Sunod-sunod na red-tagging ilang araw bago eleksiyon, iniulat
Ilang araw bago ang halalan, patuloy na naglipana sa iba’t ibang lugar ang malawakang red-tagging laban sa Makabayan Coalition at mga kandidatong senador at partylist nito.

Ilang araw bago ang halalan, patuloy ang malawakang red-tagging laban sa Makabayan Coalition at mga kandidatong senador at partylist nito kabilang ang Bayan Muna Partylist, Gabriela Women’s Party, ACT Teachers Partylist at Kabataan Partylist.
Nitong Mayo 8 ng hapon, sa harapan ng Far Eastern University sa Maynila, namataan ang mga karatulang naglalaman ng mga mapanirang pahayag laban sa sa mga kandidato ng Makabayan Coalition.
Sa isang video na kuha ng isang residente sa lugar, makikita ang mga tarpaulin na nakasabit sa traffic island ng Nicanor Reyes Street (dating Morayta Street) na may mga larawan ng mga tumatakbong senador at mga logo ng mga partylist ng koalisyon na may mensaheng salitang nag-uugnay sa kanila sa armadong kilusan.


Kasabay nito, kinumpirma rin sa isang pahayag ng unang nominado ng Kabataan Partylist na si Renee Co ang limang kumpirmadong lugar na naitala na may banta ng red-tagging.
Kasama dito ang Albay, Bulacan, Tarlac, Quezon Avenue at Boy Scout Circle sa Quezon City kung saan ginanap ang miting de avance ng Makabayan nitong Mayo 9.
Sa mga inilabas na retarto, makikita ang isang kabaong na walang laman at isang karatulang naninira sa mga progresibong partylist.
Ayon sa pahayag ng Kabataan Partylist Tarlac, tanging ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) lang ang may kakayahang gumawa ng ganitong klaseng red-tagging kasama ang iba pang makinarya ng estado para pabagsakin ang mga aktibista at organisador na ipinaglalaban ang mga interes at karapatan ng mamamayan.
Dagdag pa nito, ang nakikita rin nilang dahilan sa lumalalang panunupil laban sa mga progresibong organisasyon at indibidwal ang lumalakas na pagkilos ng mamamayang Tarlakenyo laban sa krisis sa kagutuman at kahirapan.
Sa gitna ng lumalakas na panawagan para sa makatarungang reporma sa lupa, mas lalo ring umiigting ang pananakot ng mga puwersa ng estado sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. upang patahimikin ang mamamayan.