Paniniktik sa mga tanggol-kababaihan, nagpapatuloy
Sapilitang pinasok ng isang nagpakilalang “Jayson Tiongson” ang opisina ng Gabriela Women’s Party sa Quezon City nitong Ago. 19. Hindi ito ang unang beses nagtangkang pumasok at maniktik sa opisina ang nasabing indibidwal.

Sapilitang pinasok ng isang indibidwal na nagkunwaring taong simbahan ang opisina ng Gabriela Women’s Party (GWP) sa Quezon City nitong Ago. 19. Nagpakilala umano sa grupo ang naturang indibidwal na “Jayson Tiongson” na nagpumilit makapasok sa tanggapan sa kabila ng mariing pagtutol ng staff.
Pagpasok nito, naglibot siya sa mga silid at nagmasid-masid sa gusali. Nang tanungin kung ano ang pakay, magkakaiba ang sagot ng lalaki—una’y paghingi ng pakikipagtulungan at in-kind na donasyon para sa mga evacuee, malayo sa una niyang sinabing tulong pinansyal. Ngunit kalaunan’y naglabas siya ng blangkong sobre at nagsabing, “Maski magkano lang.”
Nagpakilala itong kasapi umano ng Jesus Is Lord Church (JIL), ngunit nang direktang nakipag-ugnayan ang GWP sa pamunuan ng JIL sa Quezon City, wala anila silang miyembrong nagngangalang “Jayson Tiongson.” Pinabulaan din ng JIL ang umano’y proyekto o solicitation drive ng kanilang simbahan.
Ayon sa GWP, hindi ito ang unang pagkakataon na nagtangkang pumasok at maniktik ang nasabing indibidwal.
“Isang malinaw na indikasyon na planado at sistematiko ito,” pahayag ng Gabriela Women’s Party.
Dagdag pa rito, bumisita sa bahay ng isang lider-kababaihan sa Marikina City noong Ago. 11 at 15 ang mga nagpakilalang kawani ng Department of Social Welfare and Development.
Pilit umano nilang pinapasuko si Tess de Jesus ng GWP-Marikina kapalit ng ayuda. Kalaunan, nakumpirma ng grupo na mula sa Philippine National Police-National Capital Region Police Officer ang mga naturang tauhan.
“Ang insidenteng ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na atake laban sa mga progresibong partylist at organisasyon. Ganito rin ang matagal nang ginagawa ng estado—mula sa surveillance hanggang sa iba’t ibang porma ng harassment—upang takutin at pahinain ang mga progresibong partylist at organisasyong walang humpay na nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan,” sabi ng GWP.
Nakipag-ugnayan na ang GWP sa pamahalaang barangay hinggil sa insidente. Panawagan ng grupo na manatili pa ring mapagmatyag sa mga ganitong taktika ng estado.
“Hindi matitinag ang Gabriela Women’s Party sa harap ng panggigipit at pananakot. Patuloy kaming lalaban para sa karapatan, katarungan, at kapakanan ng kababaihan at ng masang anakpawis,” giit ng grupo.