close
Main Story

Iba’t ibang boses, iisang laban ng kababaihan at bayan


Sa papalapit na halalan, mahalagang kilalanin ang papel ng kababaihan sa paghubog ng isang lipunang makatarungan, dahil sa isang lipunan na tunay na makatarungan, walang maiiwan at walang kababaihan ang mapag-iiwanan.

Sa bawat sulok ng bansa, iba’t ibang hamon ang kinakaharap ng kababaihan. Kabilang dito ang diskriminasyon, kawalan ng ligtas na espasyo, kawalang seguridad sa trabaho, at mataas na mga bilihin sa merkado.

Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Kababaihang Anakpawis at papalapit na halalan ngayong taon, mahalagang dinggin ang kanilang mga kuwento at panawagan para sa isang makatarungang lipunan.

Kayla (hindi niya tunay na pangalan), 15, isang transwoman. Sa murang edad ay natuto siyang magtrabaho bilang bantay sa peryahan sa Quezon City. Bilang biktima ng diskriminasyon, nais niyang maranasan ang isang ligtas na espasyo kung saan malaya siyang magkapaglalaro, magtrabaho at dumaan sa kalye nang walang takot. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa edad na 15, matinding diskriminasyon na ang naranasan ni Kayla, hindi niya tunay na pangalan, bilang isang transwoman mula Antipolo City. Ramdam niya ang pagkiling laban sa kanya, kahit sa simpleng paglalaro ng volleyball o sa trabaho sa peryahan.

“Sana po mabigyan kami ng batas kasi po lagi po kaming may nakakaaway sa court,” ani Kayla. May pagkakataong bayad na sila sa court kung saan sila naglalaro ng volleyball, ngunit hindi pa rin sila pinaglalaro dito, habang ang iba ay malayang nagagamit ang espasyo.

Hindi lang ito nangyayari sa paglalaro pati rin sa pang-araw-araw niyang buhay. “Kapag dumadaan kami sa isang kalye, sasabihin ng mga kalalakihan, ‘Uy, bakla o!’”

Sa trabaho naman sa perya, hindi rin siya ligtas sa diskriminasyon. “Sasabihin po nila, ‘Hala, bakit may bakla rito? Malas sa peryahan ang mga bakla.’”

Sa bansa, higit 50 na trans at nonbinary na indibidwal ang pinatay simula 2010. Dahil nakabinbin pa rin ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill sa Kongreso, wala pa ring batas na nagpoprotekta sa mga lesbian, gay, bisexual, trans, queer at higit pa (LGBTQ+) laban sa diskriminasyon.

Patuloy na bitbit ng Gabriela Women’s Party ang pagpapalakas ng mga batas para sa nararapat na proteksyon at serbisyo sa mga biktima ng abuso at diskriminasyon.

Para kay Kayla, nais niyang makamtan ang isang ligtas na espasyo kung saan malaya siyang maglaro, magtrabaho, at dumaan sa kalsada nang walang takot.

Rain Moliana, 19, estudyante at part-time worker sa isang pizzeria. Nababahala siya sa dumadaming bilang ng kabataang maagang nabubuntis at nais niya ito mabigyang atensiyon ngayong darating na halalan. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa edad na 19, kinakaya ni Rain Moliana ang pagiging estudyante habang nagtatrabaho bilang part-time crew sa isang pizzeria.

“Okay naman po ang suweldo kung walang masyadong binibili,” aniya. Malaking bahagi ng kanyang sahod ang napupunta sa pangangailangan ng pamilya. 

Apat silang magkakapatid, dalawa sa high school, isa sa elementarya at ang panganay ay nagtatrabaho na. Pinalitan niya ang kanyang ina sa trabaho upang matulungan sa gastusin sa bahay.

“Pandagdag baon na rin po,” wika niya. Kumikita lang siya ng P300 hanggang P350 kada araw, depende sa quota.

Ginagamit niya ito bilang pandagdag sa baon at panggastos sa kanyang pangangailangan sa eskuwela. Kapag wala siyang kita o naubos na ang ipon, humihingi siya ng tulong sa ina.

Ngayong eleksiyon, nais niyang bigyang-pansin ang mga programang sumusuporta sa kababaihan, lalo na sa pagtugon sa maagang pagbubuntis.

