Open forum
Nalagpasan namin ang teenage life, pero mayroon pa ring mga pagtatantong nakakapagpaisip sa aming ang hirap pala talaga magpatuloy sa buhay.

Naalala ko ang araw na ‘yon. Pagkatapos magklase noong hayskul, ibinilog naming magkakaibigan ang mga upuan para sa nakagawiang open forum session.
Magkakaharap, pinag-usapan namin ang nararamdaman sa isa’t isa. Napag-usapan naming buwagin na ang grupo, friendship over na kumbaga.
Pakiramdam kasi namin, mas nagiging close na ang ilan sa grupo, habang nale-left out na ang iba.
Pero hindi namin nagawa. Umurong bigla ang luha. Umurong ang motion to end the friendship. Dumating na kasi si Ma’am Rita at pinaayos na ang mga upuan para sa nakaiskedyul na exam.
At siyempre, mahal kasi namin ang isa’t isa.
Ito ang isa sa mga paboritong bonding naming magkakaibigan. Madali lang kasi itong gawin. Titignan lang naman kasi namin kung wala nang gagawin sa klase tapos aayusin na namin nang pabilog ang mga upuan, sakto para makaupo kaming lahat.
Wala rin kaming inilalabas na pera sa open forum. Walang ibang ihahanda kung hindi ang mga upuan at mga pangmalakasang tanong na gusto naming masagot ng lahat, ‘yong mga tanungang puwedeng pagsimulan ng malaking revelation ‘pag napag-usapan.
Kasama na rin dito sa preparation, siyempre, ang sarili naming handang humarap sa anumang posibleng aftermath ng gagawing open forum—magiging close kami lalo sa isa’t isa, mag-aaway, o bubuo ng dramang makikita pa ng buong klase.
Umiikot lang kadalasan noon ang mga tanong namin sa kung sino ang crush namin sa klase, kung sino ‘yong taong ayaw naming makasama, pati na rin ‘yong ayaw naming ugali ng isa’t isa.
May mga pagkakataon ding sasagot pa rin ako sa mga tanong kahit ayaw kong sagutin ang ilan sa mga ‘to. Feeling ko kasi, baka makasakit ako sa pagiging sobrang honest.
Naalala ko ‘yong time na kailangan naming i-rate ang closeness namin sa bawat isang miyembro ng grupo. Sino ba namang gugustuhing malaman na ikaw ang least favorite na kaibigan.
Kahit na medyo masakit na, tuloy pa ring umiikot ang usapan. Naniniwala kasi kaming the truth will set us free. Cringey kapag naaalala ko ito ngayon. Natatawa ako na ganoon pala kami mag-bonding.
Pero kung iisipin, mas gusto kong bumalik sa noon—ibang klase na kasi ang open forum namin ngayon.
Minsan na lang namin ito magawa dahil sa hindi nagkakatugmang iskedyul. Kapag may magtatanong sa group chat namin ngayon kung kailan kami libre para magkikita, hirap na hirap na kaming sumagot.
Sobrang daming nailalagay na date options sa poll sa Messenger. Minsan dahil hindi kami sure kung kailan kami puwede, pinaglalaruan na lang namin ito. Tinatanong kung anong araw libre pero magugulat ka na lang na mayroong choices sa poll na Alden Richards at Regine Velasquez.
Wala na ring mga upuang nakapabilog ‘pag magkakasama. Mas malawak at mas malalim na ang mga pinag-uusapan namin. Hindi na puro crush, hindi na pagbubuwag ng friendship, kundi tungkol na sa hirap ng pag-aaral, pagtatrabaho at sa problema ng pagpapatuloy sa buhay.
Oo, nakaya naming tumuloy sa pag-aaral ng kolehiyo pero nandito ang bigat ng responsibilidad sa eskuwela at ang pagdududa sa sarili naming kakayahan.
Nakukuha na rin namin ang iba naming gustong mabili pero kapalit naman nito ang ilang oras sa isang araw na pagbababad sa pagtatrabaho.
Nalagpasan namin ang teenage life, pero mayroon pa ring mga pagtatantong nakakapagpaisip sa aming ang hirap pala talaga magpatuloy sa buhay.
Aaminin kong mahirap tanggapin ang pagbabago sa kung paano na namin ginagawa ngayon ang nakasanayan naming bonding time. Nakakalungkot na minsan na nga lang kami uli magkita, napupuno pa ng mga problema ang usapan namin.
Sa kabila ng pagbabago sa ayos ng bonding time namin, mayroon pa rin namang nananatili katulad ng dati: ang pagiging bukas namin sa pakikinig.
Mas komplikado na ang buhay namin ngayon. Mas mabibigat ang mga hinaharap na sitwasyon. Pero hangga’t kaya, papagaanin namin ito nang magkakasama. Gagawin namin ito sa simpleng open forum.