close

Unyon ng Fuji Electric, wagi sa CBA


Tagumpay ang unyon ng mga manggagawa ng Fuji Electric Philippines sa Calamba City, Laguna matapos nilang makamit ang iginigiit na dagdag-sahod at mga benepisyo sa kanilang collective bargaining agreement.

Tagumpay ang mga manggagawa ng Fuji Electric Philippines sa Calamba City, Laguna matapos nilang makamit ang dagdag-sahod at mga benepisyo makalipas ang ilang buwang pakikipag-usap ng unyon sa pamunuan ng kompanya.

Natapos ang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) nitong Hul. 17 sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pakikipag-usap ng mga obrero sa pangunguna ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric Philippines (LNMFEP-OLALIA-KMU) na nagsimula noong Abril.

Kabilang sa mga pangunahing kasunduan sa CBA ang pagkakaloob ng seniority pay na itinuturing ng unyon na mahalaga sa pagkilala sa tagal ng serbisyo at kontribusyon ng mga manggagawa sa operasyon ng kompanya. Makakatanggap ang mga empleyado ng dagdag-sahod na P50 sa ngayong 2025 at madadagdagan muli ng tig-P50 sa 2026 at 2027.

Bukod dito, ipinagkaloob din sa mga manggagawa ang iba pang mga benepisyo tulad ng rice allowance, meal allowance at leave benefits na matagal nang iginigiit ng unyon.

“Ito ang bunga ng sama-samang pagkilos ng mga manggagawa: ang mapagtagumpayan ang malusog at makabuluhang CBA,” pahayag ng LNMFEP-OLALIA-KMU.

Noong Setyembre 2024, nagkilos-protesta ang unyon sa harap ng planta at sa tanggapan ng Regional Conciliation and Mediation Board IV-A bilang pagtutol sa mababang alok ng kompanya.

Ayon sa mga manggagawa, hindi katanggap-tanggap ang P10 hanggang P20 na dagdag-sahod, lalo na’t lumaki ang kita ng Fuji Electric Philippines sa mga nakaraang taon.