin ang hindi nababayaran dahil sa kakulangan ng mga government requirements tulad ng titulo ng lupa.

Ipinaliwanag naman ng DPWH Unified Project Management Office (UPMO), ang proponent ng CLLEX, na kabahagi rin sa prosesong ito ang mga lokal at pambansang ahensya ng pamahalaan na may kaalaman at kakayahang ayusin ang mga isyu sa lupa. Bagaman kinikilala nila na mahirap matapos ang mga requirements, kinakailangan itong sundin dahil itinakda rin ito ng batas.

Higit P100,000 ($1,697) at dalawang taon na ang inilaan ni Tatay Deng para lang maproseso ang kaniyang sariling titulo. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin siya ng balita tungkol sa mga isinumite niyang requirements noong 2022, at palaisipan pa rin kung kailan niya na makukuha ang kompensasyon.

Dahil matagal at mahal ang proseso para sa mga magsasaka, kadalasa’y napipilitan silang tanggapin ang halaga ng lupang itinakda ng pamahalaan o ‘di kaya’y sukuan na lamang ang pagkamit ng makatwirang kompensasyon, ayon kay Jobert Pahilga, abogado ng Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra). Ito ay isang non-government organization (NGO) na matagal nang nagbibigay ng libreng legal na tulong sa mga magsasaka at mga katutubo pagdating sa mga isyu ng lupa.

Hindi bababa sa limang taon ang karaniwang itinatagal para makakuha ng kompensasyon ang mga magsasaka, dagdag ni Pahilga. Ito ang hirap na hinaharap para sa mga mababang halagang lupang sakahan tulad ng sa Aliaga, kung saan ang mga apektadong magsasaka ay binabayaran lamang ng P135 ($2.30) bawat metro kuwadrado ng lupa, ayon sa mga nakalap na dokumento.

Inilalarawan ni Tatay Deng ang abot-tuhod na tubig baha sa kanyang mga palayan tuwing matindi ang buhos ng ulan sa bayan ng Aliaga. Iginigiit niya na nawalan na ng natural na daluyan ang tubig mula nang buuuin ang expressway, kaya mano-manong nagbobomba ng tubig baha si Tatay Deng at ang kanyang mga kapwa magsasaka upang maisalba ang mga pananim. Raizza P. Bello

“Minsan, hindi alinsunod ang pag-unlad sa kalikasan,” sabi sa Ingles ni Engineer Manuel Monfort, isa sa mga project engineer ng CLLEX mula sa DPWH UPMO. Ibinahagi niya na hindi maiiwasan ang pagkasira ng kapaligiran kapag may mga imprastrakturang itinatayo. Sa kaso ng expressway, aniya, pinili nila ang lugar na may mas maliit na pinsala batay sa mga paunang pag-aaral.

Ngunit para sa ibang pamilya at magsasaka ng Aliaga, higit na malaki ang naging epekto ng pagtatayo ng CLLEX kumpara sa mga panganib na napag-aralan, lalo na’t lumala ang pagbaha sa kanilang mga lugar at sakahan. Ayon sa kanila, umaabot ng tuhod ang pagbaha kapag sunod-sunod ang pag-ulan ng tatlong araw, dahilan para malunod ang mga palay. 

Ipinaliwanag naman ni Engineer John Lerry Bautista, acting municipal agriculturist ng Aliaga Municipal Agricultural Office (MAO) na ang palay ay isang water crop, kaya naman mahalaga ang pamamahala ng tubig sa mga sakahan.

“Kapag sumobra ang tubig, magiging pabigat ito sa mga pananim at magsasaka,” dagdag niya hinggil sa epekto ng tubig sa kalidad ng palay. Maaari rin itong magdulot ng sanga-sangang epekto sa dami ng ani, presyo ng palay, kita ng mga magsasaka, at lokal na ekonomiya.

Ito ang mga mahihirap na realidad na pinatindi pa ng pagtataguyod ng bagong expressway: isang buhay na puro utang, kung saan hindi matakasan ng mga magsasakang tulad ni Tatay Deng. 

“Lahat ng pagsasaka ko ay utang,” aniya. “Bago ka maglamas ng putik, may utang ka na,” hinaing niya.

Sa bawat panahon ng anihan, kinakailangan ni Tatay Deng ng humigit-kumulang P50,000 ($848.30) para sa produksiyon. Kadalasa’y binabayaran niya ang kanyang mga utang sa mga traders gamit ang naaaning palay o ‘di kaya’y makikiusap na bigyan pa ng higit na oras upang makabayad. 