“Marami na pong bata ngayon na nabubuntis, ‘yong iba mga kakilala ko rin,” aniya.

Sa kabila nito, tinutulan ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act, isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng mas malawak na akses sa edukasyon sa seksuwalidad at serbisyong pangkalusugan para sa mga kabataan.

Sa kabilang banda, nananatiling mababa ang sahod kahit patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin.

Ayon sa independent think tank na Ibon Foundation, malayo sa P1,205 na living wage para sa isang pamilyang may limang miyembro ang kasalukuyang P645 ang minimum wage sa National Capital Region.

Bahagi ng isinusulong ng Gabriela Women’s Party ang P1,200 national minimum wage, sapat na serbisyong panlipunan at batayang pangangailangan ng kababaihan.

Para kay Rain, ang isang maaliwalas na bukas ay isang lipunang may higit na serbisyo at programa para sa kababaihan.

Joana May Flores, 26, lesbiyanang motorcycle taxi rider. Anim na taon na naging linen staff sa isang ospital sa Metro Manila pero mas pinili niya maging rider dahil sa mas mataas ang kita. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa edad na 26, mahigit isang taon nang motorcycle taxi driver si Joana May Flores. Bilang lesbiyanang rider, alam niya ang hirap ng pagtatrabaho sa lansangan mula sa mahabang biyahe hanggang sa pisikal na pagod.

Dati siyang linen staff sa loob ng anim na taon bago lumipat sa pagiging rider dahil sa mas mataas na kita at para mas hawak niya ang kanyang oras.

Para kay Joana, mahalaga ang mas maraming libreng serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan. “Free PCOS (polycyst ovarian syndrome) and breast cancer check-up lalo na at dumadami ang cases ng nagkakaroon ng PCOS at hindi nila alam kasi ‘di nakakapagpa-check-up,” aniya.

Hinihiling din niya ang menstrual leave. “Kahit additional lang, minsan grabe ‘yong epekto ng pagkakaroon ng [menstruation] at ‘di naman isang araw [nagkakaregla].”

Naniniwala rin siyang dapat may livelihood assistance para sa solong ina. “Sana may advanced program para makasabay sila sa evolving na business and technology,” sabi niya.

Ayon sa isang pag-aaral ni Rowena Laguilles-Timog ng University of the Philippines Department of Women and Development Studies, mas malaki ang pagkakataon ng mga kababaihan na makaranas ng mapanganib na trabaho, mababang sahod, at kakulangan sa benepisyo kumpara sa kalalakihan.

Noong 2023, inihain ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang House Bill 7758 na naglalayong magbigay ng dalawang araw na bayad na menstrual leave sa mga kababaihang empleyado.

Sa kasalukuyan, patuloy na isinusulong ng Gabriela Women’s Party ang mas matibay na proteksiyon at benepisyo para sa kababaihan sa trabaho, kabilang ang dagdag-benepisyo para sa mga solo parent.

Para kay Joana, ang mapayapang biyahe ay ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad at suporta para sa lahat ng kababaihan.

Liza Baleriano, 33, tindera ng fishball sa Quezon City. Itinataguyod nilang mag-asawa sa pagtitinda ng fishball ang gastuhin sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Sa edad na 33, isang dekada nang nagtitinda ng fishball sa Libis, Quezon City si Liza Baleriano upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. May dalawa siyang anak, isang nasa kinder at isa sa ikalimang baitang.

“Kinakaya naman, kaso umuupa rin kami ng bahay, tapos tubig at kuryente pa,” ani Liza. “Pero kahit papaano, nakakain naman tatlong beses sa isang araw. Sipag lang talaga.”

Dati siyang ahente ng frozen products, habang ang kanyang asawa ay kolektor sa isang kompanya. Ngunit hindi sapat ang kita para sa gastusin kaya pinasok nila ang pagtitinda.

“Hindi sapat ‘yong kinikita namin tapos nagbabayad pa kami ng bahay, tubig at ilaw. Alam mo ‘yong para lang sa pangangailangan mo talaga, pero wala sa gusto mo rin mabili.”

Bilang isang ina, hiling din ni Liza ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng kababaihan.

