close
Suring Balita

Pribatisasyon sa Baguio, nakakubli sa ‘good governance’


Kapag ang isang serbisyo ay pinatakbo na para sa tubo, ang pangunahing motibasyon ng pribadong kompanya ay kumita, hindi ang maglingkod.

Isinusulong bilang sagisag ng “good governance,” ngunit kinukuwestiyon bilang anyo ng malawakang pribatisasyon. 

Ito ang kinakaharap na kontradiksiyon ng mga proyektong Public-Private Partnership (PPP) sa ilalim ng administrasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na naglalagay sa alanganin sa kabuhayan ng libo-libong manininda at mamamayan sa lungsod.

Para sa mga kritiko, ang pagsandig sa mga dambuhalang korporasyon para sa pag-unlad ng lungsod ay pagtalikod sa mandato ng gobyerno na unahin ang serbisyo publiko bago ang pribadong tubo.

Ang plataporma ng “good governance” ay naging sentro ng kampanya ni Magalong. Ngunit para sa Tongtongan ti Umili (Tongtongan), isang alyansa ng mga progresibong grupo sa lungsod, ang mismong modelo ng PPP ay sumasalungat sa mga prinsipyo nito.

Ayon sa grupo, ang tunay na mabuting pamamahala ay nangangailangan ng malawak at makabuluhang partisipasyon ng mamamayan.

Subalit sa ilalim ng PPP, lalo na sa mga kaso ng unsolicited proposals, ang mga desisyon ay nabubuo sa pagitan lang ng pamahalaang lokal at ng korporasyon, at inihahain na lang sa publiko bilang isang pinal na kasunduan.

Si Geraldine Cacho, tagapangulo ng Tongtongan Ti Umili, isang alyansa ng mga progresibong grupo sa Baguio City. Jeoff Larua/Pinoy Weekly

“Hindi ko ito ituturing na konsultasyon. Impormasyon lang ito. Minsan, ang dating ay parang idinidikta na lang. Walang tunay na demokratikong talakayan,” paliwanag ni Geraldine Cacho, tagapangulo ng Tongtongan.

Binigyang-diin ng grupo na bagaman hindi direktang ibinibenta ang mga pampublikong pasilidad, binabawasan naman ng PPP ang “pampublikong kontrol at pananagutan.” 

Kapag ang isang serbisyo ay pinatakbo na para sa tubo, ang pangunahing motibasyon ng pribadong kompanya ay kumita, hindi ang maglingkod.

Ito, para sa kanila, ang pinakabuod ng masamang pamamahala—ang pagtalikod sa mandato na unahin ang kapakanan ng nasasakupan.

Sentro ng usapin ang kontrobersiyal na Baguio City Market Redevelopment kung saan SM Prime Holdings ang binigyan ng original proponent status ng pamahalaang lungsod.

Para kay Marissa Generalao, na bata pa lang ay nagtitinda na, malaking dagok sa kanilang kabuhayan ang nakaambang apat na taong konstruksiyon.

“Dalawa ang anak kong nagkakolehiyo, ano ang gagawin ko? Parehong nursing, [ang] mahal [magpaaral], ‘di ba? Ang asawa ko, construction worker, ako dito lang. Apat na taon? Saan kami magtitinda? Saan kami magtatrabaho?” hinaing ni Generalao sa isang panayam sa Pinoy Weekly.

Protesta ng mga taga-Baguio City noong pandemya laban sa pribatisasyon ng Baguio City Public Market. Jeoff Larua/Pinoy Weekly

Ang pinakamalaking takot: ang pagtaas ng upa at ang relokasyon sa Slaughterhouse Compound na mas maliit at malayo sa sentro ng komersiyo.

Bilang tugon, nagsisikap ang Baguio Market Vendors Association (Bamarva) na makalikom ng P4 bilyon para tapatan ang alok ng SM at sila na ang manguna sa pagpapaunlad ng palengke.

Bukod sa palengke, isinusulong din sa ilalim ng PPP ang Smart Urban Mobility Plan (SUMP) at ang Baguio City Integrated Terminal (BCIT).

Nagpanukala ang SUMP ng P250 na congestion fee para sa mga sasakyang papasok sa central business district.

