Pampublikong guro, matatanggap na ang PBB 2023
Tagumpay ang panawagan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan na maigiit ang kanilang Performance-Based Bonus para sa 2023 na naantala ang pagbibigay nang matagal na panahon.

Kinumpirma ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na aprubado na ang Performance-Based Bonus (PBB) para sa 2023 ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ngayong taon matapos ang matagal ng pagkaantala nito.
Nakumpirma ito matapos usisain ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio si Pangandaman ukol dito. Iginiit ni Tinio na bagaman aprubado na ito, hindi pa rin ito nilagdaan ng ibang mga ahensiya na sanhi ng pagkaantala nito.
“Hinihikayat natin lahat ng mga kinauukulang ahensiya na pabilisin na ang proseso at ilabas na ang bonus. Ang ating mga guro at kawani sa loob ng gobyerno ay matagal ng hinihintay ang nararapat sa kanila,” ani Tinio.
Matagal na ikinampanya ng ACT Teachers Partylist ang pagpapalabas ng PBB 2023 sapagkat idineklara ng Administrative Order 25 Inter-Agency Task Force (AO25 IATF) ng Department of Budget and Management na “not eligible” ang Department of Education (DepEd) na makatanggap nito.
Iginiit ni Alliance of Concerned Teachers-NCR Union President Ruby Bernardo na inhustisya ang desisyong ito sa mga guro at kawani ng DepEd na tumutugon sa kanilang tungkulin na madalas walang suporta mula sa pamahalaan.
Paliwanag ng AO25 IATF na hindi natutugunan ng DepEd ang mga masusing pangangailangan sa pananagutan kagaya ng pagsunod sa mga paskil ng Philippine Government Electronic Procurement System, 2023 Annual Procurement Plan at ang mga early procurement activities na sanhi ng diskuwalipikasyon.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Bernardo na hindi dapat ang mga rank-and-file education worker ang magdusa sa kapalpakan ng DepEd.
Hinggil dito, nagkasa ng kilos-protesta ang mga guro ng ACT Teachers Partylist noong Abril 30 sa DBM upang hikayatin ang ahensiya na baliktarin ang naunang pasya.
Kasabay ng pagkilos, nakipagdiyalogo si Tinio kay Assistant Secretary Leonido Pulido bilang kinatawan ng Executive Order 61 Technical Working Group (EO61 TWG), ang grupo na nagpapasya ukol sa PBB sa loob ng ahensiya.
Bunga ng diyalogo, ipinangako ni Pulido na bubuin sa loob ng dalawang linggo ang komite na susuri sa appeal for reconsideration and revalidation ng DepEd na inihain ni Education Secretary Sonny Angara.
Makalipas ang ilang buwan, nagpadala ng liham ang ACT Teachers Partylist noong Hun. 23 sa EO61 TWG upang pabilisin ang paglalabas ng desisyon.
Iginiit nila sa liham na hindi lang benepisyo ang PBB, kundi pagkilala sa sakripisyo ng mga guro at kawani sa pagpapatuloy nila na maghatid ng kalidad na edukasyon sa kabila ng kulang na suporta.
Nitong Ago. 19 lang inaprubahan ng DBM ang apela ng DepEd para maibigay na ang sa mga pampublikong guro ang kanilang bonus.
“Nagbunga ang walang humpay na pagtutok natin at ng mga guro sa loob at labas ng Kongreso. Positibo ang naging desisyon sa apela kaya matutuloy na ang pagbibigay ng PBB 2023 sa mga guro at kawani ng DepEd,” sabi ni Tinio.