close

Pambabarat at abuso, nagtutulak sa migrante na maging TNT sa Taiwan


Napipilitang mag-TNT ang maraming migranteng manggagawa sa Taiwan dahil sa panggigipit ng mga “broker” at agency. Mas mataas ang nakukuhang sahod ng mga nagtitiis magtago, pero walang katiyakan ang trabaho.

*Ang istoryang ito ay ginawa sa pakikipagtulungan sa Pulitzer Center.

“Kapag hinayaan mong makaramdam ka ng pagka-miss, hindi ka tatagal sa ibang bansa, sa ganitong buhay,” kuwento ni Nanay Merly, hindi niya tunay na pangalan, na isang caretaker sa Taoyuan, Taiwan.

Overstaying na siya sa bansa, mula pa noong 2011. Kabilang siya sa lumalaking bilang ng migranteng manggagawa mula sa Timog Silangang Asya na naging “undocumented” o TNT (tago nang tago) sa karaniwang salita.

May inaalagaan siyang senior citizen sa siyudad. Hindi man siya lubos na nanlulumo sa pagkawalay sa kanyang mga minamahal sa Pilipinas, aniya kailangan din ng tatag para tumagal sa ganitong trabaho.

Bihira lang lumabas ng bahay si Nanay Merly, kapag kailangan lang. Hindi siya nakikipagkita gaano sa mga kaibigan, nakikihalubilo sa kapwa overseas Filipino worker (OFW) o kaya’y namamasyal sa magagandang tanawin sa isla.

Noong kinita niya ang Pinoy Weekly sa isang kalsada sa Taoyuan, iwas nga si Nanay Merly na gamitin ang salitang “undocumented” kahit pa madalang lang ang Taiwanese na nakakaintindi ng Ingles.

Kapwa Pinoy man o Taiwanese, maari siyang isumbong sa immigration para ma-deport. Mahirap na aniya, “may mga Hudas talaga. Lingon-lingon din pag lumalabas.”

Naranasan din ni Nanay Merly na ma-red-tag ng mga taga-suporta ng gobyerno sa social media dahil sa pagsali niya sa protesta ng mga OFW. Mula noon, lumayo na siya sa kapwa Pilipino para raw maligtas ang sarili at makapagtrabaho.

Di hamak na mas malaki ang sinasahod ni Nanay Merly ngayon. Bilang undocumented, wala siyang buwanang bayad sa broker, ang ahente na humahawak sa migranteng manggagawa sa Taiwan.

Dahil hindi rin sakop ang mga caretaker sa buwanang minimum wage ng Taiwan na NTD28500, kadalasang ina-areglo na bansutin ang kanilang suweldo. Bago siya tumakbo, mababa pa sa NTD20,000 ang kanyang kinikita, ngayon halos Php55,000 na. Ang kaibahan lang, kailangan niyang magkulong sa bahay, at hindi tanggapin ang anumang sebisyong sosyal.

Paparami ang mga migranteng manggagawa sa Taiwan mula sa Indonesia, Vietnam at Pilipinas na napipilitang tumakbo at mabuhay bilang undocumented. Liban sa panggigipit ng kanilang mga broker, o pagtakas sa ipinataw na utang sa recruitment agency, marami ang naghahanap ng mas mataas na sahod kahit pa magtiis sila sa pagtatago, kawalan ng tulong medikal, at kawalang katiyakan sa trabaho.

Sobrang trabaho, mababang pasweldo

Opisina ng Taiwan International Workers Association (TIWA). Michael Beltran/Pinoy Weekly

Hindi tulad ng mga manggagawang Taiwanese na regular na tumataas ang sahod habang tumatagal sa trabaho, nakapako sa mababang minimum na pasahod ang mga migrante.

Nahuhuli ang Taiwan sa dagdag sahod. Kumpara sa mga halos kaparehas niya ng GDP per capita, mababa ang minimum wage ng Taiwan ng mahigit 50%. Ibig sabihin, kahit pa halos kaparehas ng ekonomiya ng Taiwan ang Spain at South Korea, wala pa sa kalahati ang batayang sahod ng mga manggagawa nito.

Umaasa ang Taiwan sa lakas-paggawa ng mga Migrante dahil sa kanilang labor shortage. Ayon sa Ministry of Labor (MOL), bumagsak ng 100,000 ang bilang ng kabataang manggagawa sa nakaraang dekada.

