close
Balik-Tanaw

Paglaban sa base militar ng US, nagpapatuloy 


Pinirmahan noong Mar. 14, 1947 ni dating Pangulong Manuel Roxas at Paul V. McNutt, dating US High Commissioner sa Pilipinas ang Military Bases Agreement.

Halos walong dekada ang nakararaan, taong 1947, ilang taon matapos magiting na ipaglaban ng mamamayan ang pambansang kalayaan mula sa kalupitan ng mga Hapones, walang pag-iimbot na isinuko muli ito ng mga reaksiyonaryo’t papet sa kamay ng United States (US).

Pinirmahan noong Mar. 14, 1947 ni dating Pangulong Manuel Roxas at Paul V. McNutt, dating US High Commissioner sa Pilipinas ang Military Bases Agreement. Isa ito sa serye ng mga hindi pantay na kasunduang pinasok ni Roxas kasama ang US matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pinahintulutan ng kasunduan ang pananatili ng mga base militar ng US sa 13 lokasyon at pagbubukas sa pitong karagdagang base sa mga estratehikong lugar sa Pilipinas sa loob ng 99 taon.

Sinasaklaw din ng Military Bases Agreement ang pagbibigay karapatan sa US na paramihin, ilipat o palitan ang mga baseng kanilang ginagamit.

Sa pagdedeklara ng huwad kalayaan ng Pilipinas noong Hul. 4, 1946, pinapasinayaan ding magkaroon ng absolutong kontrol, kapangyarihan, hurisdiksyon ang US sa mga base militar na saklaw ng kasunduan.

Bahagi rin nito ang hindi paniningil ng anumang buwis sa US at ang kawalan ng hurisdiksyon ng Pilipinas sa mga krimen sa loob ng mga base militar.

Sa esensiya, ang presensiya ng mga base militar ng US sa bansa ay katumbas ng pagkakaroon nila ng teritoryo sa ating kalupaan. Malayo sa pangako ng kalayaan, ang presensiya ng mga base militar ay kongkretong patunay ng pananatiling kolonya ng Pilipinas.

Noong Set. 16, 1991, makasaysayang itinulak ng taumbayan ang pagbabasura sa kasunduan at epektibong pagsasara ng mga base militar ng US—isang malaking hakbang pasulong para sa mamamayang uhaw sa ganap na kalayaan!

Ngunit, sadyang taksil sa interes ng mamamayan ang mga nagdaang papet na rehimen.

Noong 2014, muling pinahintulutan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pagkakaroon ng mga base militar ng US sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Ngayon, ipinagpapatuloy at pinalalawig pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga base ng mga Amerikano sa bansa.

Kailanman, hindi naging kaibigan ang US ng sambayanang Pilipino. Tuloy-tuloy ang paglaban para palayasin ang tropang Amerikano sa bansa at ipagtanggol ang ating soberanya.