close
Main Story

Balik kolehiyo, balik kalbaryo

Bukod sa pag-asa ng kanilang mga pamilya, at pati ng bansa, marami pang ibang pasanin ang mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa bigat nito, sila-sila na ang umaagapay sa isa’t isa, o ‘di kaya’y bumibitaw na.

Notebook, index card, bolpen—mga bagay na binibili bago ang pasukan na ‘di maikakailang importante sa kolehiyo, ngunit hindi lang ito ang tanging kailangan upang makapag-aral. May mas malaking problema na humahadlang sa mataas at maayos na kalidad ng edukasyon ng mga estudyante. Budget cut sa mga state university and college (SUC) at kakulangan sa pasilidad na kumakalawang sa edukasyon sa bansa.

Umabot sa P6 bilyon ang tinapyas na pondo sa mga pampublikong pamantasan sa bansa. Mula sa P128 bilyon, bumagsak ito sa P122 bilyon batay sa inapabruhang General Appropriations Act (GAA) 2025 ni Ferdinand Marcos Jr. Bumaba ng 4.7% ang kabuuang badyet para sa mga SUC.

Ayon kay Jason, hindi niya tunay na pangalan, hindi sapat ang dalawang electric fan para sa higit 50 katao sa isang silid aralan. Ito ang ikatlong taon niya sa kolehiyo sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Mahabang pila ng mga estdyante tuwing enrollment sa Polytechnic University of the Philippines sa Maynila. The Catalyst

“Iskolar tayo ng bayan kaya’t kailangan natin magpasalamat para sa libreng edukasyon, pero parang nanlilimos na lang talaga para magkaroon ng maayos na pasilidad at makapag-aral nang komportable,” aniya.

Kadalasan raw, nag-aambagan pa sina Jason at mga kaklase niya para magrenta ng kagamitan gaya ng projector sa halagang P70 kada oras.

Sa likod ng matataas na passing rate sa mga board examination, matataas na accreditation status ng mga SUC at naglalakihang tarpaulin ng mga topnotcher, napakabigat pa rin ng kalbaryong babalikan ng mga estudyante sa pagbubukas ng klase.

Ngayong taon, nasa P2.07 bilyon ang badyet ng University of the Philippines (UP) System ang kinaltas. Mula sa P24.77 bilyon bilyon na badyet noong 2024, bumaba ito sa P22.69 bilyon.   

Isa rin ang rin ang Bulacan State University (BulSU) sa mga SUC na tinamaan ng budget cut ngayong taon na nanguna sa Gitnang Luzon sa may pinakamalaking kaltas ng pondo na P10 milyon.

Pinakamalaki ang ibinawas sa Capital Outlay na may halagang P74.1 milyon. Nakalaan sana ito para sa pagpapabuti ng mga pasilidad at imprastruktura sa BulSU. May kaltas din na P2.7 milyon sa Maintenance and Other Operating Expenses kung saan kinukuha ang mga gastusin para sa kuryente at tubig at iba pang mga yutilidad.

“Hindi priyoridad ni Marcos Jr. ang krisis sa edukasyon kundi isang aktibong nagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran na nagpapahirap ng akses sa edukasyon,” sabi ni Althea Trinidad ng Stand-BulSU at Anakbayan-Central Luzon.

Bumigay na mga kisame, nakakalat na debris sa sahig mula sa pagkasira, at inaanay at kinakalawang na mga bubungan. Ito ang bumungad kay Toym Leon Imao, dekano ng College of Fine Arts (CFA) sa UP Diliman, nang inspeksiyonin niya ang kolehiyo matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa sa nakaraang mga linggo.

Liban sa kaayusan ng kapaligiran para sa mga unibersidad, sinabi ng dekano sa isang Facebook post na posibleng “ideklarang hindi na ligtas gamitin ang ilang bahagi ng gusali dahil sa panganib sa kalusugan at kaligtasan.”

Liban sa luma at sira-sirang mga imprastraktura, mga kahoy at libro na nginangatngat ng mga anay, ang mga sistemang mekanikal tulad ng mga air-conditioning unit ay pumapalya na rin. 

Ngayong mas maraming estudyanteng manunumbalik para sa unang semestre ng  2025, pinangangambahan ni Jezu Bontigao, tagapangulo ng CFA Student Council, ang panganib at abalang dala ng sira at lumang mga pasilidad lalo na at hindi naman lahat may mga maayos na espasyo sa bahay para gumawa ng sining. 

“Hazardous na pero pinipilit ng [administrasyon] na magkaroon ng work around at gamitin ang resources para magkaroon ng maayos na space,” saad ni Bontigao. 