“Siguro dagdag edukasyon sa mga kabataan sa maagang pagbubuntis, tsaka family planning,” aniya.

Ayon sa Ibon Foundation, patuloy na lumalala ang pagtaas ng bilihin kung saan pumalo sa P52 hanggang P61 ang presyo ng bigas kada kilo habang umabot sa P213 hanggang P400 ang presyo ng kamatis noong 2024.

Bukod pa rito, patuloy rin ang taas-singil sa kuryente at tubig na may panibagong pagtaas ngayong 2025. Dulot ito ng value-added tax (VAT) at excise tax sa mga bilihin na madalas pinapasan ng mga mahihirap.

Kasama sa bitbit ng Gabriela Women’s Party ang panawagan na tanggalin ang VAT at excise tax sa mga bilihin, tiyakin ang kasiguraduhan sa trabaho, at maglaan ng sapat na pondo para sa serbisyong panlipunan.

Para kay Liza, higit pa sa sipag, hiling niya ang isang kinabukasan kung saan may sapat na kita, abot-kayang bilihin at maayos na serbisyong panlipunan para sa mga kababaihan.

Lea Datucali, 43, nagtitinda ng medyas at hikaw sa Quezon City. Mula Zambales, nagtungo siya sa Kamaynilaan upang maghanap ng mas maayos na kabuhayan. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Sa edad na 43, muling nagsimula si Lea Datucali sa lungsod bilang tindera ng medyas at hikaw, galing ng Subic, Zambales upang subukan ang mas maunlad na buhay sa lungsod.

“Napag-isipan ko na magtinda dahil nandito ang mga pinsan ko,” ani Lea. “Sinubukan ko kung maganda ba ang pamumuhay [dito] kasi nagbago na sa Subic.”

Ayon sa kanya, humina ang kita sa kanilang bayan dahil sa pagtatayo ng malalaking mall. “Kaya kaming simpleng nagtitinda sa palengke, humina na.”

Ngunit hindi rin naging madali ang pagtitinda sa kalsada. “Kahit na hinuhuli kami tuwing umaga at hapon, kahit papaano, nakakabenta pa rin kami,” sabi ni Lea.

Higit sa pagtugon sa kawalan ng seguridad sa trabaho, may isa pang hiling si Lea.

“‘Yong hindi tayo aabusuhin ng mga asawa natin. Kasi ngayon, iba na ang takbo ng isip ng mga kalalakihan kaya ‘di natin masasabi paano magiging takbo ng buhay natin sa magiging partner natin. Kaya proteksiyon sa mga kababaihan.”

Ayon sa Ibon Foundation, 20.3 milyon o 41% ng mga manggagawa sa bansa ay kabilang sa impormal na sektor kung saan kalakhan ay kailangang umasa sa sarili nilang diskarte dahil sa kakulangan ng pormal na oportunidad sa trabaho.

Sa kabilang banda, lumobo ng 17% ang kaso ng violence against women (VAW) na naitala ng Philippine National Police (PNP), mula 11,307 noong 2022 hanggang 13,213 nitong 2023.

Bitbit ng Gabriela Women’s Party ang panawagan para sa mas matibay na proteksiyon sa kababaihan at manggagawa.

Kabilang dito ang pagpapalakas ng Anti-VAWC Law, Divorce Bill, dagdag na benepisyo sa mga manggagawa at pagsusulong sa pambansang industriyalisasyon na magtitiyak ng kabuhayan ng bawat Pilipino.

Para kay Lea, ang pangarap niya ng panibagong simula ay nakaangkla sa seguridad sa trabaho, sa buhay, at sa dignidad bilang kababaihan.


Ang mga kuwento nina Kayla, Rain, Joana, Liza at Lea ay sumasalamin sa araw-araw na realidad ng maraming kababaihan sa bansa.

Bitbit nila ang mga panawagan na hindi lang personal kundi tumatagos sa mas malawak na laban para sa pantay na karapatan para sa mga kababaihan at LGBTQ+. 

Sa papalapit na halalan, mahalagang kilalanin ang papel ng kababaihan sa paghubog ng isang lipunang makatarungan, dahil sa isang lipunan na tunay na makatarungan, walang maiiwan at walang kababaihan ang mapag-iiwanan.