close

Sapin-sapin para sa patong-patong na krisis


Kahit pangunahing sangkap ng sapin-sapin ay malagkit na giniling bigas at mahaba naman ang proseso sa paggawa nito, matitiyak naman makukuha ang tamis na hinahanap ng mga labi.

Nakatapos na ang Araw ng mga Puso. Tapos na din ba ang paghahanap ng matamis? Relasyon man yan o pagkain, kung bitin pa kayo sa katamisan ay magluto na lang tayo na isang sikat na kakanin. Ang sapin-sapin!

Hango ito sa salitang “mga sapin o patong.” Ito’y magkakapatong na kakanin na makulay at iba’t iba ang lasa tulad ng ube at langka. Isipin na lang na ganito ang naging karanasan natin dahil makulay man ang buhay ngunit patong-patong na pasakit naman ang natatamasa ng mamamayan.

Narito ang tuluyan pagtaas ng pamasahe sa LRT-1 na magsisimula sa Abril. Siguradong ang mga manggagawa, estudyante at komyuter na naman ang  magpapasan sa bigat ng krisis. Hindi naman nasasapat ang kasalukuyang minimum wage upang tustusan ang pang-araw-araw na gastusin, lalo pa sa harap ng pagtaas ng pamasahe.

Hindi lang pagtaas ng  pamasahe ang nakapatong sa mga balikat ng mamamayan. Pati ang patong-patong na dahilan para malinlang ang mamamayan gamit ang kung ano-anong programa sa bigas, kabilang ang maximum suggested retail price, pagtanggal ng label ng imported rice, pagbaha ng imported rice sa lokal na merkado, pati ang pagdeklara ng food security emergency sa bigas. Nag-uugat ito sa Rice Liberalization Law na ‘di mapigilan ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Nasaan na nga ba ang pangakong P20 kada kilo ng bigas? Aasa na nga lang ba tayo sa mga pangako na napapako, sa mga tamis na salita na pait naman ang dinudulot.

Kahit pangunahing sangkap ng sapin-sapin ay malagkit na giniling bigas at mahaba naman ang proseso sa paggawa nito, matitiyak naman makukuha ang tamis na hinahanap ng mga labi. Kaya’t simulan na natin!

  • 2 tasang glutinous rice flour
  • 4 tasang gata ng niyog
  • 1 tasang asukal na puti
  • ½ na lata ng condensed milk
  • ½ tasang hinog na langka, hiniwa
  • ¾ tasang nadurog na ube
  • ½ kutsaritang vanilla extract
  • ¼ kutsaritang ube extract
  • 1 kutsarang mantika o langis ng niyog
  • Violet at yellow food coloring
  • ¼ tasang latik 
  1. Sa isang malaking mixing bowl, pagsamahin ang glutinous rice flour at asukal. Haluing mabuti.
  2. Ihalo ang condensed milk, gata ng niyog at vanilla extract. Haluin hanggang sa maging smooth ang texture.
  3. Hatiin ang pinaghalong sangkap sa tatlong bahagi:
    1. Sa unang bahagi, idagdag ang dinurog na ube, ube extract at violet na pangkulay. Haluing mabuti at itabi.
    2. Sa pangalawang bahagi, iproseso ang langka sa food processor. Idagdag ito kasama ang dilaw na pangkulay. Haluing mabuti at itabi.
    3. Iwanang walang halo ang pangatlong bahagi.
  4. Ihanda ang steamer sa ibabaw ng kalan at lagyan ng nasa 1 litrong tubig at pakuluin.
  5. Pahiran ng mantika o langis ng niyog ang isang bilog na baking pan.
  6. Ibuhos ang unang bahagi (kulay violet) sa baking pan. Tiyaking pantay ang pagkakalagay. Takpan ng cheesecloth at i-steam sa loob ng 12 hangang 16 minuto.
  7. Alisin ang baking pan mula sa steamer, pagkatapos ay ibuhos ang puting bahagi sa ibabaw ng naunang patong. Gamitin ang spatula upang pantayin ito. Pigain ang cheesecloth upang maalis ang labis na tubig, pagkatapos ay ibalik ito sa ibabaw ng baking pan. I-steam muli sa loob ng 12 hanggang 16 minuto.
  8. Alisin muli ang baking pan, pagkatapos ay ibuhos ang panghuling bahagi (kulay dilaw). Pantayin gamit ang spatula, alisin muli ang labis na tubig sa cheesecloth, at ibalik ito sa ibabaw ng baking pan. I-steam sa loob ng 15 hanggang 20 minuto. Kung medyo basa pa ang sapin-sapin, dagdagan ng 5 minuto ang pag-steam.
  9. Ihanda ang isang malinis na dahon ng saging sa isang malaking plato. Pahiran ito ng langis ng niyog o mantika.
  10. Gamit ang spatula na may pahid na mantika, dahan-dahang paghiwalayin ang gilid ng sapin-sapin sa baking pan upang hindi dumikit. Baliktarin ang baking pan sa ibabaw ng dahon ng saging at hayaang mahulog nang dahan-dahan ang sapin-sapin.
  11. Pahiran ng langis ang ibabaw ng sapin-sapin. Budburan ng latik.
  12. Ihain bilang panghimagas o meryenda.

Ang sapin-sapin ay isang masarap at nakakabusog na meryenda o panghimagas matapos kumain. Hiwain ito nang patatsulok o parisukat at ipares sa kape, tsaa, tsokolate o malamig na sago’t gulaman para sa mas nakaka enganyo na lasa!