close

Paalam sa Smartmatic: Miru Systems sa Halalan 2025


Pinalitan na ng Commission on Elections ang Smartmatic bilang election provider ng bansa. Ngunit sangkot sa mga iregularidad sa mga halalan ang bagong contractor na kinuha.

Matapos ang limang pambansang halalan sa ilalim ng Smartmatic Corporation bilang electoral provider ng Pilipinas, papalitan ito ng Miru Systems, isang South Korean technology company na hahawak sa nalalapit na halalan sa 2025. 

Nakuha ng kompanya ang kontratang nagkakahalaga ng P17.9 bilyon para sa pagsusuplay ng 110,000 automated counting machines, pag-aayos ng canvassing system, paghahanda ng mga balota at marami pang ibang kagamitan para sa halalan. Wala silang naging kakompitensiya sa bidding. 

Sa kasalukuyan, kuwestiyonable pa rin para sa iba’t ibang grupo at opisyal ang desisyon ng Commision on Elections (Comelec) sa pagpapalit ng electoral provider ng bansa, partikular ang pagkakasangkot ng kompanya sa anomalya sa halalan ng iba pang bansa tulad ng sa Democratic Republic of Congo at Iraq noong 2018.

“Sa nakaraang mga taon, marami nang mga NGO (non-government organization) at eksperto ang umayaw sa Miru dahil sa malubhang mga pagkukulang sa transparency at seguridad sa halalan,” sabi pa noong Pebrero ni Maded Batara III, tagapagsalita ng Kontra Daya, grupo na nagsusulong ng malinis at demokratikong halalan.

Mahigit isang dekada mula nang gumamit ng awtomatiko at elektronikong paraan ng pagboto ang Pilipinas tuwing eleksiyon.

Sa unang salang nito noong 2010, nang maluklok bilang pangulo si Benigno Aquino III, ang multinasyonal na kompanyang Smartmatic ang nanalo sa bidding at nakapagbigay ng hardware at software para sa elektronikong pagboto. 

Sa bagong porma ng pagboto, inasahang mas magiging malinis at mabilis na eleksiyon mula sa mano-manong pagbilang at ilang linggong paghihintay para sa resulta.

Pero ayon sa People’s International Observers’ Mission (PIOM) noong 2010, na binubuo ng 86 foreign observer ng halalan ng 2010 kaagapay ang People’s Movement for Change, hindi napigilan ng bagong sistema ang mga karaniwang problema tulad ng pagbili ng boto, pananakot sa mga botante, panliligalig sa mga kandidato, pangangampanya laban sa mga militanteng grupo, at presensiya ng militar at armadong goons sa mga presinto.

Precinct count optical scan (PCOS) machine o vote counting machine (VCM) mula sa Smartmatic na ginamit sa halalan mula 2010. Smartmatic

Sa nagdaang mga eleksiyon, partikular noong 2022, may naitala rin umanong mga anomalya sa paghawak ng Comelec at Smartmatic sa proseso, tulad ng kuwestiyonableng bilis na pagdagsa ng bilang ng mga boto na hindi nakaligtas sa hanay na nagsusulong ng malinis na halalan. 

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa Comelec noong Nobyembre 2022 ang grupong TNTrio nina dating Comelec Commissioner Augusto Lagman, dating Department of Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio Jr., at Franklin Ysaac, dating pangulo ng Financial Executives Institute of the Philippines.

Hangad ng petisyon na ipagbawal sa mga kompanya ng telekomunikasyon ang pagtanggal ng mga tala sa paghahatid ng halalan. Ayon sa grupo, kahina-hinala kung paano umano natanggap ng transparency server ng Comelec ang election returns mula sa mga provincial vote counting machine bago pa man na-print o na-transmit ng internet service provider ang election returns.

Matapos ang mga anomalya sa mga nakaraang eleksiyon, idiniskuwalipika ng Comelec noong Nobyembre ang Smartmatic dahil sa pagkakasangkot nito sa bribery case laban kay dating Comelec Chairperson Andres Bautista.

