close
Main Story

Pasikot-sikot sa ika-4 na reklamong impeachment

Maraming natutunan ang taumbayan sa pagkaantala sa Senado ng reklamong impeachment kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, at marami pang kailangan alalahanin para sa proseso ng hustisya na dapat sanang nagtatanggol sa interes ng taumbayan, hindi sa iisang kasamahan.

Kasunod ng pagsikat ng pangalang Mary Grace Piattos at pag-amin ng isang dating opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pamimigay ng cash gift sa utos ng dating kalihim, inihain ang unang reklamong impeachment kay Vice President Sara Duterte bago matapos ang 2024. Sinundan ito agad ng pangalawa at pangatlo pang reklamo. 

“Paglabag sa Saligang Batas, pagkakanulo sa tiwala ng bayan, reklamong katiwalian, korupsiyon at iba pang mabibigat na krimen,” ang basehan ng ika-apat na reklamo na ipinasa ng Kamara, na siyang iniikutan sana ng mga nauudlot na talakayan sa Senado nitong Hunyo.

At dahil natanggap na noong Hun. 11 ng Office of the Vice President (OVP) ang ika-apat na reklamo mula sa Kamara, “kailangan magprotesta ang mga tao, hindi lang mula Metro Manila kundi pati sa mga probinsya sa buong bansa, para himukin ang Senado na magpulong sa Hun. 21,” sabi ni Atty. Neri Colmenares, tagapangulo ng Bayan Muna at isa sa mga pumirmang complainant sa ikalawang reklamo.

Nang malaman kung saan ginasta itong tipak ng kaban ng bayan, na puwede sanang magamit sa libreng gamot, edukasyon, pagkain at iba pang serbisyong pampubliko, dagdag niya. 

“Kung inilaan sana ito sa mga Pilipino na mas higit na nangangailangan, baka sakaling maibsan ang pangangalam ng mga sikmura nila,” sabi ni JR Mutas, 39, volunteer sa isang non-governmental organization.

At kahit dating tinambol ng bise ang pagiging anak ng Mindanao, “Sa sobrang kahirapan kasi sa Mindanao talagang kailangan ng dagdag na badyet para sa basic services na matatanggap ng mga kapatid nating mga Lumad at mga Moro,” ani Amirah Lidasan ng Moro-Christian Peoples Alliance.

Maraming boses

Salungat sa alegasyon ng kampo ni Duterte na ito ay simpleng kaso ng pamomolitika ng isang panig, nanggaling ang mga reklamo mula sa iba’t ibang koalisyon.

Mula sa mga pamilya na biktima ng giyera kontra droga, mga dating mambabatas tulad nina Colmenares, Satur Ocampo, at Liza Maza, mga lider ng Simbahang Katolika—inendorso ang magkakahiwalay na reklamo ng mga mambabatas mula sa Akbayan, Koalisyong Makabayan, AAMBIS-OWA, at representante ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.

Peb. 5, 2025, pumirma bilang complainant ang 215 na miyembro ng Kamara para aprubahan ang impeachment kay Duterte; maituturing itong ika-apat na reklamo laban sa bise. Umabot pa sa 240 ang bilang ng mambabatas na suporta sa impeachment, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.

Sikmura at hustisya

Bago natapos ang Peb. 5, opisyal na tinanggap ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. ang mga papeles. Inabot ng Hunyo 9 bago nanumpa bilang presiding officer si Senate President Chiz Escudero. Kinabukasan, Hunyo 10, bumoto ang 18 sa 23 Senador na ibalik ang articles of impeachment sa Kamara—maniobra na unang beses ginawa sa kasaysayan ng Senado.

“‘Yong pag-return, batay ba ‘yon sa pag-unawa natin sa Saligang Batas, sa impeachment na isang mekanismo ng pananagutan, o batay ba siya sa political convenience?” sabi ni Prop. Paolo Tamase na senior lecturer sa University of the Philippines (UP) College of Law, sa panayam ng Good Morning, Bayan!.

Isa sa mga kapangyarihan at tungkulin ng Senado ang pagtayo bilang Impeachment Court. Kaya ganoon na lang ang pagkabahala ng ilan sa linya ni Sen. Bong Go na “nakakain ba ang hustisya?”

“Lubos kaming nababahala sa mga planong agad pigilan ang kasong impeachment hindi dahil tiyak na kaming totoo ang mga paratang pero dahil gusto naming makita ang ebidensya, marinig ang depensa ng Bise Presidente, at kasama ang kapwa Pilipino, magpasya kung may kakayahan pa siya sa serbisyong publiko,” sabi ng mga pumirmang miyembro ng UP Law Faculty sa isang pahayag.

Hinaing ng mga guro

Poot naman ang dama ng mga guro tulad ni Lorchael Grande. “Nararapat na ilaan ang confidential funds sa mga paaralan, sa mas maging conducive ang bawat classroom,” sabi ni Grande. 

“Grabe ang epekto ng paggasta sa mga pondo sa aming mga guro dahil malaki ang buwis [na] binabayad namin buwan-buwan na umaabot sa P4,000,” kuwento naman ng isang guro sa pampublikong paaralan na piniling hindi magpapangalan.

Nagsilbing ika-53 na kalihim ng DepEd si Duterte mula noong Hun. 30, 2022 hanggang Hul. 19, 2024. May pag-asenso ang kagawaran, kung pagbabatayan ang report ni Duterte noon na higit 3,500 bagong klasrum ang pinatayo noong 2023. 

