Isa, dalawa, takbo!
Ilang benepisyo nito ang pagpapalakas sa ating mga binti at kasukasuan, pagtulong sa pagbabawas ng timbang, at pati pagpapabuti sa mental health.

Nauuso ngayon ang pagtakbo bilang porma ng ehersisyo. Ang ilan tumatakbo para lang mag-enjoy, ang iba naman ay nakikipagtagisan. Pero ano nga ba ang benepisyo ng pagtakbo para sa ating kalusugan at kagalingan?
Ang pagtakbo ay isang uri ng cardiovascular exercise o tipo ng ehersisyo na nagpapalakas ng ating mga puso. Sa pamamagitan ng pagpapataas ng ating heart rate o bilang ng pagtibok sa kada minuto at paghinga, pinapalakas ng mga cardio exercise ang mga muscle ng ating puso at ang kakayanan nitong mag-pump ng dugo sa buong katawan.
Para naman sa mga may sakit sa puso o baga, o kaya may mga nararamdamang sintomas, dapat munang kumonsulta sa inyong doktor bago sumabak sa anumang cardio exercise para sa inyong kaligtasan.
Ilan pang benepisyo ng pagtakbo ang pagpapalakas sa ating mga binti at kasukasuan, pagtulong sa pagbabawas ng timbang, at pati pagpapabuti sa ating mental health.
Pero para lubusan nating maani ang benepisyo ng pagtakbo, magandang idikit natin ito sa pagpapahusay ng ibang aspekto ng ating pamumuhay. Kabilang diyan ang nutrisyon, pag-inom ng sapat na tubig at pagpapahinga.
1. Nutrisyon
Totoong nakakapayat ang pagtakbo. Gumagamit kasi ito ng enerhiya na mula sa calories sa ating katawan. Nagagamit din nito ang fats o stored energy ng katawan. Pero sa isang banda, ang pagtakbo nang mabilis at mahabang distansiya ay nangangailangan ng higit mas maraming enerhiya. Kaya kailangang kumonsumo rin ng dagdag na carbohydrates bago, habang at kahit pagkatapos tumakbo. Ilan sa pinakakilalang mapagkukunan ng carbohydrates ang mga tinapay at kanin.
Mahalaga rin ang pagkonsumo ng mga pagkaing mataas sa protina tulad ng gatas, beans at mga mani, tokwa, at iba pa. Kailangang palakasin natin ang ating mga muscle na magiging kasangga natin sa mahusay na pagtakbo.
Tandaan, hindi puwedeng hindi kumain, dahil ang pagkain ang numero unong pagkukunan natin ng enerhiya.
2. Hydration
Kasabay ng pagkain nang maayos ang pag-inom ng sapat na tubig. Sa pagtakbo, magagamit din natin ang imbak na tubig ng ating katawan, kaya kung hindi mapapalitan ay nauuwi sa matinding panghihina. Sa mga takbuhan, matalik na kaibigan ang tubig at electrolytes para epektibong mapalitan ang nawawalang tubig sa katawan
Hindi kailangang lumaklak nang marami lalo habang tumatakbo, pero magandang uminom nang paunti-unti sa pagitan ng mga kilometro.
3. Pahinga
Huli, mahalaga ang pahinga para hindi mag-overheat o todong mapagod ang katawan. Hindi agad mawawala ang epekto ng pagtakbo kapag nagpahinga tayo ng isang araw mula rito. Makukuha ang pahinga mula sa sapat na oras ng pagtulog ng anim hanggang walong oras gabi-gabi.
Kung competitive ka, marami na rin ang mga grupong nagsasagawa ng mga fun run, long distance run, hanggang marathon na puwedeng salihan.
May ilang mga kalsada ring isinasara tuwing Linggo para bigyang-espasyo ang mga gustong tumakbo o kaya’y gusto lang maglakad-lakad kasama ang pamilya o mga kaibigan. Ilan sa pwedeng puntahan ang Ayala Avenue sa Makati City, Gil Fernando Avenue sa Marikina City, Roxas Boulevard sa Maynila, Greenfield District sa Mandaluyong City at Tomas Morato Avenue sa Quezon City.
Nitong Hulyo, ibinukas na rin sa publiko ang mga track and field oval ng Philippine Sports Commission sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, Philsports Arena Complex sa Pasig City at Teachers’ Camp sa Baguio City.
Ang pag-eehersisyo ay mahalaga para sa malusog na pangangatawan. Paglalakad, pagtakbo o ano pang porma, walang mawawala kung maglalaan tayo ng kahit 30 minuto para sa sariling pangangatawan.
Ani Mao Zedong sa kanyang artikulong “A Study of Physical Education,” ang katawan ang daluyan ng ating kamalayan. Ibig sabihin, para patuloy tayong makaambag sa lipunan, kailangang pangalagaan ang ating katawan.