close

Ang saysay ng tula


Kailangan palayain ang tula tungo sa kaayusang malayo sa kooptasyon ng mga nakapangyayaring sistema.

Nahihibang ako sa kabalintunaan. Pinapanood ko ang mga Pilipinong makata sa kanilang pagbabasa ng tulang “If I must die” ni Refaat Alareer, isinalin sa iba’t ibang wika ng Pilipinas, sa makintab na entablado ng Frankfurt Book Fair (FBM).

Si Alareer ay isang Palestinong propesor at manunulat na pinaslang ng mga bomba ng Israel noong Dis. 6, 2023 sa kasagsagan ng henosidyong inilulunsad ng Zionistang Israel, United States at kanilang mga kasapakat sa Europa. Ang FBM ay isang institusyon sa Germany na sumusuporta sa henosidyong ito, nagpopondo sa mga bala at bomba at drone na pumapaslang sa libo-libo pang Alareer sa Gaza.

Hindi ko mawari kung ano’ng sumagi sa isipan ng ilang mga Pilipinong makata. Anong mga nakasisilaw na liwanag ang nagdaraan sa kanilang mga mata—sanay sa taimtim na pagbabasa sa mga linya at taludtod at imahen—upang maging bulag sa landas ng dugo sa mga institusyong Europeo?

‘Di man lang ba nila maarok na ang “ikaw” na kinakausap ni Alareer sa kanyang tula ay ang mga kapwa niya Palestino, at tayo ay nagiging ang mga “ikaw” na ito sa mahigpit lamang na pakikiisa sa kanilang pakikibaka? Napakalinaw na kasama dito ang pagtalima sa panawagang iboykot ang FBM at ang lahat ng institusyong kasabwat sa kanilang pagpatay.

Sa pagtatanghal sa mga salin, hinubad ng mga Pilipinong makata sa Frankfurt mula sa mga titik ng tula ni Alareer ang kanyang politika. 

Kay dali kung gayong itanong muli kung ano nga ba ang saysay ng tula, maging ng progresibo’t rebolusyunaryong tula, sa panahon ng henosidyo.

Sa araw-araw ng dalawang taong pagwasak ng Israel sa Gaza—ang mga larawan at video nitong sabay-sabay nating pinapanood sa balita at social media—nauutal tayo sa harap ng kakapusan ng mga salita upang ilarawan ang mga kawalang-hiyaang ginagawa ng okupasyon.

Sa kakapusang ito ay tumatambad pa sa atin ang hungkag na paggamit ng mga progresibo’t rebolusyunaryong akda sa mga bulwagan ng henosidyo upang maging palamuting imahinasyong ipinapailanlang sa hangin. Bakit patuloy pa ring tayong tumutula?

Binabasa ko ngayon ang zine na “six poems” ni Conchitina Cruz, libreng ipinamahagi ng kaibigan sa Fartfunkr BLTX, isang zine fair ng mga akda mula at para sa Palestine, at direktang sagot sa FBM.

Pinupukaw ako ng mga linya ni Cruz hinggil sa limitasyon ng tula, ng kanyang pagsusulat ng tula, na tumbasan ang pait ng dahas ng henosidyo: “a poem sings a pain not its pain/ a hunger not its hunger”; o maging ng ligaya sa harap ng lahat: “laughter catches the poem/ off guard/ what’s so funny/ it wants to know/ the poem can never know.” 

Malimit na paglimian ang limitasyong ito sa hanay ng mga aktibistang makata sa Pilipinas. Sa ilang pagkakataon, maaaring mahulog ang tanong sa palasak na pagbabalewala sa lugar ng tula sa pakikibaka at rebolusyon. Totoong sa harap ng henosidyo nakapangliliit para sa ating malayong-malayo sa Gaza ang anumang pagsubok na mag-abot ng pakikiisa, ng kamay, ng tula.

Ngunit para sa isang kaibigan, ang landas ng pagbabalewalang ito ay “pagkauntol sa yugto ng simpleng negasyon” ng kakapusan sa paggalugad sa mas masalimuot na ugnayan ng mga bagay. May takdang espasyo lang na kayang angkinin ang tula, ngunit ang espasyo ay espasyo. Gagap ito ng mga maraming rebolusyunaryong makata at ng kanilang mga tula na sa mga kubling ublagan ng mga disyerto at gubat ay patuloy na inaawit.  

Sa loob ng kontradisyong ito din nagsusulat ang mga Palestino. “How dare I add a word. Poets talk of spring as if it contradicts death,” giit ni Mira Mattar sa “Four poems”, tumatanggi sa kagandahan ng mga salita, kinakausap ang araw na piping saksi sa pagdurusa ng Gaza. 

Na tila sasagutin naman ang mga linya sa “Red carpet” ni Nasser Rabah, sa kakagyatan pa rin ng pagtula”: “And yet I dare to scatter my time like breadcrumbs/ for the birds of war./ Who else, oh homeland of mine, will stick out their tongue on rocket, if I don’t write?/ Who will wash the final words of the dead from the heart doctor’s hands?”

Mapangahas na nagsusulat ang maraming Palestino upang matignan sa mata ang henosidyo, habang lumilikha, dagdag ni Rabah, ng mga kanlungang nagpapatahan. 

Inaalpasan ni Cruz ang simpleng negasyon sa pag-intinding maaaring itawid tayo ng tula sa pagharaya sa mga bukas ng ating paglaya: “the poem refuses entry/ to the soldier/ who enter/ as soldiers always do/ to her assassins the child sings/ a song of the future/ a poem as true/ as a door/ to step out of.”

Dito ko sinasalungguhitan di lamang ang pagtula kundi ang paglikha rin ng mga espasyong tulad ng Fartfunkr BLTX na nagtutulay sa tula at sa ating mga kaisa ng Palestine

Sa harap ng kontradiksyon ng limitasyon at posibilidad ng progresibo at rebolusyunaryong tula, niyayakag tayo ng mga espasyong ito na yakapin ang mensahe ng naturang mga akda, at bigyang puwang ang pagbubuo ng mga ugnayan para sa ating mahahalagang layunin. 

Kailangan palayain ang tula tungo sa kaayusang malayo sa kooptasyon ng mga nakapangyayaring sistema. At magagawa lamang ito sa pagbabago sa mga kalagayang nagluluwal mismo sa tula. “if you want to annihilate yourself/ what are you doing here”, tanong at udyok sa huling taludtod ng tula ni Cruz.

Bilang pangwakas, hayaang sagutin ko ito gamit ang ilang taludtud mula sa tula ng mga Pilpinong rebolusyonaryong lumaban sa diwa ng pagpapalaya sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan: 

“Ang gerilya ay tulad ng makata”

“At may ilan sa ating nangahas/ na iukit ang panata/ sa dibdib ng yungib”

“Kasama, isang araw/ ay akin nang maipagmamalaki/ na itong dila na lihim kong sinasanay/ ay akin na ring wikang gamay at sarili.”