Ngunit sa lumabas na pagsisiyasat ng Commission on Audit, 192 na silid-aralan lang ang natapos maipagawa sa target na 6,000. Sa repair at rehabilitasyon, 208 na silid lang ang natapos, kahit pa 7,550 ang target ng kagawaran.

Sunod-sunod namang alegasyon sa panunuhol at pangungurakot ang lumabas sa pagdinig ng Kamara noong 2024. Ayon kay Edward Fajarda, special disbursement officer noong kalihim pa si Duterte, namimigay ng cash envelope sa ilang superintendent si Duterte, bukod sa iba pang paggamit sa pondo na kinuwestiyon ng Kamara.

Halimbawa na ang pagbigay ng P37.5 milyon sa confidential funds kay Col. Dennis Nolasco, sinasabing designated security officer ng DepEd. “Sinabihan lang po ako ni VP Sara na may designated security officer,” ani Fajarda.

“Nakakalungkot na nakakagalit. Bilang isang guro, kulang na kulang ‘yong suweldo namin. Sana nilaan na lang para tumaas ang suweldo namin,” sabi ni Charity Borlongan, 41, guro ng pampublikong paaralan mula sa Caloocan City.

Hirap aniya ang mga guro na pagkasyahin ang kanilang mga suweldo. Madalas, kumukuha pa sila sa sariling bulsa para mabili lang ang mga kagamitan para sa pagtuturo gaya ng laptop.

“Tulad sa mga pulis at sundalo, provided ang mga kanilang mga equipment. Bakit sa’ming mga teacher, hindi libre ang mga laptop?” ani Borlongan.

Imahe mula sa Ibon Foundation

Pangalan para sa pera 

Mas lalong nagduda ang sambayanan nang lumitaw si Mary Grace Piattos bilang taga-lagda sa isang resibo ng pagkilala para sa P70,000 na pondo sa mga gamot na nagmula sa P125 milyong confidential funds ng OVP. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), walang lumalabas na Mary Grace Piattos sa kanilang talaan. Nakita rin nilang walang katibayan ng kapanganakan, kasal o kamatayan si Piattos.

Bukod kay Piattos, lumitaw rin ang pangalang Kokoy Villamin sa 677 pangalan na sinasabing nakatanggap ng pondo sa confidential fund.

Kaugnay nito, nanghingi na ng tulong sa PSA ang House Committee on Good Governance and Public Accountability, o mas kilala bilang Blue Ribbon Committee, noong Disyembre 2024 upang alamin kung totoong tao ba ang mga pangalang nakatanggap ng pondo.

Ayon sa pananaliksik ng PSA, lumabas na 405 sa 677 na pangalan ang walang mga katibayan ng kapanganakan kabilang na rito sina Villamin, Jay Kamote at Miggy Mango.

Ang boses ng taumbayan

Malapit sa mga tao ang usapin ng impeachment, kahit pa ipinapalabas na pawang pamomolitika lang ito laban sa mga Duterte.

Iba’t ibang mga grupo, koalisyon, at inidibiduwal ang nakiisa sa kilos-protesta para sa pag-impeach kay Duterte. Kahit araw ng trabaho, lumahok ang marami sa pagtitipon na ginanap nitong Hun. 11 sa tapat ng Senado.

Isa ang taxi driver na si Ramon Villegas, 51, sa pinagsabay ang paghahanapbuhay at ang pakikipaglaban para sa katotohanan. 

“Sakripisyo talaga ‘to kapag may pinaglalaban tayo,” seryosong sabi ni Villegas.

Bilang taxi driver, nagsimula siyang sumama sa mga protesta noong 2022 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan dahil para sa kanya, karapatan ng taumbayan ang magkaroon ng maayos na pamahalaang magpapatakbo sa bansa.

Bukod sa mga karaniwang raliyistang makikita sa mga kilos-protesta, may ilan ring unang beses pa lang sumabak sa pakikibaka. 

Isa si Rae Fuentes, 15, mula sa Caloocan City  sa isa mga unang lumahok sa ganitong protesta.  “It was a great experience,” sabi niya, lalo na para sa tulad niyang kabataan na hindi talaga naturuang maunawaan ang kahalagahan at tunay na kahulugan ng isang rally.

Protesta ng mga estudyante ng University of the Philippines Diliman at Ateneo de Manila University sa Katipunan noong Hun. 20 para kondenahin ang pagbinbin ng Senado sa impeachment trial ni Duterte. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“I saw different kinds of people, all seeking change for this country, and I found beauty in that,” kuwento ni Fuentes, “Kailangan, habang bata pa tayo, may alam na tayo sa kung ano ang tama at mali.”

Naglabas naman ng gabay ang UP College of Law para bigyang linaw at lalim ang ilang karaniwang tanong ukol sa impeachment trial. Inilabas ito sa mga wikang Filipino, Cebuano at Ilocano

Habang nakaabang ang lahat sa sunod na hakbang ng ika-19 Kongreso, at sa paparating na ika-20 Kongreso, sunod-sunod ang pagpasok ng mga pahayag ng suporta para sa agarang pagsisimula ng impeachment trial. Mula sa mga unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University at De La Salle University, hanggang sa mga organisasyon ng mga abogado tulad ng National Union of People’s Lawyers, Philippine Bar Association at iba pa.

“Puwede pang ‘di magkasundo ang mga tao sa kung gaano kabilis ang ‘forthwith’ pero makatuwiran naman sabihin na hindi ibig sabihin ilang buwan ang delay,” sabi ng PBA, “At lalong hindi ibig sabihin na ‘kapag pumayag lang ang mayorya sa trial’.”