Red-tagging, sumasahol ngayong eleksiyon
Sunod-sunod ang mga atake at paninira ng mga elemento ng estado sa mga progresibong kandidatong senador at partylist. Naglabas naman ng resolusyon ang Commission on Elections hinggil sa red-tagging.

Kasabay ng pagbubukas ng kampanya sa eleksiyon, pinangunahan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), isang ahensiya ng gobyerno, ang red-tagging sa mga progresibong kandidatong senador at partylist.
Sa isang bidyo na inilabas ng NTF-Elcac sa kanilang Facebook page noong Peb. 6, tinawag nitong “NPA recruiter” si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel. Naglabas din ang ahensiya ng parehong patutsada kina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at sa iba pang kandidato ng Makabayan Coalition.
Kinundena ng Kabataan Partylist ang ginawang red-tagging ng NTF-Elcac. Tinawag din nilang homophobic ang ahensiya dahil sa patuloy na paninira nito kay Manuel.
Ayon sa Kabataan Partylist, ginagawa ito ng ahensiya para takutin na mangampanya o i-withdraw ang suporta sa partylist.
Nanawagan rin sila na kagyat nang ilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang anti-red-tagging guidelines upang labanan ang laganap na anyo ng pandaraya sa halalan na pangunahing ginagamit ang pondo ng estado.
Red-tagging sa mga progresibo
Ang Tingog sa Katawhan, isang Facebook page na kilala sa red-tagging at pag-atake sa mga progresibong grupo at indibidwal, ay kamakailan lang pinuntirya sina Jose Paolo Echavez at Hayme Alegre, mga nominado ng Kabataan Partylist at inaakusahang may kaugnayan sa komunismo.
Nagkalat naman sa Iloilo City ang mga poster na tinatarget ang mga grupo sa ilalim ng Makabayan, pangunahin na dito ang Bayan Muna Partylist.
Sa ulat ng Panay Today, may mga poster na may nakasulat na “Bayad Muna” ang tinanggal sa kamakailang sa Operation Baklas na pinangunahan ng Comelec sa lungsod.
Nitong Peb. 25, sa harap ng Makabayan Headquarters Camarines Sur, natagpuan ang mga polyetong na sinisiraan ang mga kandidatong sina Teddy Casino ng Bagong Alyansang Makabayan at Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno.
Sa mismong araw at pagkilos sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power, may mga lantarang nagpapamahagi ng mga polyetong na nire-red-tag ang mga partylist ng Makabayan.
“Alam [din] naman natin na ito rin ay pakana ng NTF-Elcac. Hindi lang sa isang bahagi ng bansa, coordinated, same layout,” ani Manuel. Si Manuel rin ang kasalukuyang co-chairperson ng Makabayan Coalition.
Aksiyon ng Comelec
Nitong Peb. 19, naglabas ang Comelec ng Resolution No. 11116 na nagdedeklara sa red-tagging bilang isang election offense.
Sa ilalim nito, ang pagbansag o pagtawag sa isang indibidwal o grupo bilang terorista o kriminal nang walang sapat na ebidensiya ay itinuturing na paglabag sa batas at may kaakibat na parusa ng pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon at perpetual disqualification mula sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Comelec, ang hakbang na ito ay naglalayong protektahan ang mga kandidato at partido mula sa political harassment at diskriminasyon sa panahon ng halalan.
Bunga ang inilabas na resolusyon ng pakikipagdiyalogo ng mga progresibong kandidato sa Comelec. Nakabatay din ang patakaran sa deklarasyon ng Korte Suprema na banta sa buhay, seguridad at kaligtasan ang red-tagging o pag-uugnay sa isang indibidwal o grupo sa mga komunista at rebeldeng grupo.