close
Muni at Suri

Ispektakulo ng baha


Sa iba’t ibang panig ng bansa, pamilyar ang naratibo ng malawakang pagsasantabi sa kalikasan at sa kapakanan ng mga komunidad na bulnerable sa mga kalamidad upang bigyang priyoridad ang mga pribadong interes na inaasahang kakamal ng kita sa mga kontratang ito.

Nitong nagdaang baha, nag-viral ang video ng isang kasal sa kasagsagan ng baha sa Barasoain Church. Hinangaan ng maraming netizens ang pasyang ituloy ang seremonya sa gitna ng kalamidad. Ilan din ang nagkomento na para itong tagpo sa “Crazy Rich Asians” kung saan may tagpo ng isang high-end na kasal habang pumapatak ang tubig sa aisle.

May ganito na ring tagpo nang nagdaang taon. Dala na rin sa masusing preparasyon na kinakailangan para sa kasal, kauna-unawa ang pagpapasyang ipagpatuloy na lang ito.

Maaaring basahin ang mga imaheng ito bilang patunay ng problematikong nosyon ng Filipino resilience. Rain or shine, buo ang paninindigan na ituloy ang buhay sa gitna ng kalamidad. 

Ngunit higit sa lahat, mababasa sa mga imaheng ito kung paano tayo kinokondisyon na tiisin ang papalalang kalagayan ng ating mga pamayanan sa harap ng korporatisadong pagwasak sa kalikasan na nagbubunga ng krisis-ekolohikal at tumitinding karanasan ng kalamidad.

Sa lalawigan ng Bulacan, kung saan naroon ang Barasoain Church at kung saan ako lumaki, kapansin-pansin ang papataas na baha sa ilang mga lugar na noon ay hindi naman gaanong nasasalanta ng bagyo. Higit na mabagal din ang pagkati ng tubig sa aming bayan. 

Nitong mga nagdaang taon, pamilyar kami sa tuloy-tuloy na pagtatayo ng malaking paliparan sa lalawigan, ang Bulacan Aerotropolis na nagdulot ng pagtatambak sa Manila Bay, pagkitil sa mga bakawan, pagpapalayas sa mga namamalakaya at mga komunidad sa paligid.

Habang maraming siyentista ang nagbabala hinggil sa panganib na inihahapag ng proyektong ito gaya ng lindol, paglubog ng lupa, baha at storm surge, binigyan pa rin ng permiso ang San Miguel Corporation na ipagpatuloy ito.

Sa mga nakasaksi sa pandinig sa Senado hinggil dito, nakakapanlumo ang dogmatikong pagtitiwala ng mga opisyal ng gobyerno sa korporasyon habang isinasantabi ang panawagan ng mga pamayanang apektado ng proyektong ito. 

Sa iba’t ibang panig ng bansa, pamilyar ang ganitong naratibo ng malawakang pagsasantabi sa kalikasan at sa kapakanan ng mga komunidad na bulnerable sa mga kalamidad upang bigyang priyoridad ang mga pribadong interes na inaasahang kakamal ng kita sa mga kontratang ito.

Kaugnay ng mga naratibong ito ang pagbasura sa mga protokol ng demokratikong konsultasyon sa mga pamayanan, railroading sa burukrasya at kawalan ng pananagutan sa mga epekto sa kalikasan at kaligtasan ng mga pamayanan at karatig-lugar. 

Habang malimit ibinabandera ang flood control projects na karaniwang batbat rin ng katiwalian, tuluy-tuloy ang pagtangkilik ng gobyerno sa mga korporasyon upang minahin ang mga kabundukan, kalbuhin ang mga kagubatan, tuyuin at tambakan ang mga katubigan at palayasin ang mga marhinadong sektor at pamayanan gaya ng mga katutubong kinakanlong at nangangalaga ng kalikasan.

Sa bawat balita at imahen ng baha, nakasilid ang kuwento ng mga minahan, mga ikino-convert na palayan, mga itinatayong dam at mga bagong mall at mga commercial at residential complex. Lumalawak ang mga siyudad ng kongkreto na kalaunan ay nilalamon naman ng mga baha.

Habang silang nakikinabang sa inilalakong kaunlaran ng gentrification ay may kapasidad na makatakas sa mga kalamidad sa loob ng mga residensiyal na engklabo ng ginhawa, mga ordinaryong mamamayan ang stranded sa baha, naglilimas ng mga tahanan at sumasagupa sa umiigting na hamon ng krisis-ekolohikal.