Tsismis?
Hindi na tayo nakalaya sa patriyarkal na pananaw. 2024 na, panahon na para labanan ang mga makalumang pananaw patungkol sa kababaihan. Panahon na rin para iwaksi ang ating misogini.

Tila mas nahuhumaling pa ang publiko sa tsismis kaysa sa mahahalagang isyu ng lipunan tulad ng pangungurakot at paggasta nang walang pakundangan sa pera ng bayan.
Ang katawan ay pag-aari ng may katawan at hindi ng publiko, ngunit kung hubaran at kaladkarin natin ang may katawan sa publiko sa ngalan ng pagpapatunay na isa siyang maruming babae ay walang patid. Akala tuloy natin, porke’t artista, pag-aari na natin ang katawan nila.
Marami akong nakitang meme na ginagawang katatawanan ang mga mensahe ng isang artistang babae sa isang artistang lalaki na may karelasyon. Isiniwalat sa publiko ng dating karelasyon ang screenshot nang walang pahintulot upang “makapag-move on” na raw siya.
Ano ang epekto nito? Labis-labis na pamamahiya sa kapwa babae at mangilan-ngilan naman sa lalaki. Kapansin-pansin ang pag-atake sa babaeng bukas sa kanyang mga nasa. Nasaan sa larawan ang lalaki? Wala. O kung may mangilan-ngilan man, ang dinudulo ay sinisisi pa rin ang babae.
Ang hiwalayan, gayon din ang mga girian ng mga magkakarelasyon ay personal na usaping sana ay ipinagpapasa-kanila na lamang natin, ngunit may fetishismo kasi tayo sa intriga lalo pa kung ito ay kakabit na isyu ng seks at pagiging seksuwal.
Nakakahiya na wala na tayong pakundangan sa pangungutya sa buhay ng iba lalo na ng mga babaeng nasasangkot eskandalo. At bakit hindi dapat sisihin ang nangaliwang lalaki gayong siya naman ang may komitment sa kanyang karelasyon?
Hindi natin pinag-aaway ang mga kasarian dito, ha? Kung mayroong kasalanan ang mga tao, marapat silang panagutin ngunit may wastong paraan ng pagpapanagot at hindi lahat ay may karapatan para magpanagot lalo na kung ito ay personal. Wala rin tayong karapatang maghasik ng pagkamuhi lalo pa’t wala namang tayong kinalaman sa usapin nila.
Nakakalungkot na malalim ang problema natin sa misogini o malalim na pagkamuhi sa kababaihan. Masaya tayo kapag nahahalal ang babae o kaya’y nagkakaron ng espasyo sa iba’t ibang larangan, ngunit may dobol istandard tayo kapag sila ay nagkakamali o nalalagay sa eskandalo.
Hindi na tayo nakalaya sa patriyarkal na pananaw. 2024 na, panahon na para labanan ang mga makalumang pananaw patungkol sa kababaihan. Panahon na rin para iwaksi ang ating misogini.
Isa pa, dala ng tumitinding krisis sa lipunan, nagiging fetishismo natin ang tsismis upang pansamantalang makalimutan ang kali-kaliwang pangangaliwa ng ating gobyerno—pagnanakaw sa kaban ng bayan, matinding kahirapan sa kabila ng mga pangako ng bagong Pilipinas, at patuloy na paglabag sa karapatang pantao.
Malaki ang pakinabang ng mga korporasyon ng midya sa tsismis—isa itong komoditi na nakasandig sa pagiging viral at pinagkakakitaan pa nga sa halip na tulungang makatawid ang mga nagkakamaling artista.
Nalululong tuloy tayo sa panandaliang kasiyahan na dulot ng pakikialam sa personal na buhay ng iba. Samantala, nakalimot na tayo sa isyu ni Alice Guo at ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o ni Sara Duterte dahil sa fetishismo natin sa tsismis.
Magugulat na lang tayo isang araw, absuwelto na ang mga taong marapat sanang tutukan natin dahil sa kanilang mga kasalanan sa bayan. ‘Ika nga, tsismis na lang na minsan ay mga politikong nangloko sa bayan.
Napakagandang panakip-butas ang pagkamuhi ng publiko sa mga nangangaliwa sa umaalagwang disgusto ng bayan sa mga kurakot. Habang abala tayo sa paghuhubad sa babaeng artista, tumatagal ang talakayan sa katauhan ni Mary Grace Piattos, nakakatakas ang mga Harry Roque, at nabibigyan ng espesyal na pabor ang mga politikong biglang nagkakasakit kapag ipinatatawag para sa hearing.
Hanggang tsismis na nga lang ba talaga ang kayang abutin ang ating kamulatan at kamalayan? Sana naman ay hindi. Tandaan nating hindi tsismis ang mga pangyayari sa ating bayan ngayon—huwag nating hayaang ituring itong tsismis at makalimutan sa tala ng ating kasaysayan.