Tunay na representasyon ng kababaihan, nanganganib
Kinuwestiyon ng Gabriela Women’s Party ang resulta ng botohan at mga anomalya sa halalan sa partylist. Dapat anilang aksiyonan ng Commission on Elections ang mga kaso ng red-tagging at iba pang atake sa grupo ng kababaihan.

Dismayado ang mga miyembro at tagasuporta ng Gabriela Women’s Party sa resulta ng halalan ngayong 2025.
Sa partial and official count nitong Mayo 15, nasa ika-55 puwesto ang Gabriela Women’s Party. Kung kukwentahin ang mga numero, alanganing makakuha ang grupo ng puwesto sa Kamara.
“Nanganganib ang ating tunay na representasyon ng kababaihan sa kongreso,” sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.
Sunod-sunod rin ang protesta ng Gabriela Women’s Party at iba pang grupo sa may Manila Hotel sa Roxas Boulevard sa Maynila kung saan nangyayari ang national canvassing ng National Board of Canvassers ng Commission on Elections (Comelec) para kuwestiyonin ang mga aberya at anomalya sa halalan.
Nagpadala na rin ng liham ang grupo sa Comelec para imbestigahan ang mga anomalya sa eleksiyon. Kabilang dito ang pagkawala ng halos 50,000 na boto nitong madaling araw ng Mayo 13 habang kinokonsolida ang mga election return.
Kuwinestiyon din nila ang milyong-milyong overvote na naitala ng Comelec at nanawagan ng manual counting.
“Nasa 3.3 million ang naitalang overvote sa partylist pa lamang. Napalaki ng maaaring epekto nito sa bilang ng boto sa partylist na lumahok sa halalan,” ani Sarah Elago, unang nominado ng Gabriela Women’s Party.
Dagdag pa ni Elago, dapat ding aksiyonan ang lantarang red-tagging sa kanilang grupo, pati sa mga miyembro at tagasuporta nito.
“Kinakailangan nating mag-ingay, mangalampag dahil alam natin ang track record ng Gabriela Women’s Party,” ani Brosas.
Ilan sa mga naipatupad na batas ng Gabriela Women’s Party ang Anti-Violence Against Women and their Children Act, Magna Carta of Women, Expanded Maternity Leave Law, Expanded Solo Parents Welfare Act, Occupational Safety and Health Law, End Child Rape Law, Anti-Child Pornography Act at Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Law.
“Napakarami po nating inaaral hanggang ngayon na batas na makakatulong sa mga pinakamarhinado sa ating bayan, ang mga magsasaka, manggagawa, mangingisda at iba pa,” ani ni Brosas.
Handa rin ang Gabriela Women’s Party, Gabriela Alliance at iba pang grupong sumusuporta sa kababaihan na patuloy na igiit ang tunay at makabuluhang representasyon ng sektor sa Kongreso.
“Aaraw-arawin natin ang protesta at pagkondena sa malawakang dayaan,” wika ni Gabriela Alliance secretary general Clarice Palce.
“Hindi tayo papayag na mawala ang boses at tanggalin ang boses ng kababaihan,” dagdag ni Elago.