Matapos ang anomalyang kinasangkutan ng dating electoral provider, nagbukas ng oportunidad ang Comelec para sa ibang kompanya.

Disyembre 2023, nagkaroon ng bidding para sa susunod na supplier ng electoral machines sa maximum budget na P18.8 billion. Inaasahan ang suplay ng 110,000 automated counting machines, ballot boxes, system laptops, at printers sa mananalong kompanya.

Nanalo sa bidding nitong Pebrero 2024 ang nag-iisang bidder na Miru Systems kasama ang mga partner nitong lokal na kompanya na Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies Incorporated sa nagkakahalaga ng P17.9 bilyon na service contract. 

Ayon sa Kontra Daya, ang mabilis na desisyon ng pagpapalit ay nagpapakita na ang Comelec ay “kaduda-duda at may malisya.”

“Katulad ng Smartmatic, malinaw na hindi dapat ipagkatiwala ang halalan sa Pilipinas sa Miru Systems na sangkot sa korupsiyon at katiwalian sa halalan sa iba’t ibang bansa,” sabi ng grupo.

Ilan sa nasabing kinasangkutan ng Miru Systems ay ang anomalya sa halalan sa Democratic Republic of Congo, Kyrgyzstan, at Iraq na kilala bilang mga bulnerable at naghihirap na bansa. Nasangkot din ang kompanya sa mga iskandalo ng katiwalian sa sariling nito bansa. 

Sa ulat ng The Sentry, grupo ng mga election watchdog na nakabase sa Washington, kabilang sa mga alegasyon na binabato sa Miru Systems ay ang pagbebenta ng repacked equipment na para sana sa Argentina. Bukod dito, naniniwala rin ang grupo na madaling ma-hack ang mga machine nito.

Kabilang din sa tinitignan ang lokal na kompanyang kasosyo nito sa paghawak ng 2025 midterm poll na St. Timothy Construction Corporation. 

Kinuwestiyon ito ni Sen. Risa Hontiveros dahil sa koneksiyon ng construction company sa matagal nang blacklisted na mga kompanya sa Department of Public Works and Highways na St. Gerrard Construction, General Contractor & Development Corporation.

Nakapagtataka din ang pangangailangan ng isang construction company para sa halalan ayon sa isang grupo ng mga digital literacy advocate na Digital Pinoys.

Si Ronald Gustilo, national campaigner ng Digital Pinoys. Digital Pinoys/Facebook

“Ano ang papel ng St. Timothy Construction Corporation dahil wala naman silang track record pagdating sa pagpapatakbo ng eleksiyon. Walang hollow blocks na kailangan sa voting machine. Bakit may construction firm?” ani Ronald Gustilo, national campaigner ng Digital Pinoys.

Dagdag niya, dapat naaayon sa itinakda ng batas ang pagpapalit ng Comelec ng supplier at pagpasok ng bagong kontrata. Ngunit dahil sa anomalya “dapat silang pagbawalan” hanggang walang hatol na mula sa korte.

Patuloy ang Kontra Daya at iba pang mga election watchdog sa paniningil sa Comelec ng malinaw na paliwanag sa pag-apruba nito sa bid ng Miru Systems. Susubaybayan daw ng mga grupo ang buong proseso ng pagsasaayos ng awtomatikong sistema ng halalan at posibleng pagmumulan ng pandaraya.

Sa mga boboto, nagpaalala ang election watchdogs na maging “kritikal” sa nalalapit na 2025 midterm elections. Anila, mahalagang bantayan ng publiko ang galaw ng iba’t ibang tatakbo sa halalan, partikular na ang mga dinastiyang politikal.

Sinegundahan ito ni Gustilo, “Hindi natin dapat payagan na ang ating karapatan para bumoto ay madungisan ng pandaraya.”