Mga paliwanag sa komplisidad
Ano ang bisa ng pagtatalaga ng panitikan ng ating bayan sa isang malawak na platapormang nagbubura naman ng panitikan at danas ng Palestine?
Maalingawngaw ang mga puna hinggil sa paglahok ng mga manunulat sa nagdaang Frankfurt Book Fair. Dahil sa pagkakatalaga sa Pilipinas bilang Guest of Honor, binalewala ang panawagang iboykot ang fair na ito na maraming dokumentadong katibayan ng kolaborasyon sa Israel.
Samu’t sari ang mga paliwanag na inihain ng mga manunulat upang pangatuwiranan ang kanilang paglahok. Sa kakalabas lamang na artikulo mula sa Esquire, kapansin-pansin ang pagbibigay-halaga ng mga manunulat sa oportunidad na binubuksan nito upang maipakilala ang panitikang Pilipino sa daigdig at makabuo ng mga network at kolaborasyon para sa paglilimbag at pagsusulat.
Habang nariyan din naman ang pagtatangka ng mga lumahok na magpahayag ng pakikiisa sa karahasang hinaharap ng mga Palestino sa porma ng talumpati at pagbabasa ng mga tula, malinaw sa mga pahayag ang pagbibigay ng pangunahing halaga sa Book Fair bilang makinarya ng promosyon sa panitikan at kultura ng Pilipinas.
Sa pag-uusisa sa etikal at moral na implikasyon ng desisyong lumahok sa Fair na ito, nabubuksan din ang mga masalimuot na usapin hinggil sa masalimuot na aspirasyon tungo sa pandaigdigang pagkilala sa panitikan ng bansa.
Ano ang bisa ng pagtatalaga ng panitikan ng ating bayan sa isang malawak na platapormang nagbubura naman ng panitikan at danas ng Palestine?
Sa isang bansa kung saan maraming istruktural na hadlang upang makabuo ng kultura ng pagbabasa, ano nga ba ang kahulugan ng pagbubuhos ng buwis ng taumbayan upang mapondohan ang paglahok sa pandaigdigang kaganapang ito? Ano ang kahulugan ng pagtatanghal ng panitikan sa ibayong-dagat ng isang bayang pinagkakaitan ng mga oportunidad upang magkaroon ng demokratisadong akses sa mga babasahin?
Ano ang bisa ng pagtatalaga ng panitikan ng ating bayan sa isang malawak na platapormang nagbubura naman ng panitikan at danas ng Palestine?
Maaari ding unawain ang paglahok lampas sa mga retorikang ito ng pandaigdigang promosyon ng pambansang panitikan. Nariyan ang reyalidad ng mga indibiduwal at institusyonal na simbuyong mapataas ang mga kultural na kapital sa porma ng networking. Indikasyon ito ng pagpapasukob ng mga manunulat at ng kanilang mga kultural na produkto sa globalisadong parametro ng halaga at ambag.
Katakam-takam na magpatangay sa simbuyong ito dahil na rin sa puwersadong paglalahok sa mga manunulat at mga intelektuwal sa kompetitibong pagtitimbang ng kanilang halaga batay sa lohika at dikta ng kapital.
Nakauwi na ang mga lumahok sa Book Fair, bitbit ang mga pahayag ng tagumpay, mga potensiyal na kolaborasyon at iba pang posibilidad. Ngunit may multo ang komplisidad—nariyan ang mga katanungan at pag-uusig hinggil sa ating paninindigan at sa mga pagpapahalaga natin hindi lamang hinggil sa panitikan kundi sa danas ng mga binubura gamit ang panitikan.
Ano ang kahulugan ng pagmamapa ng ating panitikan sa daigdig habang binubura ang Palestine sa mapa ng daigdig?