Aklasan! Bakit sumiklab ang mga protesta sa Indonesia at Nepal?
Hindi biglaang sumiklab ang galit ng mamamayan. Isang buwan nang papalaki ang pagdaluyong ng mga Indonesian at matagal na ring namuo ang galit ng mga Nepalese.

Umapaw na ang matagal nang kumukulong galit ng mamamayan sa Indonesia at Nepal. Sa parehong bansa, libo-libong mamamayan ang militante at nangahas na naglunsad ng malalakihang protesta sa iba’t ibang siyudad laban sa lumalalang katiwalian at kahirapan habang lantad na lantad ang mga marangyang buhay ng mga opisyal ng gobyerno.
Hindi biglaang sumiklab ang galit ng mamamayan. Isang buwan nang papalaki ang pagdaluyong ng mga Indonesian sa kalsada at matagal na ring namuo ang galit ng mga Nepalese.
Matagal na itong nasindihan dahil sa lumalalang krisis sa mga nasabing bansa. Sa katunayan, sumasambulat din sa Pilipinas ang marami sa mga parehong ikinagagalit ng taumbayan sa Indonesia at Nepal.
Daluyong sa Indonesia
Numero uno sa unemployment o kawalan ng trabaho ang Indonesia sa Timog-Silangang Asya, pumapangalawa ang Pilipinas. Sa populasyong halos 300 milyon, mahigit 7 milyong Indonesian ang walang trabaho.
Samantala, busog na busog sa kaban ng bayan ang kanilang mga mambabatas. Mas mataas nang 30 na beses ang suweldo ng miyembro ng parlamento kumpara sa karaniwang minimum wage earner.
Mula 2021 hanggang 2025, lumobo pa ang pondo para sa mambabatas mula $340 milyon patungo $406 milyon, katumbas ng 19% na paglaki.
Kamakailan ding ipinasa ang pagbibigay ng dagdag $3,030 na housing allowance para sa bawat mambabatas.
Sa pagsusuri ng International League of People’s Struggle (ILPS)-Indonesia, “Ninakawan ng mga malalaking panginoong maylupa at burukrata kapitalista ang pondo ng taumbayan na mula rin sa puhunan ng mga dayuhang kapitalistang kasabwat nila, sa pakinabang ng kanilang mga sariling pamilya.”
Namumuhi rin ang mamamayan sapagkat nakatiwangwang ang mga panukalang batas para kontrolin at usigin ang mga tiwali.
Lalong uminit at pumutok ang pag-aaklas ng mamamayan noong Ago. 28, matapos sagasaan at patayin ng pulisya si Affan Kurniawan, 21, isang delivery rider na lumahok sa isang pagkilos sa Jakarta, kabisera ng Indonesia.
Matapos ang lang ilang oras, bumuhos ang galit ng taumbayan sa lansangan, lalo na ang mga kabataan, manggagawa at riders. Hanggang sa nabalot sa protesta ang lima pang mayor na siyudad sa bansa.
Napaatras ng mga pagkilos ang housing allowance ng mga mambabatas at pinag-uusapan na ng mga opisyal ang iba pang pagbabago sa patakaran. Pero nananatiling matigas si Pangulong Prabowo Subianto, kilalang bahagi ng dating diktadura sa bansa at may rekord ng malawakang panunupil sa mga aktibista.
Sa hanay ng mga nagpoprotesta, may 11 nang nasawi at mahigit 3,000 na inaresto ng pulisya. Pero paparami pa rin ang pag-aaklas sa iba’t ibang siyudad.
“Burgesya komprador na kumokontrol sa mga ahenteng industriyal, ahente sa kalakalan, at ahente ng malalaking imperyalistang o dayuhang bangko sa Indonesia na siya ring nakaupo at kumokontrol sa gobyerno ang kaaway ng sambayanan,” ani ng ILPS-Indonesia.
Pagliyab sa Nepal
Samantala, sinundan naman sa Nepal ang mga higante at militanteng protesta. Sinugod ng mamamayan, pangunahin ng mga kabataan, ang mga opisina at bahay ng mga kurakot na opisyal.
Kagaya sa Indonesia at Pilipinas, may partikular na galit sa “nepo babies” o anak ng mga kurakot na opisyal o mga may-ari ng dambuhalang mga kompanya, na panay post sa social media ng mga magagarbo nilang biyahe at shopping.
Walang disente at nakabubuhay na trabaho ang karamihan sa mamamayan sa Nepal. Ayon sa World Bank, nasa 82% ng populasyon ang umaasa sa impormal o ‘di regular na trabaho.
Para pigilan ang koordinasyon ng mga protesta at ang kumakalat na galit sa nepo babies, pansamantalang ipinagbawal ng gobyerno ang social media. Gayunpaman, kumalat na sa anim na malalaking sentrong bayan ang pag-aaklas ng kabataan.
May ilang opisyal nang nagbitiw sa puwesto dahil sa kahihiyan, kabilang si Prime Minister KP Sharma Oli. Dala ng galit ng mamamayan, sinunog ang mansiyon ni Oli at ilan pang gusali at opisina.
“Kinailangan ng ganitong klaseng masidhing protesta para magkaroon ng pagbabago sa Nepal,” ani Pranaya Raya, isang mamamahayag sa panayam sa Agence France-Presse.
Sinalubong naman ng pasismo o panunupil sa karaptan ang mga kabataan. Nasa mahigit 300 ang sugatan at 19 ang patay dahil sa pagmamatigas ng gobyerno na huwag dinggin ang panawagan ng mga nasa kalsada.
Nananatiling nasa ilalim ng curfew ang maraming lugar, habang nagpapatrol ang mga pulis at sundalo. Pero inaasahan ang higit pang pagdagsa ng sambayanan sa kalsada hangga’t hindi napapakinggan ang kanilang mga hinaing, sa Indonesia, Nepal, o saanman.