Ayon sa grupong One-Forty, isa sa bawat 33 residenteng Taiwanese ay migrante. Nasa 200,000 ang bilang ng mga Pilipino sa Taiwan at panawagan din ng Manila Economic and Cultural Office na doblehin pa ito sa mga susunod na taon.

Nitong Mayo, nagpahayag ang MOL na muling paramihin ang bilang ng mga migranteng manggagawa sa mga bansa.

Paliwanag ni Gilda Banugan, isang caretaker at chairperson ng Migrante-Taiwan, kahit pa paramihin ang bilang ng migrante sa bansa, hangga’t hindi nareresolba ang patuloy na pang-aabuso ng mga broker, employer at mababang pasahod, patuloy na susugal ang marami sa buhay TNT.

Maraming hindi nakakatanggap ng minimum wage. Ang mga nakakatamasa naman nito, nagkukulang pa rin sa pantustos sa gastusin at padala.

“Madalas din iniipit sila ng employer. Panay overtime sa trabaho pero hindi sinasahuran. And then, walang day-off. Tapos, walang mga benefits, walang labor insurance. Lalo para sa caretakers na 24-oras minsan ang trabaho. Kaya mapipilitan silang mag-TNT,” paliwanag ni Banugan.

Pinuna naman ni Meriam Hsu, social worker sa Taiwan International Worker’s Association (TIWA), ang labis-labis na paninigil ng mga broker sa mga migrante.

“Kapag may kailangang gamot, may patong ang broker. Kapag may kailangang i-proseso na dokumento, gaya ng passport renewal, may P4,630 agad na singil kahit na sasamahan ka lang naman mag-renew,” ani Hsu.

Tinawag niyang “puppet master” ang mga broker dahil sa kapangyarihan nilang magtakda ng trabaho ng migrante at makipagnegosasyon sa employer kung anong sahod ang tatanggapin nila.

Ligtas sa kabundukan?

Nagkalat naman sa mga kabundukan ng Taiwan ang mga undocumented na magsasaka na namimitas ng prutas o nagtatanim ng gulay, lalo na ng peras at repolyo. Karamihan sa kanila’y mula Indonesia, Vietnam at Pilipinas na tumakbo sa mga trabaho nila bilang mangingisda sa mga barkong Taiwanese.

Pangalawa sa pinakamalaki sa buong mundo ang fishing industry ng Taiwan. Umaasa din ito sa migranteng lakas-paggawa. Pero, katulad ng mga caretaker, hindi rin obligado ang mga employer nito na magbigay ng minimum na pasahod.

“Kahit bumabagyo o may sakit ka, kailangan magtrabaho. Madalas nasa dalawang oras lang ang tulog,” kuwento ni Gary, hindi niya tunay na pangalan. Migrante siya mula sa Indonesia na tumakas sa barko noong 2013.

Bungkalan ng mga undocumented na pinoy at Indonesian. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Katulad niya, maraming dating mangingisda ang nagtungo na lamang sa mga bundok para magtanim. Relatibong mas payapa ang buhay. 

Wala gaanong pulis o opisyal ng immigration na naninita doon. May pangangailangan din para sa lakas-paggawa nila at higit doble ang kinikita nila kumpara noong nasa barko.

“Mas maluwag dito,” ani Gary kung ikukumpara sa mga siyudad kung saan mas may pangamba ng pagkahuli sa mga TNT.

Reklamo lang nila, may mga magugulang na boss sa mga taniman. 

“Tatakutin kami. Matapos ng anihan, sasabihin na hindi ibibigay ang buong suweldo at kung mag reklamo kami, tatawagin daw ang immigration. Mahirap na pumalag,” ani Gary.

Panawagan ni Banugan, dapat palakasin ang proteksiyon sa mga migrante, kapwa ligal at undocumented. Para gawin ito, dapat aniyang magkaroon ng mas malakas na boses ang mga migrante sa kani-kanilang mga bansa.

“Dapat totohanin ang patas na implementasyon ng batas para sa karapatan ng mga migrante,” giit niya. 

Kabilang dito ang regular na pagtataas ng sahod ng mga migrante at pagpapatupad ng minimum na pasahod sa mga caretaker at mangingisda.

At sa paparaming bilang ng migrante, tungkulin rin, ani Banguan, ng mga gobyerno na itaguyod ang karapatan ng kanilang mamamayan. #