close
Kabataan

Pangakong nakasulat sa buhangin

Ipinangako ng K-12 Program ng rehimen ni dating Pangulong Benigno Aquino III na mas magiging handa ang kabataan sa trabaho sa dagdag na dalawang taon sa senior high school.

Para sa marami, simbolo ang diploma ng pagtatapos at kahusayan sa pag-aaral kalakip ang pangako ng mas maaliwalas na kinabukasan. Karaniwang sa pagtatapos sa kolehiyo ang pangakong ito, ngunit minsang ipininta ang hinaharap na kaya rin itong maabot sa high school sa pamamagitan ng dagdag na dalawang taon.

Ipinangako ng K-12 Program ng rehimen ni dating Pangulong Benigno Aquino III na mas magiging handa ang kabataan sa trabaho sa dagdag na dalawang taon sa senior high school (SHS).

Kahit walang legal na batayan, sinimulan na ang pagpapatupad sa K-12 Program noong 2011 nang magkaroon ng universal kindergarten. Sa sumunod na taon, ipinatupad naman ang pagbabago sa kurikulum sa elementarya. At noong 2016, ipinatupad na ang dagdag na dalawang taon sa sekondarya.

Noong 2013, nilagdaan ni Aquino ang Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013, na mas kilala bilang K-12 Law, sa kabila ng malawak na pagtutol ng mga guro, magulang at kabataan dahil sa dagdag na gawain, gastos at panahon na gugugulin.

Ayon sa mga kritiko ng programa, minadali, walang kahandaan at hindi pinag-aralang maigi ang K-12 Program at nagkukumahog ang gobyerno na magluwal ng mura at siil na lakas paggawa para sa interes ng dayuhang merkado.

“Sa pagsasabatas sa K-12 o Republic Act 10533, mapipilitan ang mga paaralan na sumunod sa bagong programa sa kabila ng katotohanan na walang kongkretong siyentipikong ebalwasyon sa husay at bisa ng programa matapos ang unang taong pagpapatupad nito,” ani dating Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino noong 2013.

Isa si Minette Diwa, 22, sa mga nakapagtapos ng SHS sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) strand noong 2022. Nais niyang kumuha ng chemistry sa kolehiyo.

Plano ni Diwa na pansamantalang huminto sa pag-aaral para makapagpahinga bago magkolehiyo. Ngunit noong 2023, nagpasya siyang magtrabaho upang makapag-ipon ng pangmatrikula.

Ayon sa Second Congressional Commission on Education, ilang pangako ng SHS program sa kabataan ang kahandaan sa trabaho at mas malaking tiyansa na makakuha ng mataas na suweldo. Ngunit para kay Diwa, pawang kathang-isip lang ito.

“Inihahanda ka ng senior high [school] para sa kolehiyo—sa college admissions at career growth pero pang-academic lang. Pero iba ang scenario pagdating sa paghahanap ng trabaho,” ani Diwa sa wikang Ingles.

Nagsimula si Diwa bilang isang call center agent at kasalukuyang contact center representative para sa isang financial corporation.

Hindi siya agarang naging “job ready” matapos ang SHS dahil hindi naituro sa kanya ang kaalaman sa buwis, mga benepisyo, sahod, at bokabularyo sa lugar paggawa. Kinailangan niya pa itong matutuhan mula sa internet at sa sariling karanasan.

“Parang nadagdagan lang ng plus two years ang kalbaryo ko sa high school,” dagdag niya.

Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies sa lakas paggawa ng bansa, 20% lang ng mga nagtapos ng SHS ang diretsong pumapasok sa trabaho dahil mas pinipili nilang magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo.

Sumasailalim sa mga larangan ng personal service work, sales, at clerical support ang karamihan sa mga trabahong bukas para sa mga SHS graduate ayon sa pag-aaral ng Philippine Business for Education (PBEd) noong 2024 sa job availability sa bansa.

Bagaman halos kalahati ng mga kompanya ang tumatanggap ng SHS graduate, madalas mas pinipili pa rin ng mga employer ang pagtanggap sa mga college graduate.

Natanggap man agad sa trabaho si Diwa, nakaranas pa rin siya ng diskriminasyon dahil sa kanyang educational background.

“Tinitingnan ang educational background para alamin kung kaya mo ba talaga magtrabaho. Pagdating din sa promotions, medyo ilang sila sa mga hindi college graduate especially if you’re aiming for managerial positions,” kuwento ni Diwa.

Malayo sa naging kasanayan ni Diwa sa STEM ang uri ng trabaho na kaya niyang maabot sa ngayon. Aniya, “communication skills” ang naging tanging puhunan niya para makahanap ng trabaho sa limitadong listahan ng mga oportunidad na bukas para sa kanya.

Sa pagbubukas ng klase ngayong taon, ipinatupad ng  Department of Education ang rebisadong kurikulum ng SHS sa higit 800 na paaralan sa bansa. Layon umano nitong gawing mas pleksible ang basic education system sa pagtugon sa mga suliranin sa employability at job mismatches.

Ang dating apat na track ng SHS—Academic, Technical-Vocational-Livelihood, Arts and Design, at Sports—ay magiging dalawa na lang: Academic at Technical Professional (TechPro)

Mula naman sa 15 core subjects, lima na lang ang matitira—kabilang ang isang tinawag na Life and Career Skills. Malaya rin ang mga mag-aaral na kumuha ng mga asignaturang elective mula sa track na iba sa kanilang napili.

Tinaasan na rin ang bilang ng oras sa work immersion sa 320 hanggang 640 oras mula sa dating 80 hanggang 320 oras. Layon umano nitong mapalawak ang mga karanasang hands-on lalo na sa TechPro track kung saan may diin sa mga kasanayang teknikal.

Para kay Diwa, mas epektibo ang mga pagbabagong ito at kung nabigyan siya ng pagkakataon, ito sana ang naranasan niyang kurikulum noong siya’y nasa SHS.

“Mas [gusto] ko siya, kaya sana maipatupad ito nang maayos,” ani Diwa.

Para naman kay Alliance of Concerned Teachers national chairperson Vladimer Quetua, walang tunay na pagbabago sa SHS curriculum kung hindi ito nakabatay sa kalagayan ng ekonomiya ng ating bansa.

“Isang eskinita lang gusto nilang daanan: maging trabahador na agad ‘yong mga senior high [school] graduate. Mayroon bang trabahong nakalaan? Kahit anong husay mo, kahit anong klaseng edukasyon—kung hindi naman nakaporma [ito sa ating] mga sektor, wala lang iyan,” ani Quetua sa isang panayam ng Pinoy Weekly.

Samantala, inihain naman ni Sen. Jinggoy Estrada ang Senate Bill No. 3001 na layong tanggalin ang SHS na tinawag niyang bigong programa.

Aniya, hindi pa rin nakakamit ng SHS program ang layunin nitong mapabilis ang employment ng kabataan sa loob ng 12 na taon mula noong napatupad ito. Hindi na umano dapat pasanin pa ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang ang dagdag oras at gastos ng karagdagang dalawang taon sa basic education system. 

Kontento man daw siya sa kasalukuyan niyang pinapasukan, hindi pa rin nawawala kay Diwa ang pangarap niyang makapagtapos sa chemistry upang makuha ang career na napupusuan balang araw.

“‘Pag may degree ka, mas marami kang job opportunities. Bihira lang naman ‘yong mga employer na gustong sumugal sa SHS graduates. Iyan ‘yong malungkot na reyalidad ng pangakong sinulat nila sa buhangin.”