Manggagawa sa mga pagawaan sa Timog Katagalugan, iginiit ang CBA
Sunod-sunod na inilaban ng mga manggagawa sa iba’t ibang pagawaan sa Timog Katagalugan ang kani-kanilang collective bargaining agreement noong nakaraang buwan.

Sunod-sunod na inilaban ng mga manggagawa sa iba’t ibang pagawaan sa Timog Katagalugan ang kani-kanilang collective bargaining agreement (CBA) noong nakaraang buwan.
Sa Daiwa Seiko Philippines Corp. (DSPC), matagumpay na naigiit ng Malayang Unyon ng DSPC ang bagong CBA noong Nob. 13. Nakuha ng mga manggagawa ang paborableng dagdag-sahod, signing bonus at seguridad sa trabaho.
Nakipagkasundo ang management ng DSPC isang araw matapos magdeklara ng planong welga ang unyon at manalo ang botong “yes” sa strike voting.
Sa Technol Eight Philippines Corp., matagumpay ding nagtapos ang pakikipagtawaran ng mga manggagawa noong Nob. 27. Naipanalo ng Technol Eight Workers Union ang regularisasyon ng 22 manggagawang kontraktuwal, dagdag-sahod, seniority pay at signing bonus.
Bago ito, nag-anunsiyo ng deadlock at naglunsad ng serye ng mga protesta ang unyon dahil sa pambabarat at pagpapatagal ng management sa negosasyon.
Samantala, sa Nexperia Philippines Inc., patuloy na itinutulak ng mga manggagawa ang makatuwirang dagdag-sahod at mga benepisyo.
“Nanatiling barat ang offer at walang pagbabago ang posisyon ng management [sa CBA]. Hostage ang ginagawa sa [amin] dahil gustong ipatanggap ang mumong proposal na P17 kada araw at P15,000 na signing bonus,” sabi ng unyon sa isang pahayag sa pagdeklara ng deadlock noong Nob. 29.
Dagdag ng unyon, may nakalaang badyet para sa kanilang CBA na dapat tinatamasa na ng mga manggagawa dahil mula iyon sa kinita ng kompanya sa nakalipas na tatlong taon ng kanilang pagtatrabaho.
Mag-iisang taon nang nakikipagtawaran ang Nexperia Philippines Inc. Workers Union sa management ng kompanya pero hindi pa rin umuusad ang negosasyon dahil bumabalik sa dati nang mababang alok ang management.
Nanawagan naman ang mga manggagawa ng Philfoods Fresh Baked Products Inc. (PFBPI) sa management ng kompanya na tumalima ito sa napagkasunduang mga probisyon sa kasalukuyang CBA tulad ng pagbibigay ng allowance sa pagkain at retroactivity.
Noong Hulyo, naabot ng Unyon ng mga Panadero sa PFBPI ang kanilang kahilingan sa dagdag-sahod, benepisyo at karapatan kasunod ng matagumpay na pagsasara ng kanilang CBA.
Sa kabilang banda, Sa kabilang banda, binatikos naman ng mga manggagawa ng Golden Zone Garments and Accessories Inc. (GZGAI) ang sabwatan ng management ng kompanya at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa Nagkakaisang Manggagawa ng GZGAI, nakuha na nila ang mayoryang boto ng mga manggagawa para makilala sila bilang sole and exclusive bargaining agent (SEBA). Pero dinagdagan pa ng DOLE ang validation process kahit pa kumpleto na ang dokumentong isinumite ng unyon.
Masisimulan sana ang CBA sa pagitan ng management at unyon kung kinilala ang huli bilang SEBA ng mga manggagawa. Sa pakikipagtawaran, maisusulong ng unyon ang tamang pasahod, mga benepisyo, at iba pang karapatang pangmanggagawa.