Boykot!
Lampas dalawang taon na at libo-libo ang pinaslang na Palestino sa Gaza, kabilang na ang mga bata, mamamahayag at guro. Bukod pa ito sa walang habas na pagkakait ng Israel sa pagpasok ng pagkain at ayuda sa Gaza.

Guest of honor ang Pilipinas sa 2025 na Frankfurter Buchmesse o Frankfurt Book Fair (FBM). Dito ipakikilala ang mga natatanging akdang Pilipino na isinalin sa Aleman at ang mga premyadong awtor at palimbagang lalahok ngayong taon.
Hindi kataka-taka ang sigasig ng Pilipinas sa paglahok dito. Inanunsiyo ng National Book Development Board (NBDB) ang mga kalahok na awtor at palimbagan. Sari-sari, mula sa Kamaynilaan, hanggang sa mga rehiyon ang mga kalahok.
Bilang panauhing pandangal, aangkinin ng Pilipinas—sa ilalim ng Bagong Pilipinas na islogan ni Marcos Jr.—ang entablado upang itampok ang malawak na bilang ng mga akdang Pilipinong may salin sa Aleman, at siyempre ang programang pangkultural na “Oculus.”
Kung tutuusin, isa itong karangalan sa bansa lalo pa’t lalawak ang abot ng panitikan ng Pilipinas. Sino ba namang hindi susunggaban ang pagkakataong ganito na makilala ang ating mga akda at ating mga manunulat? Magandang oportunidad sana ito kung hindi duguan ang kamay ng FBM na complicit o nakikipagsapakatan sa estadong Aleman at mga kasama pa nitong korporasyong sumusuporta sa genocide sa Palestine.
Ayon sa Publishers for Palestine, nag-aambag ang FBM sa pagbura sa lehitimong pakikibaka ng mga Palestino at sa normalisasyon, pagtatakip at pagtanggi sa pananakop ng Israel at pag-atake sa mga Palestino, lumahok pa ito sa pampublikong diskurso sa pagsuporta sa genocide ng Israel.
Ipinahayag pa nga ng direktor ng FBM na si Juergen Boos na sila’y nakikiisa sa panig ng Israel. Kitang-kita naman noong 2023 ang lantarang pagbubura sa mga Palestino sa FBM sa pagkansela ng Frankfurt sa pagkilala sa Palestinong awtor na si Adania Shibli para sa edisyon ng kanyang librong “A Minor Detail.”
Lampas dalawang taon na at libo-libo ang pinaslang na Palestino sa Gaza, kabilang na ang mga bata, mamamahayag at guro. Bukod pa ito sa walang habas na pagkakait ng Israel sa pagpasok ng pagkain at ayuda sa Gaza.
Ang pakikipagsabwatan ng FBM sa genocide at ang walang patumanggang pagsuporta sa Israel at sa pag-atake sa mga Palestino ay sapat nang dahilan upang kondenahin at iboykot ang paglahok sa nasabing book fair.
Kamakailan nga lang ay naglunsad ng mga talakayan ang Publishers for Palestine at mga grupo ng small at indie press sa Pilipinas upang ilatag ang mga batayan upang iboykot ang FBM.
At ano nga ba ang naging tugon ng gobyerno ng Pilipinas dito at maging ang mainstream at mga university press na kalahok sa FBM? Dahil sa katangian ng industriya ng libro sa Pilipinas na nakatuon sa import at nakasalalay sa export, tahimik ang marami sa mga palimbagan at manunulat na lalahok sa FBM.
Sa kabilang banda, nasa posisyon sana ang estado upang patampukin ang mga panawagan ng mga nananawagan sa boykot, ‘yan ay kung may sapat silang puso at malasakit sila upang makiisa sa mga nabiktima ng karahasan at genocide ng Israel.
Kuwestiyon din ito sa pananaw ng mga manunulat at mga manlilika—hiwalay nga ba ang ating sining sa nangyayaring karahasan, pananamantala, pang-aapi at pamamaslang? Maaari bang maging mulat ang iyong akda ngunit tahimik at nagbulagbulagan sa genocide at pagsasabwatan ng mga bansang imperyalista tulad ng United States at Germany upang suportahan ang panggigiyera ng Israel?
Ang sabi ni Propesor Ramon Guillermo sa kanyang Facebook post, “In these years of AI-aided post-industrial scale mass murder, we will remember what we did and we will also be asked to account for what we did. Remember that our decisions aren’t just going to be footnotes in our ‘literary careers.’”
Palagi, hanggang saan ang hanggahan ng ating sining? Maaari nga bang ihiwalay ang ating sining sa ating pagpapakatao? Para saan? Para kanino?