Ayon sa mga kritiko, isa itong anti-mahirap na patakaran na magpapahirap sa mga ordinaryong empleyado at maliliit na negosyanteng kailangang bumiyahe araw-araw.

Samantala, ang BCIT, na naaprubahan noong Hun. 2, ay isa pang malaking proyektong pang-imprastraktura na ipapaubaya sa pribadong sektor.

Ang sunod-sunod na pagpasa sa mga proyektong ito’y nagpapakita umano ng isang malinaw na direksiyon tungo sa komersiyalisasyon ng mga batayang serbisyo sa lungsod.

Idinepensa naman ni Magalong at ng kanyang mga kaalyado ang PPP bilang isang praktikal na solusyon sa limitadong pondo ng lungsod.

Anila, sa ganitong paraan ay magagamit ang pera ng bayan para sa ibang serbisyo tulad ng kalusugan at edukasyon.

Tungkol sa palengke, sinabi ni Magalong na pumayag ang SM na ilaan ang 70% ng gusali para sa mga manininda na kontrolado ng lungsod, habang 30% ang mapupunta sa operasyon ng SM.

Tiniyak din ni Baguio City Councilor Jose Molintas na ang kontrobersiyal na congestion fee ay isa lamang bahagi ng SUMP at dadaan pa ito sa masusing pag-aaral.

Sa kanyang huling kampanya, nangako si Magalong na hindi niya itutulak ang mga proyektong hindi gusto ng mga taga-Baguio.

“If Baguio does not like it, we will not accept it,” aniya. Ang tanong ngayon ng mga kritiko: kaninong boses ng Baguio ang kanyang pinakikinggan?

Ayon sa Ibon Foundation, ang PPP ay “pribatisasyon sa ibang paraan.” Ito ay bahagi ng adyendang neoliberal na nag-ugat pa sa Build-Operate-Transfer Law o Republic Act 6957 noong administrasyong Corazon Aquino at pinalawak ng Republic Act 7718 sa panahon ni Fidel Ramos.

Ang mga patakarang ito’y isinulong ng mga pandaigdigang institusyon tulad ng World Bank at International Monetary Fund upang bawasan ang papel ng gobyerno sa ekonomiya.

Madalas na katuwiran ng mga nagsusulong ng PPP ang kakulangan sa pondo. Ngunit sa katagalan, mas malaki ang gastos ng publiko rito.

Panawagan sa isang protesta sa Baguio City. Jeoff Larua/Pinoy Weekly

Mas mataas ang interes sa pautang para sa pribadong sektor, at para masigurong tutubo ang korporasyon, kadalasang may mga garantiya mula sa gobyerno.

Ibig sabihin, kung malugi ang proyekto, gobyerno—gamit ang buwis ng taumbayan—ang sasalo nito.

Sa ganitong mga kasunduan, ang panganib ay hindi tunay na naililipat sa pribadong kompanya. Sa huli, gobyerno ang pumapasan sa mga posibleng pagkalugi, habang garantisado ang tubo ng korporasyon. Ang resulta: ang yaman ng bayan ay naililipat sa kamay ng iilang mayayaman.

“Doble ang talo ng taumbayan—minsan kapag ninanakaw ang kanilang buwis, at muli kapag sinabi ng gobyerno na walang pera at kailangang umasa sa mga korporasyon,” sabi ni Cacho.

Tinukoy ng grupo nila ang korupsiyon at ang corporate takeover bilang “kambal na problema” na parehong dapat puksain para sa isang tunay na makataong pamamahala.

Sa ngayon, ang mga panukala para sa Public Market Redevelopment at Smart Urban Mobility ay nasa ilalim ng 120 araw na pagrepaso ng Sangguniang Panglungsod.

Kung walang magiging desisyon ang konseho sa loob ng panahong ito, awtomatiko itong maaaprubahan.

Patuloy ang panawagan ng mga progresibong grupo at ng mga manininda sa mga residente ng Baguio City na bantayan at tutulan ang mga proyektong ito.

Ang laban para sa pampublikong palengke ng Baguio City, anila, ay hindi lang laban ng mga manininda. Isa itong laban para sa kinabukasan ng lungsod—isang repleksiyon ng mas malawak na laban ng mamamayang Pilipino kontra sa pribatisasyon at para sa isang kaunlarang tunay na nakasentro sa tao, hindi sa tubo.