Pabahay na pahirap
Nananatiling pahirapan ang pabahay sa mga maralita. Sa halip na kaginhawaan, naging baon sa utang, malayo sa kabuhayan at salat sa serbisyong panlipunan ang sinapit ng mga residente ng mga relokasyon.

Posible bang maabot ang pinapangako ng gobyerno na wala ng mga informal settler family (ISF) bago ang taong 2028 sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program?
Sa kabila ng palpak na mga proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) at kalagayan ng mga taong nakatira sa mga relokasyon, patuloy rin ang pagtaas ng buwanang amortisasyon ng mga pabahay. Duda rin ang maraming maralitang Pilipino kung sapat ba ang kanilang kabuhayan para tustusan ang gastusin at singil sa programang pabahay ni Ferdinand Marcos Jr.

Sampung taon nang naninirahan ang pamilya ni Marialyn, 35 taong gulang, sa isang yunit sa ikalimang palapag ng gusali sa pabahay ng NHA sa dating dumpsite na nakilalang Smokey Mountain sa Tondo, Maynila.
Nagtatrabaho ang kanyang asawa sa Manila Harbor na kumikita lang ng hanggang P9,000 kada buwan, kulang na kulang para mabayaran ang naipong utang na P33,000 na amortisasyon sa NHA.
Sa haba ng listahan ng mga bayarin, kuryente, tubig at baon ng dalawang anak, wala nang halos natitira at kadalasang nahuhuli ang panghulog sa pabahay ng gobyerno.
Bigong 4PH
Ayon kay Arvin Dimalanta, mananaliksik sa University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS), nasa 6.5 milyon ang housing backlog o kulang na pabahay at inaasahan itong lumobo pa sa 22 milyon sa taong 2040.
Dagdag niya, lumalaki rin ang pangangailangan sa proyektong pabahay dahil lumalaki rin ang bilang ng mga ISF, na sa ngayo’y nasa humigit-kumulang 3.75 milyon na.
Sa 4PH ng administrasyong Marcos Jr., layunin umano nitong magtayo ng 1 milyong pabahay kada taon at magtayo ng angkop na relokasyon para sa mga maralitang tagalungsod.

Para maging benepisyaryo ng programa, kailangan ng rekomendasyon mula sa Housing, Community Development and Resettlement Department ng pamahalaang lokal. Kailangan ding patunayan ng aplikante sa programa na siya’y ISF at maliit ang kita.
Maaari ring maging benepisyaryo ang mga pamilyang mula sa lugar na may mataas na bilang ng krimen, lugar na madalas masalanta ng mga sakuna at kalamidad at iba pang miyembro ng mahihirap na komunidad.
Pero sa dami ng mga pamilya, mahal na upa at gastusin, at kalagayan sa mga relokasyon, duda ang mga eksperto at mismong mga residente ng mga pabahay kung magagawa nga ba ito.
“Ilang taon na ‘yong nakalipas. Wala namang na-meet doon sa vision niya sa implementation niya ng 4PH. And actually, aminado naman dito ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD),” ani Dimalanta.
Sinimulan na ng administrasyong Marcos Jr. noong 2022 ang programang pabahay, ngunit tumataas pa rin taon-taon ang bilang ng mga ISF.
Pinalitan ni Marcos Jr. ng pamunuan ang DHSUD dahil hindi natupad ang target sa programang pabahay.
Kalagayan sa mga relokasyon

Ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), mananatili pa rin ang mga informal settlement o mga maralitang komunidad sa kalunsuran dahil wala namang komprehensibo o masinsing programa sa pabahay na abot-kaya.
Dagdag ni Dimalanta, mas pinipili ng mga maralita na bumalik sa kanilang dating tirahan dahil malayo sa kanilang trabaho ang mga bagong pabahay ng gobyerno at dodoble pa ang gastos kung itutuloy pa nilang manirahan sa relocation site.
“For example, nakatira ka sa Quezon City, lilipat ka sa Cavite, sa Bulacan, o sa Rizal, pero ang trabaho mo para ma-sustain mo ‘yong pamumuhay ng family mo ay sa Quezon City. So tataas lahat ng expenses mo. Tataas ang [transportation] cost mo, tataas ang possible housing expenses mo dahil magrerenta ka ng additional housing, dalawang pagkain na budget,” ani Dimalanta.
Karamihan sa mga informal settler ay nakatira sa ilalim ng tulay, sa mga tabi ng mga anyong tubig at sa iba pang mga danger zone dahil kabuhayan ang habol ng mga mamamayan sa mga ito, mga bagay na hindi magagawan ng paraan sa mga malalayong relokasyon ng pamahalaan.
“Una, wala namang nilalaan na maayos na pondo para sa pabahay mismo at sa sariling bahay lalong hindi rin namin kinakaya ‘yong mangupahan sa mas maayos at disenteng kapaligiran. Kaya kahit 2028 ‘yan, hindi namin nakikita na mareresolba ‘yong kawalan ng maayos o katiyakan sa paninirahan ng mga maralitang tagalungsod at mga maralita sa buong bansa,” ani Doringo
Dagdag pa ni Doringo, hindi solusyon ang pagpapatayo lang ng mga pabahay ng gobyerno dahil wala namang pangkabuhayan at mga serbisyong panlipunan na isa rin sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Kalinisan at kaayusan

Sa mga relokasyon, tambak ang mga ‘di nakokolektang basura na nakaapekto sa kalinisan ng lugar. Hindi kasi maayos na koleksiyon ng basura at kulang sa mga pasilidad na pagtatapunan ng basura.
Nananatiling malaking hamon ang solid waste management sa Pilipinas lalo na sa mga urban na lugar tulad ng Metro Manila.
Ayon kay Jari Kangasmäki ng Woima Corporation, lumilikha ng 10,000 toneladang basura ang Metro Manila kada araw at inaasahang dodoble pa ito pagsapit ng 2030.
Sa sitwasyon ni Marialyn, may tulo pa ang kanilang bubong na hirap nilang ipaayos dahil sa mahal na presyo sa pagpapagawa nito.
Hindi na rin mapanatili ang kaayusan dahil hindi na panangangasiwaan ng NHA kaya napapabayaan na ang gusali. Dahil din sa laki ng utang ng mga nakatira, napipilitan ang ilang pamilya na ibenta o isangla ang kanilang mga yunit.
“Ang laging sinasabi ng Kadamay, hangga’t hindi [nagiging komprehensibo] ang programa o pagtugon do’n sa usapin ng katiyakan sa paninirahan, kahit maraming ipatayong relokasyon o pabahay ang pamahalaan, ay mananatili pa rin siyang aalisan ng mga tao dahil ang hinahabol naman natin ay ang kabuhayan nila,” ani Doringo.
Ano pa? Ano na?
Hindi lang ito usapin sa kakayahang magbayad ng mga tao sa mga pabahay, kundi pati ang usapin sa sahod at pagkakaroon ng regular na trabaho ng mga naninirahan at maninirahan sa mga proyektong pabahay ng NHA, ani Dimalanta.
Isa si Marialyn sa mga nangangarap magkaroon ng sariling bahay at lupa ngunit nabaon sa malaking utang dahil sa pabahay na inaasahan niyang magiging kaginhawaan sa kanyang buhay.
Hindi na muna iniisip ni Marialyn ang pagbayad sa utang na P33,000 dahil mas pinagtutuunan niya ng pansin ang iba pang gastusin at pangangailangan nila sa pang-araw-araw.
Sa ngayon, walang naiisip si Marialyn na plano para sa hinaharap, paano niya babayaran ang utang at paaaralin ang kanilang mga anak. Pilit na niyang pinagkakasya ang katiting na sahod ng asawa para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.