Ipinapakita ni Tatay Deng ang isang palay na nabaha kamakailan na hindi na maaaring ibenta. Ipinapaliwanag niya na ang labis na tubig baha ay maaaring makapatay sa pananim o makaapekto sa kalidad ng bigas. Sa ganitong sitwasyon, bababa rin ang presyo ng palay kapag ibinenta sa mga lokal na negosyante. Raizza P. Bello

Inihalintulad niya rin ang pagsasaka sa pagsusugal. Paliwanag ni Tatay Deng, lumolobo ang kaniyang utang dahil sa patuloy na pagtataas ng presyo ng mga kasangkapan, mabilis na pagbabago ng klima, at ang mura at pabago-bagong presyo ng palay.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang presyo ng isang kilo ng palay sa Gitnang Luzon ay tumaas lamang ng humigit-kumulang P6 mula 2010 hanggang 2023. Ibig sabihin, 38.73% lamang ang itinaas ng palay bawat kilo sa nakaraang 14 taon, sa kabila ng pagtaas ng presyo sa produksiyon.

Nakita rin sa datos ng Aliaga MAO na mayroong pagbaba sa ani ng palay mula 2021 hanggang 2024. Dati, ang mga magsasaka ay umaani ng 100 kaban kada ektarya sa anihan, pero ngayon, 35 kaban na lamang ang kanilang naaani.

Ipinaliwanag ni Bautista na ito ay dulot ng iba’t ibang bagay tulad ng kakulangan ng tubig (El Niño), mga bagyo, at biglaang pag-ulan. Kung patuloy na hindi magiging epektibo ang pagkontrol sa baha, aniya ay lalala pa ang sitwasyon na maaaring makasira sa ekonomiya ng munisipalidad.

Bilang tugon sa isyu ng pagbaha, sinabi ng DPWH UPMO na sapat ang mga naitayong drainage systems na sakop ng ROW limits ng CLLEX. Iminungkahi rin nila na may pangangailangan pang ayusin at imintina ang sistema ng tubig sa buong probinsya para maayos ang krisis sa pagbaha.

Sa panayam ng Bulatlat sa mga opisyales ng Aliaga, anila’y kailangan ng mga pag-aaral upang tunay na maintindihan ang kasalukuyang problema sa pagbaha, ngunit dapat ding kilalanin na magkaiba ang mga natukoy na panganib sa aktwal na epekto. Sa hinaharap, mungkahi nila ang mahigpit na koordinasyon at paggawa ng polisiya sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan, upang mapaigting pa ang preparasyon sa mga nakaambang epekto at isaalang-alang ang iba pang alternatibo ukol sa proyekto.

Noong kalagitnaan ng Setyembre 2024, nagmamadali ang mga lokal na magsasaka sa Aliaga na mag-ani ng palay kung sakaling biglang bumuhos ang ulan sa Nueva Ecija. Nagpapalitan sila sa pagpapatakbo ng rice harvester, pag-aayos at paglilipat ng mga sako ng bigas para ibenta sa mga lokal na negosyante. Raizza P. Bello

Bahagi ng agrikultura ang imprastraktura dahil kinakailangang makarating ng pagkain sa mga konsumer, ayon kay Dr. Ted Mendoza, isang siyentista at founder ng Magsasaka at Siyentipiko Para sa Pag-unlad ng Agrikultura (Masipag). Ito ay isang organisasyon na pinangungunahan ng mga magsasaka, people’s organizations, NGOs, at iba pang siyentista, na naitaguyod noong 1980s para tugunan ang lumalalang krisis sa bigas sa bansa.

Pero iginiit ni Mendoza na ang Pilipinas ay nahuhuli pagdating sa mga sistema ng transportasyon, kaya maraming komunidad at likas-yaman ang negatibong naaapektuhan ng mga proyektong imprastruktura. Dagdag niya, sa kabila ng pagiging “artery of development” ng mga kalsada na nagbibigay-daan sa iba’t ibang lugar at nag-uudyok ng paglikha ng mga establisyimento; ang mga tren ang mas mura, mabilis, at episyente sa enerhiya.  

“Bakit pinabayaan ang mga train networks natin in favor of expressway[s]?,” tanong niya. “Ang malaking nagpopondo sa ‘tin ever since ay Japan. Ano naman ang [mga produkto] na magbe-benefit [sila] kung tutulungan tayo?”

Binigyang-diin ni Mendoza na ang pagtatayo ng mga expressway ay para makapagbenta ng marami pang sasakyan ang Japan, isang negosyo na ginagawa rin ng United States at China tuwing nagpopondo ng mga imprastraktura sa iba pang mga bansa. 