Hindi lang ang kanilang kolehiyo ang nakararanas nito. Buhat ng kakulangan sa pisikal na resources sa ilang mga SUC, tulad ng mga silid-aralan at pasilidad, nalilimitahan ang epekto ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Free Tuition Law, batay sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies hinggil sa pagpapalawig, kalidad at affirmative action sa lalong mataas na edukasyon noong Nobyembre 2024. 

Ayon sa pag-aaral, kahit pa tumataas ang bilang ng mga nag-eenrol, may hangganan ang kanilang pagtanggap dahil sa kakulangan ng pasilidad. 

Maliit na alokasyon ng pondo, mahabang proseso ng konstruksiyon at mga gusaling kailangan nang ipa-renovate ang ilan pa sa mga daing ng mga SUC.

“Kailangan ng pagpapalawak ng badyet upang makatulong sa pagpapabuti at pagkukumpuni ng mga gusali at makapagbigay ng espasyong nakapagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga estudyante (tulad ng mga canteen, parke at lugar para sa pag-aaral),” saad ng pag-aaral. 

Wala itong pinag-iba sa hiling ng mga kawani at mag-aaral sa halos apat na dekadang tanda gusali ng CFA. 

Kahit pa nakapagluwal ng ‘di mabibilang na mga obra ang CFA, kasama ang 11 na gradweyt na naging Pambansang Alagad ng Sining, patuloy pa ring hindi nabibigyan ng akmang suporta ang kolehiyo, ani Imao. 

“Ang pondo para sa mga SUC ay pangunahing umaasa pa rin sa pambansang gobyerno. Responsibilidad ng buong bansa na tiyaking hindi lamang abot-kamay ang edukasyon sa mga pangunahing institusyong tulad nito, kundi sapat din ang suporta upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng kanilang komunidad at makasagot sa krisis sa edukasyon,” aniya.

Kahit mayroong Free Tuition Law, hindi ito nagiging sapat dahil mismong mga estudyante ang kumakalas at hirap itawid ang pangarap dala ng patong-patong na mga isyung ng edukasyon sa bansa na lumilitaw sa kanilang mga pag-aaral. 

Nasa sa tatlo kada 10 estudyante sa kolehiyo ang tumitigil sa pag-aaral, ayon sa inilabas na datos nitong Enero ng Second Congressional Commission on Education. Lumalabas na 34.89% ang higher education dropout rate ng bansa. 

Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang rehiyong pinakamataas ang mga dropout rate sa 93.4%, na sinundan ng 60.7% sa Central Visayas, 59.5% sa Zamboanga Peninsula, 54.9% sa Cordillera Administrative Region at 52.4% sa National Capital Region. 

Binigyang diin ni Nemuel Yanco ng Anakbayan-Southern Tagalog na halos lahat ng mga estudyanteng nag-dropout ay walang kakayahang tustusan ang pag-aaral. Kahit walang matrikula sa mga SUC, patuloy naman ang pagtaas ng gastusin na kinakailangan para sa makapasok sa klase tulad ng pamasahe at pagkain.

Protesta sa University of the Philippines Diliman sa pagsisimula ng klase nitong Ago. 12. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Kumukuha na lang sila ng minimum load o kaunting units na nagreresulta ng pagkaantala at paglagpas sa maximum residency ng mga estudyante. Kapag sila’y lumagpas sa pananatili sa paaralan, kailangan na nilang magbayad ng matrikula. Ang iba’y kumakapit, ngunit ang iba rin ay pinipili na lang umalis sa pamantasan.

“‘Yong kahirapan ng mga estudyante sa pinansiyal na problema ng pamilya ay pumapatong sa kahirapan sa pag-aaral, ‘yon talaga ‘yong nananatiling danas ng mga estudyante,” ani Yanco.

Kawalan ng interes sa pag-aaral ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtigil ng mga estudyante. Aabot sa 10.28% ng mga estudyante ang nagsabi na nawalan sila ng gana habang 12.59% naman ang lumisan sa paaralan para magtrabaho. Malinaw na mas pipiliin na lang nilang maghanapbuhay para makatulong sa gastusin sa tahanan kaysa magkapagtapos ng pag-aaral.

Maraming ugat kung bakit hindi sumisibol at lumalago ang potensiyal ng kabataan dahil sa mga limitasyon ng edukasyon. At kahit libre ang matrikula sa mga SUC, dumarami ang mga estudyanteng tumitigil sa pag-aaral dahil mismong sistema ang umaararo ng mga binhi ng kinabukasan.

“Binuo [ang sistema] upang hindi magluwal ng mga kabataang nag-iisip, nalilinang at umuunlad sa kanyang sarili—pero para maging kasangkapan sa atrasadong ekonomiya at makakuha ng mura at maamong lakas-paggawa na ibebenta sa ibang bansa, kasosyong kapitalista at panginoong maylupa na madulas na iniimplementa ng kasalukuyang pamahalaan,” saad ni Trinidad.