close
Konteksto

Bakasyon


Gobyerno’t malaking negosyo, walang pinag-iba. Pareho silang pahirap sa mga mamamayan.

Hindi uso sa Pilipinas ang mapayapa’t tahimik na bakasyon o kahit simpleng pahinga lang.

Gustuhin mang huwag magbasa, manood o makinig ng balita, malalaman at malalaman din ito dahil sa mga nangyayari sa labas ng bahay, opisina o paaralan. Kitang-kita ang kahirapan kahit saang sulok ng kanayunan at kalunsuran. Ramdam na ramdam ang pagtaas ng presyo ng bilihin at pagbaba ng kalidad ng buhay. Halatang-halata ang biglaang pagbabago ng panahon dahil sa kapabayaan ng mga mayaman at makapangyarihan sa kapaligiran. 

Kahit ipikit ang mata, maaamoy o maririnig o mararamdaman ang malawakang kahirapan ng nakararaming mamamayan. Kahit na takpan pa ang ilong at tainga, at kahit magkulong pa sa bahay, walang takas sa reyalidad. Ito ang sumpa ng kasalukuyang buhay.

“Hay, buhay!” wika nga ng mga mandirigmang araw-araw na nakikibaka para lang mabuhay. Kung ano-ano ang ginagawa para lang matugunan ang mga pangangailangan ng pamilya.

Malaking palaisipan sa marami kung paano napagkakasya ang kakaunting kita. Pero simple lang naman ang sagot: Nagtitiis ang mga mandirigma para kahit paano’y may pantustos ang mga mahal sa buhay. Sanay na silang magutom, sanay na silang maglakad nang mahaba, sanay na silang huwag bumili ng bago at pagtiyagaan na lang ang mga luma.

Samantala, masayang nagbabakasyon ang mga opisyal na dapat na tinutugunan ang pinagdaraanan ng nakararaming naghihirap. Hindi sila mahagilap sa opisina dahil abala sa pagpapasarap sa buhay.

Sa sobrang daming pera, hindi na nila alam kung paano gastusin. Kung tutuusin, hindi lang naman kasi sa buwanang suweldo sila yumayaman. Marami silang nakukulimbat mula sa kaban ng bayan. Oo, mismong buwis ng mga mamamayan ang pinanggagalingan ng kanilang mataas na panlipunang katayuan.

Napakasaya nila, hindi ba? Pero may hangganan ang kasamaan dahil mananaig pa rin ang katarungan. Makukulong ang mga dapat makulong. Mananagot ang mga dapat managot.

Oo, madaling sabihin pero mahirap gawin. Hanggang ngayon, hindi mapanagot ang mataas na opisyal sa nilustay na pera ng mamamayan. Ayaw sagutin ang simpleng tanong tulad ng kung paano nagastos sa loob lang ng 11 araw ang P125 milyong nakalaan sa opisina niya. Ang pagdinig hinggil sa kanyang impeachment, hindi na itinuloy dahil sa mga boto ng 19 na senador na pumabor sa kanya. Iba talaga kung may masasandalang alyado sa iba’t ibang sangay ng gobyerno!

Totoong mahirap gawin, pero patuloy naman ang pagkilos ng iba’t ibang indibidwal at grupo. May empirikal at lohikal na batayan naman ang pagbatikos sa mga tiwali. Kahit kailan, hindi magiging tama ang mali, hindi magiging normal ang pang-aapi. Malaki man ang kapangyarihan at impluwensiya ng mga tiwali, hindi hamak na mas malaki’t malawak ang karanasan ng pagkilos para sa pagbabago.

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang retorika ng mga politikong patuloy na dumedepensa sa opisyal na ginawang normal ang paglulustay ng kaban ng bayan. Sa ganitong konteksto rin dapat suriin ang pangako ng isang malaking negosyanteng nagsasabing tutulong siyang tugunan ang pagbaha sa Metro Manila nang walang gastos mula sa gobyerno.

Hindi ba’t dapat munang resolbahin niya ang pang-aaping ginagawa niya sa mga manggagawang patuloy na pinagsasamantalahan? Hindi ba’t kailangan niya munang managot sa pang-aagaw ng lupa sa mga magsasaka’t katutubo para lang mapalawak ang mga negosyo niya? Hindi ba’t may kinalaman siya sa pagbaha sa isang lugar dahil sa pinapatayo niyang napakalaking estruktura?

Gobyerno’t malaking negosyo, walang pinag-iba. Pareho silang pahirap sa mga mamamayan.

At dahil walang bakasyon ang araw-araw na pakikibaka ng nakararami, patuloy ang paglaban. Kung ninanais ang tunay na bakasyon mula sa mga problema sa buhay, kailangan munang masolusyonan ang mga batayang isyung kinakaharap. Doon lang makakamit ang tunay na pahinga, lalo na ang paghingang maaliwalas at malaya sa pagsasamantala.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com