Sa pagsusuri ng mga datos mula sa National Economic Development Authority (NEDA),  isa ang Japan, ang nagpondo rin ng CLLEX, sa mga nangungunang bansang nagpapautang sa Pilipinas upang makapagpatayo ng mga imprastraktura nitong nakaraang 10 taon. Bagama’t  makikita ring tumataas ang pondo para sa mga proyekto, lumolobo naman ang porsiyento ng utang ng Pilipinas kumpara sa Gross Domestic Product nito, na umaabot sa 57.72% noong 2022 batay sa datos ng International Monetary Fund.

Nananatiling lubog sa baha ang ilang mga palayan sa may CLLEX isang araw matapos tamaan ng Super Typhoon Pepito (Man-yi) ang mga bahagi ng Luzon, kabilang na ang Tarlac at Nueva Ecija, noong Nob. 17, 2024. Romie Malonzo

Higit pa sa patong-patong na problema sa ekonomiya at kalikasan buhat ng mabilis na urbanisasyon, malaki din ang epekto ng malawakang kumbersyon ng lupang sakahan sa seguridad ng pagkain sa bansa, babala ni Mendoza.

Nananatili ang Gitnang Luzon bilang pangunahing prodyuser ng palay sa buong Pilipinas. Tinagurian ang probinsya ng Nueva Ecija bilang rice granary na may kakayahang mag-ambag ng 49% sa average taon-taon sa kabuuang produksiyon ng rehiyon netong nakalipas na dalawang dekada, ayon sa datos ng PSA.

Ipinapakita rin ng datos o trend na mayroong pagtaas sa produksiyon ng palay sa rehiyon. Ngunit paliwanag ni Mendoza, hindi nagpoprodyus nang sapat na pagkain ang bansa para sa lumalaking populasyon. Ito ang sitwasyon sa gitna ng lumiliit na bilang ng mga lupang sakahan at krisis sa klima, kung saan naiiwan ang mga magsasaka sa mas malalim na utang at magsimula uli tuwing nasasalanta ng ulan o init ang kanilang mga ani, dagdag niya.

Ngayon, ganito na ang mga araw ni Tatay Deng: gigising bago pa man sumikat ang araw, iinom ng mainit na kape, sasakay sa bisikleta’t pupunta sa pinakamalapit na palayang katapat ng kaniyang lupa. Ipa-park niya ito at maglalakad nang kaunti sa sakahan para makarating sa sarili niyang palayan, at doon ay magpupunla at alagaan ang kanyang mga pananim. Pagkatapos nito, aakyat si Tatay Deng sa CLLEX, tatawirin ang bakod at kalsada nito upang makarating sa kabilang lote ng natitira niyang sakahan.

Araw-araw niya itong ginagawa sa kabila ng kaniyang edad. Lagi siyang nangangamba kung bubuhos ba ang mga ulang sisira uli ng kanyang mga pananim. Iniisip niya rin, mas mahihirapan silang magsasakang makapunta sa mga nahating sakahan kapag humarurot na ang mga sasakyang bumabyahe sa expressway.

Dalawang araw mula nang tamaan ang bayan ng Aliaga ni Super Typhoon Pepito (Man-yi), nagsisindi si Tatay Deng ng sigarilyo pagkatapos magwisik ng pantaboy sa mga halaman upang isalba ang kanyang mga pananim mula sa mga suso. Nakahinga siya nang maluwag dahil nakapag-ani na siya noong mga huling linggo ng Oktubre pero nag-aalala siya sa mga utang na paparating sa kanilang pagbabalik-saka sa Disyembre. Raizza P. Bello

Isang linggo bago mailathala ang ulat na ito, sinuong muli ni Tatay Deng ang binaha niyang sakahan dulot ng Super Typhoon Pepito (Man-yi), ang ika-16 tropical cyclone ng Pilipinas nitong 2024. Pangatlong beses na itong nangyari sa kaniya ngayong taon, pero sa pagkakataong ito,  nakahinga si Tatay Deng dahil nakapag-ani na siya noong Oktubre, bago pa man bumagsak ang ulan. Sa kabila nito, nananatili pa rin ang kanyang pag-aalala sa mga paparating na utang, lalo na sa pagbabalik-saka sa Disyembre.

Para kay Tatay Deng, batay sa daloy ng mga baha sa kasalukuyan, maaaring may mga mas malubha pang mangyari. Aniya, ngayon ay palayan pa lamang ang binabaha, pero sa kalaunan, maaaring malunod na rin ang bayan ng Aliaga at iba pang mga baryo.

“Hindi natin [alam kung ano pa puwede mangyari]…sapagkat ang panahon nga ang nag-uutos,” diin niya. /Salin ni Dominic Gutoman


*Nabuo ang ulat na ito sa tulong ng Earth Journalism Network ng Internews bilang bahagi ng Media Action on Sustainable Infrastructure in the Philippines Project. Orihinal na nailathala sa wikang Ingles sa Bulatlat.